Inday TrendingInday Trending
Karton ang Naging Bahay at Higaan ng Mag-iina; Hindi Nila Akalaing Ito Rin ang Magbibigay sa Kanila ng Magandang Bukas

Karton ang Naging Bahay at Higaan ng Mag-iina; Hindi Nila Akalaing Ito Rin ang Magbibigay sa Kanila ng Magandang Bukas

“Mga anak, halina kayo’t may pasalubong ako sa inyo!” bungad ni Aida sa kaniyang tatlong anak nang makauwi ito sa bahay mula sa buong araw na pagtatrabaho.

Dali-dali namang nagsilapitan ang kaniyang mga anak upang salubungin ang kanilang ina.

“Wow! Bagong mga karton, nanay! Tiyak akong masarap na naman ang higa natin nito mamaya!” saad ng panganay na si Bert.

“Hiningi ko talaga ito kanina sa amo ko at itinabi. Alam ko kasing matutuwa kayo. Kumuha pa ako ng isa para may mapaglaruan kayo,” saad pa ni Aida sa mga anak.

“Maraming salamat po, nanay!” sambit pa ng mga anak.

Nagtatrabaho sa isang factory ng kendi itong si Aida. Munting kaligayahan na nga nila kung maituturing ang pagkakaroon ng bagong mga kahong karton. Pinagkakasya lamang kasi nila ang kanilang pamilya sa maliit na barung-barong. Pinagtagpi-tagping lona bilang kanilang dingding at butas-butas na yero. Sa kanilang paanan ay lupa at upang maging komportable sila’y nilalagyan nila ito ng karton.

Ngunit sa pagtagal ay hindi maiiwasan na mabasa ito at maluma. Kaya masama ang magkakapatid kapag may bagong karton na inuuwi ang kanilang ina upang mapalitan ang mga ito.

Habang nakahiga ang magkakapatid at akmang patulog na ay biglang nagwika ang kanilang bunsong kapatid na si Junjun.

“Sa tingin niyo kaya ay makakahiga pa tayo sa totoong kama? Sa patag at malambot na kama. “Yung gigising tayong hindi na masakit ang ating likod dahil may mga tipak ng batong nahihigaan natin,” saad pa ng bata.

“Huwag ka ngang magsalita nang ganiyan, Junjun. Baka mamaya ay marinig ka ni nanay,” sita ni Bert sa kapatid.

“Kaya nga! Magpasalamat ka na lang at may natutulugan pa tayo. Ginagawa naman ni nanay ang lahat para mabuhay niya tayong tatlo,” sambit naman ng pangalawang kapatid na si Nora.

“Nangangarap lang naman ako! Basta paglaki ko at nakatapos na ako ng pag-aaral ay bibili talaga ako ng kama at magpapagawa ako ng magandang bahay. Tag-iisa tayo!” saad pa ni Junjun sa mga kapatid.

“Sige na nga at matulog ka na. Kung anu-ano na ang sinasabi mo riyan! Sana’y sa isang linggo makapag-uwi muli ng karton si nanay para gagawin kong aparador,” sambit muli ng panganay na kapatid.

Ang hindi alam ng magkakapatid ay gising pa rin ang kanilang ina at naririnig ang kanilang kwentuhan. Natutuwa si Aida sa kwentuhan ng magkakapatid ngunit hindi rin niya maiwasan na malungkot dahil nga sa hirap ng kanilang buhay. Nais man kasi niyang bigyan ng maginhawang pamumuhay ang mga ito’y hindi niya magawa dahil sa liit ng kaniyang sinasahod.

Makalipas ang isang linggo ay labis ang pangamba ng mag-iina dahil mayroon daw papalapit na bagyo.

“Hindi kakayanin ng bahay natin ang bagyong paparating. Kailangan na nating lumikas,” saad ni Aida sa kaniyang mga anak.

“May babalikan pa ba tayong bahay, nanay? Paano na lang po ang mga gamit natin?” tanong naman ni Bert.

