Labis ang Paghanga ng Isang Bata sa Matandang Mayaman; Nang Magkita Sila ay Itinulak Lamang Siya Nito sa Tubig
Halos humaba na ang leeg ng batang si Pepe habang tinitingnan niya ang lalaki na nasa billboad. Hindi niya maialis ang kaniyang tingin sa matanda kaya hindi na niya napansin pa ang paparating na sasakyan.
“Tumabi ka nga, Pepe. Muntik ka nang masagasaan. Buti na lang ay nahila kaagad kita!” sambit ng kaniyang kaibigang si Timo.
“Ano ba kasi ng tinitingnan mo riyan?” tanong pa ng bata.
“Kilala mo ba ang matandang iyan? Siya ang pinakamayamang tao dito sa bansa natin. Ang balita ko ay galing daw siya sa hirap. Tinitingala ko talaga ang taong iyan sapagkat nagbibigay siya ng pag-asa sa ating mahihirap,” tugon naman ni Pepe.
“Oo at kakatingala mo nga ay muntik ka namang masagasaan!” sambit muli ni Timo.
“Nawala nga lang ako sa sarili ko. Ang dami ko na kasing naiisip kaagad kung paano ko susundan ang yapak ng matandang iyan. Nais kong maging kagaya niya at lahat kayo’y tutulungan ko. Bibigyan ko ang mga magulang ko ng napakalaking bahay at laging pagsasaluhan namin ang masasarap na pagkain!” masayang paglalahad ni Pepe.
“Sana isang araw ay makausap ko si Don Pedro Rizarte para matanong ko sa kaniya kung ano ang kailangan kong gawin upang maging kagaya niya,” saad pa nito.
“Alam mo masarap sanang makatamtan talaga ang mga pangarap mo. Pero mas kailangan na yata nating bilisan ang pangangalakal dahil nauunahan na tayo ng ibang mga bata. Tara na, Pepe, baka mamaya ay kaunti lang ang mauwi nating pera!” sambit pa ni Timo.
Palaging magkasama ang magkaibigan pagkatapos ng kanilang klase upang manguha ng kalakal. Ito ang tulong nila sa kanilang mga magulang na parehong pamamasura rin ang ikinabubuhay.
Malaking tulong ang pabente-benteng kinikita ng dalawa dahil kahit paano’y nakakabili sila ng bigas o hindi naman kaya’y pambaon nila sa paaralan. Kaya hindi inaalintana ng dalawa ang init, ulan at pagod makatulong sa pamilya.
Mataas ang pangarap nitong si Pepe. Simula nang mabasa kasi niya ang talambuhay ni Don Pedro Rizarte ay nagkaroon siya ng pag-asa na isang araw ay matutupad din niya ang inaasam-asam.
Ngunit para sa ilan na nakakaranas ng kahirapan ay tila mahirap din itong maabot. Kaya ganoon na lang pagtawanan ng iba ang kaniyang pangarap.
Isang araw habang naglalakad ang magkaibigan ay may napansin si Pepe.
“Timo, alam mo bang pag-aari ng matandang mayamang sinasabi ko sa’yo ang lupaing ito? Lumapit tayo nang makita natin!” paanyaya ni Pepe.
“Huwag na, Pepe, baka mamaya ay maraming gwardiya diyan. Hulihin pa nila tayo. Baka akalain pa nila’y magnanakaw tayo,” saad pa ng kaibigan.
“Hindi ‘yan. Titingin lang naman tayo kung ano ang nasa loob. Gusto ko lang malaman kung ano ang itsura ng bahay ng mga mayayaman. Saka tingin ko ay wala namang tao diyan,” sambit pa nang bata.
Lumapit sila sa malaking gate ng nasabing lupain. Pilit nilang sinilip kung ano ang nasa loob nito.
“Timo, kasya tayo sa ilalim. Tara at puntahan natin ang loob, wala namang tao. Baka mamaya ay nasa loob niyan si Don Rizarte. Sa wakas ay matatanong ko na sa kaniya ang matagal ko nang gustong malaman,” wika pa ni Pepe.
“Huwag na, Pepe! Tara na at umuwi na tayo. Baka mamaya ay madisgrasya pa tayo o hindi kaya’y isumbong pa tayo sa mga pulis. Ayaw kong bigyan ng sakit ng ulo ang mga magulang ko,” tugon ni Timo.
Hindi pa tapos sa sinasabi niya ang bata’y pilit nang pinagkasya ni Pepe ang kaniyang maliit na katawan sa uwang ng gate. Ilang sandali pa ay nakapasok na ito.
“Bahala ka nga sa buhay mo, Pepe! Aalis na ako! Ayoko talagang mapagalitan!” sambit pa ni Timo.
Maingat na naglakad si Pepe papasok ng lupain na iyon. Namangha siya sa lawak ng paligid at sa ganda ng tanawin.
Napabuntong hininga na lamang siya. Ninamnam niya ang pagkakataong iyon at inisip niyang balang araw ay magkakaroon din siya ng malaking bahay at lupain.
