Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Ina sa Pagbebenta ng Lupa Upang Gawing Condominium; Sa Kaniyang Pagyao ay Malalaman Nila ang Nakakadurog na Katotohanan

Tutol ang Ina sa Pagbebenta ng Lupa Upang Gawing Condominium; Sa Kaniyang Pagyao ay Malalaman Nila ang Nakakadurog na Katotohanan

“Tama na, Hector, itigil na natin ang usapang ito. Buo na ang desisyon ko, hindi ko aalisin ang tindahan ko sa lugar na ito,” sambit ng matandang si Aling Cora sa kaniyang anak.

“Pero, ‘nay, hindi ba nangarap kayo dati na mabili ang lupang sinasakupan nito. Unti-unti ninyo nang nagawa at gusto niyo lang itengga?” saad naman ginoo.

“Nag-iipon pa ako nang kaunti, Hector. Alam mo kung ano ang nais kong ipatayo sa lugar na ito,” muling wika ng matanda.

“‘Nay, minsan lang magkaroon ng oportunidad na ganito. Malaki ang ibabayad sa atin ng kumpanyang iyon para mapatayuan na nila ito ng gusali. Ang sabi pa nga ay magkakaroon din kayo ng hati sa kita nito. Hindi ba maganda ‘yun? Hindi na kayo magtitinda pa ng miswa diyan sa maliit niyong karinderya,” saad pa ni Hector.

“Tama na, anak, nakapagdesisyon na ako,” malumanay na sambit muli ni Aling Cora.

“Matanda na kayo, ‘nay, at kailangan niyo na ring magpahinga sa pagtitinda. ‘Yung malaking pera na makukuha natin ay gagamitin ko sa negosyo para naman sa mga susunod na henerasyon ay maging maayos na ang buhay nila,” giit pa ng anak.

“Sinabi ko na sa’yo, Hector, na hindi niyo ako mapipilit sa gusto niyo. Kung nais mo talagang makisama sa mga taong ‘yun at nais mong patayuan ang lupang ito ng condominium ay bahala ka. Pero hintayin mo muna akong sumakabilang buhay. Tutal, ikaw na rin ang nagsabi na matanda na ako!” sambit ng matanda.

Laki sa hirap at kinalakhan na ni Aling Cora ang patitinda ng miswa sa lugar kung saan nakatirik ang kaniyang karinderya. Pamana pa ito sa kaniya ng kaniyang mga lolo. Marami ang kanilang naging parokyano dahil sa sarap ng espesyal na putahe nila ng sabaw na may miswa.

Nangarap si Aling Cora kasama ang kaniyang lolo na isang araw ay mabibili din nila ang kabuuan ng lupang kinatitirikan ng kanilang tindahan. Kaya ganun ang ginawa ng ginang. Nag-ipon siya hanggang sa unti-unti niyang mabili ang nasabing ari-arian.

Ngunit nang makita ng isang kumpanya ang potensiyal ng nasabing lugar ay nais nila itong bilhin sa matanda. Ilang beses na nila itong inalok kapalit ang limpak-limpak na salapi ngunit mariin pa ring tumanggi ang ginang.

“Mahalaga sa akin ang lugar na ito. Hindi niyo ito basta mabibili lamang ng pera niyo!” pagtataboy ng matanda.

Ngunit pursigido ang kompanya na mabili ito kay Aling Nora kaya kinausap nila ang anak nitong si Hector. Alam ng ginoo na buo na ang loob ng kaniyang ina ngunit dahil sa laki na rin ng inaalok sa kaniyang pera ay nais nitong subukang kumbinsihin ang ina.

“Ayaw talaga ng nanay ko,” sambit ni Hector sa may-ari ng kumpanya.

“Ayoko namang pilitin pa sapagkat baka kung anong masama pa ang mangyari sa kaniya. Kung gusto niyo talaga ng lugar na iyon ay hintayin niyo na lang talagang matapos ang buhay ng nanay ko. Kapag isinalin na sa akin ang titulo’y agad ko sa inyo itong ibebenta,” wika ni Hector.

Kaya ganun na lang ang ginawa ni Hector. Hinintay na lamang niya na magkaroon ng sakit at manghina ang kaniyang ina. Alam niyang hindi ito imposible dahil marami na rin itong nararamdaman sa kaniyang katawan at ayaw pa rin nitong tumigil sa pagluluto at pagtitinda sa kaniyang karinderya.