“Pabayaan niyo na ‘yan. Kailangan ay maging ligtas tayo,” saad ng mag-anak.

Lumikas sila sa pinakamalapit na eskwelahan. Kahit na nasa patag at may matibay silang nasisilungan ng mga sandaling iyon ay hindi maiwasan ng mga bata na maisip ang kanilang barung-barong.

Muli ay ang mga karton ang kanilang kapiling bilang higaan.

Makalipas ang bagyo ay binalikan ng mag-anak ang kanilang tinitirahan ngunit nalungkot sila nang tuluyan na itong nawasak ng bagyo at inanod ng baha.

Muli ay bumalik sila sa tinutuluyang eskwelahan habang hindi pa nila naiaayos ang kanilang mga gamit.

“Malamig ang sahig, mga anak. Ito ang karton isapin niyo para hindi malamigan ang inyong mga likod,” saad ng ginang.

Alam ng magkakapatid na tila nawawalan na ng pag-asa sa buhay ang kanilang ina.

Kaya naisipan ni Bert na magpatawa.

“Itong karton na ito talaga ang paborito ko. Sa tuwing ito ang gamit nati’y daig ko pa ang nakahiga sa mamahaling kama!” sambit ni Bert.

“Ako rin! Ito talaga ang paborito ko! Kahit walang unan parang hinehele ka talaga!” saad naman ni Nora.

“Hindi ko kayo maintindihan. Noong isang araw nga lang ay sabi niyo’y masakit na ang katawan niyo. Tapos ngayon sasabihin ninyong parang kama! Ako nga rin, ang sakit sakit na ng likod ko. Ang ginaw-ginaw pa dahil wala tayong kumot!” bulyaw naman ng bunsong kapatid.

“Ikaw naman! Sinasabi lang namin iyon para hindi na mag-alala pa sa atin ang nanay natin. Tapos ay babanat ka na naman ng ganiyan!” sambit ni Bert.

“Pasensiya na kayo, mga anak, kung ganitong buhay lang ang kayang ibigay ni nanay sa ngayon. Hayaan ninyo at gagawa ako ng paraan para kahit paano ay guminhawa naman ang buhay natin. Maging maayos na rin ang pagtulog niyo,” hindi na naiwasan pa ni Aida na lumuha sa sitwasyon ng kaniyang mga anak.

Ilang araw pa silang nanatili sa evacuation center.

Isang gabi ay nakita na lamang ni Bert si Junjun na tila ay sinusulat.

“Matulog ka na, Junjun, ano pa bang ginagawa mo? Huwag mo nang hintayin na sawayin ka pa ni nanay,” sita ng panganay.

“Tatapusin ko lang ‘to, kuya!” tugon naman ng bunso.

“Ano ba ‘yang ginagawa mo? Kung kailang gabi ay saka ka pa nagsususulat,” saad pa ni Bert.

“Sige na at matutulog na rin ako, kuya,” saad muli ni Junjun.

Kinabukasan ay nagising na lamang ang mag-iina na wala si Junjun sa kanilang tabi. Hinanap na nila ito kung saan-saan ngunit wala pa rin. Pagdating ng tanghali ay umuwi na ito.

“Saan ka ba nanggaling, bata ka? Halos atakihin na ako sa paghahanap sa’yo!” sambit ng ina.

“May pinuntahan lang po ako, nanay. Pasensiya na po kayo,” nakayukong tugon naman ng bata.

“Huwag mo nang uulitin ang bagay na ‘yan! Magpapaalam ka kapag aalis ka!” muling pahayag ni Aida.

Tumango lamang si Junjun.

Mula noon ay araw-araw na tila may inaabangan itong si Junjun.

“Bakit ba hindi ka mapakali?” tanong ni Bert.

“Akala mo ba ay hindi namin napapansin? Siguro ay may nagawa kang kasalanan, ano?” sambit naman ni Nora.

“Wala! May hinihintay lang ako!” tugon ng bunso.

“Umamin ka na! Ano ang ginawa mo? Kung hindi ay isusumbong talaga kita kay nanay!” giit ni Bert.