Habang nakapikit si Pepe at labis na dinarama ng mga sandaling iyon ay nakarinig siya ng isang sigaw.
“Anong ginagawa mo sa lupain ko, bata? Paano kang nakapasok dito?” bulyaw ng tinig.
Takot na takot si Pepe habang dahan-dahan siyang lumingon. Laking gulat niyang makita ang matandang si Don Pedro Rizarte.
“P-pasensiya na po kayo kung pumasok po ako dito. A-alam ko pong mali ito. Pero kailangan ko lang po talaga kayong makausap. Matagal ko na po kayong hinahangaan at nais ko lang pong magtanong,” nauutal na sambit ni Pepe.
“Talagang masama ang ginawa mo! Hindi ka dapat pumapasok sa isang ari-arian na walang pahintulot. Nasaan ba ang mga magulang mong bata ka?” tanong muli ng matanda.
“H-huwag ninyo na po akong isumbong sa kanila. Ayoko pong magalit sila sa akin. Pangako po na aalis ako kaagad sagutin niyo lang po ng tanong ko,” pakiusap muli ni Pepe.
“Ano ba ang nais mong itanong sa akin?” saad ng ginoo habang papalapit sa bata.
“Sige, sasagutin ko ang tanong mo sa isang kundisyon na uuwi ka na at hindi na kailanman uulitin ang iyong ginawa,” saad pa ni Pedro.
“Ano ba ang gusto mong malaman bata? Bakit ba ganoon na lang ang pagnanais mo na sa akin pa malaman ang kasagutan?” tanong muli ng ginoo.
“Mahirap lang po kami at dahil sa inyo’y nag-iba ang panananaw ko sa buhay. Maraming beses na akong pinagtatawanan dahil sa paniniwala kong balang-araw ay mangyayari din sa akin ang nangyari sa inyo. Pero ang nais ko lang malaman ay paano niyo po ginawa? Paano kayong yumaman nang ganiyan?” pahayag naman ni Pepe.
Niyaya ni Pedro si Pepe na lumapit sa isang swimming pool. Hindi inaasahan ng bata ang gagawin sa kaniya ng ginoo. Bigla na lamang siyang tinulak nito sa parteng pinakamalalim. Hindi marunong lumangoy si Pepe kaya patuloy ang kaniyang pagpupumiglas upang makaalis sa tubig.
Ilang sandali pa ay tinalon din siya ng matandang si Pedro at iniligtas.
“Bakit niyo po ginawa ang bahay na iyon, ginoo? Nais niyo po bang kit!lin ang buhay ko?” naiiyak na sambit ni Pepe.
“Hindi, Pepe. Nais ko lang sagutin ang tanong mo. Hindi ba tinatanong mo sa akin kung paano ko ginawang maging mayaman sa kabila ng pagkasalat namin sa buhay? Mahirap pa kami sa daga noon, Pepe. Pero kinaya ko,” lahad ng ginoo.
“Noong nasa ilalim ka ng tubig at hindi ka makalangoy, ano ang nasa isip mo? Ano ang hinahangad mo ng mga sandaling iyon?” tanong ni Pedro.
“Hangin. Nais ko po ng hangin!” tugon ng bata.
“Lagi mong aalalahanin ang tagpong ito. Gawin mo ang lahat para matupad mo ang pangarap mo. Tulad ng paghahangad mo sa hangin habang ikaw ay nalulunod sa tubig. Iyan ang naging sandata ko upang hindi tumigil hanggang makamit ko ang mayroon ako ngayon, Pepe,” saad ni Pedro.
Napangiti na lamang si Pepe. Ngayon ay naunawaan na niya ang matanda.
Binigyan ni Pedro ng tuwalya si Pepe upang tuyuin ang kaniyang sarili. Pinagmamasdan ni Pedro ang bata habang masayang umaalis sa kaniyang lupain.
“Bata, gusto ko ang disposisyon mo sa buhay. Bumalik ka dito bukas at marami pa akong ituturo sa iyong bagay! Nais kong kahit sa ganoong paraan man lamang ay matulungan kita. Alam kong isang araw ay yayaman ka rin tulad ko,” saad pa ng ginoo.
Umalis si Pepe sa naturang lupain na may ngiti sa kaniyang mukha. Baon niya ang aral na natutunan sa mayamang matanda ay buong tatag niyang haharapin ang kinabukasan.
Araw-araw na nagbalik si Pepe sa lupaing iyon upang makausap ang matanda. Dahil natuwa masyado sa kaniya ang ginoo ay pinag-aral siya nito at tinuruan pa sa maraming bagay.
Hindi naglaon ay unti-unti na ring nakamit ni Pepe ang pangarap na yumaman. Isa na rin siya sa mga tinitingala at hinahangaan sa bansa dahil sa kaniyang pagpupursige sa buhay. Naging insiprasyon ang kwento ni Pepe sa marami.
Sa tuwing tinatanong siya ng mga tao kung paano niya ginawa ang yumama’y ang tanging sagot lamang niya’y tinulak ako sa tubig ng matandang si Don Pedro.