Samantala, nagawa naman ni Hector ang mangutang para sa sarili niyang pangangailangan. Lulong na kasi siya sa sabong at nais na niyang tumaya ng malakihan. Dahil alam niyang ipapamana na rin naman sa kaniya ng ina ang lupa at alam niyang mabebenta niya ito kaagad ay ito ang kaniyang sinasabi lagi.

“Babayaran kita dahil may darating akong malaking pera,” pangako ni Hector sa kaniyang inuutangan.

Hanggang sa lumaki na nang lumaki ang kaniyang utang.

Upang makabayad ay gumawa na siya ng paraan upang manghina ang matandang ina.

Hindi alam ni Aling Cora na sadyang iniuwang ni Hector ang mesa upang siya ay madapa. Bitbit ang kaserola na may kumukulong sabaw ay natalisod ito. Dinala ito sa ospital ngunit malubha na ang kalagayan nito. Lapnos ang balat at hindi na makagalaw pa.

Ilang araw ay binawian din ito ng buhay.

Imbis na malungkot ay ikinatuwa pa ng ni Hector ang pagkawala ng ina sapagkat alam niyang sa wakas ay mayaman na siya.

Ngunit sa kaniyang pagtataka’y iba ang sinabi sa kaniya ng abogadong may hawak ng testamento ng ina.

“Wala kang mamanahing lupa, Hector. Kahit isang singko ay wala kang mamanahin,” saad ng abogado.

“Hindi maaari ito! Kaisa-isa lamang akong anak ng aking ina at nasa batas na sa akin ang lahat ng pag-aari niya kung siya ay mawawala!” bulyaw ng ginoo.

“Wala akong magagawa, Hector. Ito ang bilin ni Cora bago siya namaalam. Ipinagkatiwala na ni Aling Cora ang kaniyang ari-arian at ipon sa isang ahensya upang makapagpatayo ng bahay-ampunan. Ito na kasi ang matagal na pangarap ni Aling Cora at ng kaniyang yumaong lolo.

Heto at may liham siyang iniwan sa akin. Ibigay ko raw sa iyo ito kung may masamang mangyayari sa kaniya. Ito raw ang maglilinaw ng lahat ng agam-agam sa isipan mo,” saad pa ng abogado.

Inis na inis na binuksan ni Hector ang liham ng kaniyang ina at saka niya ito binasa.

Alam kong darating ang panahon na ito na mawawala ako. Alam ko ring magtatanim ka sa akin ng sama ng loob sa ginawa ko dahil wala man lamang akong iniwan para sa’yo. Hindi ko magawa ang gusto mo dahil matagal na naming pangarap ng lolo na bilhin ang kabuuang lupa upang gawing bahay-ampunan.

Ito ay sa kadahilanang sa kalsada lamang niya ako nakuha at hindi niya ako tunay na apo. Pinalaki niya ako na parang tunay niyang kadugo. Palagi niyang sinasabi sa akin na isang araw ay magpapagawa raw siya ng bahay-ampunan.

Tulad ko ay inampon lamang din kita galing sa kalye. Hindi ko kilala ang iyong ama at ina. Basta ka na lamang nilang iniwan sa tapat ng aking karinderya. Simula noon ay itinuring na kitang anak at ibinuhos ko na ang panahon ko sa iyo.

Doon ko naunawaan ang nais ng lolo ko na magkaroon ng bahay-ampunan. Upang ang mga batang walang tirahan at walang magulang na tulad mo at tulad ko ay mayroong tahanang mauuwian at matatawag na pamilya.

Labis na nagulat si Hector sa katotohanang ito. Lubos ang kaniyang pagsisisi sa ginawa niya sa matandang nag-aruga at kumalinga sa kaniya sa loob ng maraming taon. Ang taong itinuring siyang anak kahit hindi naman siya kaanu-ano nito.

Napaluhod sa pagsisisi ni Hector. Nais sana niyang humingi ng tawad sa kaniyang ina dahil sa kaniyang kasakiman. Patuloy sa pagtangis ang ginoo, ngunit kahit ano pa ang kaniyang gawin ngayon ay hindi na niya maibabalik pa ang buhay ng yumaong inang si Aling Cora.

Advertisement