“Sinabi nang wala nga! May hinihintay nga akong dumating!” muling tugon ni Junjun.

Napansin ito ng ina at pinagsabihan ang magkakapatid.

“Ito po kasing si Junjun, ‘nay, ayaw pang umamin. Halata naman pong may ginawa siyang mali,” sambit ni Bert.

“Wala naman po talaga, ‘nay. May hinihintay lang po ako talaga,” paliwanag naman ni Junjun.

“Anak, bakit ba parang nitong nakaraan ay tumitigas na ang ulo mo? May nililihim ka ba sa amin? Sabihin mo na para hindi na ako magalit pa,” saad ni Aida.

Ngunit iisa lamang ang sagot ni Junjun.

Dahil unti-unti nang naiinis si Aida sa anak ay nais na sana niya itong paluin. Hanggang sa ilang sandali ay may dumating na tauhan sa evacuation center at hinahanap si Junjun.

“Ayan na nga ang sinasabi namin, ‘nay! Lagot ka talaga, Junjun! Anong ginawa mo?” sambit ni Bert.

Paglapit ng mga lalaki kina Aida at mga anak niya ay agad silang tinanong nito. Hindi na itinanggi pa ni Aida na anak niya si Junjun.

“Kung ano man po ang nagawa ng anak ko ay pagpasensiyahan niyo na. Pagsasabihan ko po siya. Ako na po ang humihingi ng despensa,” pagmamakaawa ni Aida sa mga ito.

“Naku, mali po ang akala ninyo, ginang. Narito po kami dahil gusto po naming ipabatid na natanggap po ng aming kumpanya ang sulat ni Junjun. Ang may-ari po mismo ang nakabasa at siya ang nagpadala sa amin dito,” saad ng lalaki.

Labis ang pagtataka ng mag-iina.

“Hindi po ba ninyo alam na sinulatan po kami ng inyong anak? Ito po ang sulat niya,” muling saad ng lalaki sabay abot ng sulat.

Nang mabasa ito ng kaniyang ina ay napaluha na lamang ito.

Ako po si Junjun. Bata pa lamang po ako ay sa karton na kami natutulog. Pero masaya kami kapag ang karton po ninyo ang aming tutulugan dahil makapal ito at hindi tumatagos ang mga bato sa lupa na aming hinihigaan. Nais man namin na magkaroon ng kama’y alam naming imposible. Mahirap lang po kami at hindi ito kaya ng nanay ko. Kaya po kung pwede ay padalhan po ninyo kami ng ilang karton pa. Bago at hindi po basa para sa aming tatlong magkakapatid at sa nanay ko po.

Maraming salamat sa inyo.

Gumagalang, Junjun

“Natuwa at naantig po ang kalooban ng aming amo kaya po nais niyang sabihin sa inyo na bibigyan niya kayo ng isang maliit na bahay upang mayroon kayong tirhan. Saka imbis na mga karton ay may kama na rin ito para naman makatulog kayo ng komportable. Nakakatuwa ang pagka-inosente at busilak ng puso ng anak niyong si Junjun. Maswerte kayo sa anak niyo, misis,” saad pa ng lalaki.

Nang gabi palang nagpupuyat ang bata’y gumagawa ito ng liham sa address na nakasulat sa karton na kanilang hinihigaan. Ang mga sandaling nawawala naman pala si Junjun ay dahil pumunta ito sa post office upang ihulog ang kaniyang liham.

Napatalon na lamang sa galak sina Bert ar Nora dahil sa wakas ay may titirahan na sila. Samantala, napayakap naman nang mahigpit si Aida kay Junjun sa labis na pasasalamat sa ginawa ng anak.

Masayang lumipat ng tirahan ang mag-iina. Sa pagkakataong ito ay makakahiga na talaga sila sa isang malambot na kama.

Sa bagong tirahan ay baon nila ang mga matatamis na kanilang nakaraan. Bitbit ng mag-iina ang pag-asang isang araw ay mas magiging maginhawa pa ang kanilang buhay.

Advertisement