Hindi Naniniwala ang Matandang Ginoo na Yumao na ang Asawa; Lahat Sila ay Magugulat sa Pag-Uwi ng Ginang
“Nakakatuwang pagmasdan ang daddy at mommy, ano? Kahit matatanda na’y kung maglambingan ay akala mo’y kahapon lang naging sila,” saad ni Lorenz sa kaniyang Ate Brenda habang tinitingnan ang kanilang mga magulang na nagtatawanan sa hardin.
“Kaya nga, e. Sa tuwing nakikita ko ang mga magulang natin ay hindi ko maiwasang hilingin na sana ay ganiyan din kami ng asawa ko pagtanda namin,” tugon naman ng nakatatandang kapatid.
“Siya nga pala, alam mo ba kung bakit tayo pinapunta ng daddy dito?” tanong pa ni Lorenz.
“Oo nga pala. Bakit nga raw ba? Ang sabi ni daddy ay importante raw ito? Kaya natakot ako at pumunta ako kaagad dito. Kinakabahan pa nga ako kanina. Buti na lamang at sinalubong ako ng paglalampungan niyang mga magulang natin,” kwento naman ng kaniyang Ate Brenda.
“Nais daw kasing surpresahin ni daddy si mommy para sa kanilang ika limampung anibersaryo. Gusto niyang pakasalan ulit si mommy,” sagot ng kapatid.
“Ibang klase talaga si daddy! Tiyak kong mapapaiyak na naman niya si mommy dahil sa sobrang tuwa,” saad pa ni Brenda.
Wala na nga sigurong hindi maiinggit sa pagsasama ng mag-asawang sina Bonoy at Minda. Kahit kasi matatanda na ito ay mababanaad mo pa rin sa kaniyang mga kilos at tingin ang lubusang pagmamahalan sa isa’t isa. Literal na hindi mo nga mapaghiwalay ang dalawang ito lalo na ng magretiro ang ama nilang si Bonoy. Lagi na lamang itong nakadikit sa kaniyang asawa kahit ano ang gawin nito.
Ilang sandali pa ay nagpakita na rin ang magkapatid sa kanilang mga magulang.
Habang abalang naghahanda ng makakain ang ina ay siya namang pagkakataon upang kausapin na ni Bonoy ang mga anak tungkol sa planong muling pagpapakasal.
“Nais ko sanang sa simbahan gawin ang pagpapakasal namin ng mommy niyo. Dati kasi ay walang-wala kami kaya hindi ko siya nabigyan ng magandang kasal. Pero nangako ako sa kaniya na isang araw ay pakakasalan ko siyang muli at talagang engrande. Ito ngayon ang gusto kong mangyari para sa aming anibersaryo.
“Kayang-kaya naman ‘yan paghandaan ng anim na buwan, dad. Napaka-sweet mo talaga! Gagayahin ko nga iyan para lalong mahulog sa akin ang asawa ko,” natatawang sambit ni Lorenz.
“Daddy, matagal ko nang gustong itanong sa inyo. Paano mo po nalaman na si mommy na talaga ang nakatakda para sa iyo?” tanong naman ni Brenda.
“Hindi ko alam. Wala namang nakakaalam kung sino talaga ang nakatadhana para sa atin. Pero nang makita ko kasi ang mommy mo, talagang iba ang naramdaman ko. Kaya talagang nagpursige ako na ligawan siya at mapasagot,” tugon naman ng amang si Bonoy.
Ilang sandali pa ay nariyan na ang ina upang yayain silang kumain.
“Ano na naman ang pinag-uusapan niyo riyang mag-aama? Tara na at luto na ang pagkain, sabay-sabay na tayong kumain,” sambit naman ni Minda.
“Wala lang po, ma, sinasabi lang sa amin ni daddy kung gaano niya kayo kamahal,” tugon ni Brenda.
“Ikaw talaga, Bonoy, puro ka pambobola!” saad ni Minda sa kaniyang mister.
“Totoo namang mahal na mahal kita, Minda. Hindi ko kakayanin ang buhay nang wala ka,” sambit pa ni Bonoy.
Kilig na kilig naman ang magkapatid habang pinagmamasdan ang kanilang mga magulang.
Simula nang araw na iyon ay naging puspusan ang paghahanda ng magkapatid para sa pag-iisang dibdib muli ng kanilang mommy at daddy. Kailangang maging maingat sila sapagkat ayaw nilang makatulog ang ina dahil nga surpresa ito.
Ngunit tatlong buwan na lamang bago ang kasal ay nagkaroon ng pandemiya.
“Dad, sa tingin mo ba ay itutuloy pa natin ang kasal o ipagpapaliban muna natin hanggang matapos itong pandemya?” tanong ni Brenda sa ama.
“Kahit tayo-tayo lang ay nais kong pakasalan ulit ang mommy mo. Gawin na lang nating mas simple ang handaan,” malungkot na tugon ni Bonoy.
Makalipas pa ang isang buwan ay patuloy na sinubok ang pamilya nang ang ilaw ng tahanan na si Minda ay tamaan ng sakit. Ngunit dahil nga may pandemya ay mag-isa lamang si Minda sa ospital.
“Nagpositibo daw si mommy sa sakit, dad. Kailangan niyang manatili sa ospital. Negatibo naman po ang resulta niyo kaya kailangang diyan na lang muna po kayo sa bahay upang manatiling ligtas,” sambit ni Brenda sa ama.
“Pero kailangan ako ng mommy mo. Gusto kong ako ang mag-alaga sa kaniya do’n. Baka takot na takot na siya sapagkat wala siyang kilalang kasama niya. Pakiusapan mo naman ang mga doktor na payagan nila ako,” sambit pa ng matanda.
“Dad, hindi po talaga pwede. Seryoso pong sakit ang lumalaganap ngayon. Kahit ako ay gusto ko pong puntahan si mommy at alagaan ngunit hindi talaga nila ako pahihintulutan. Magdasal na lang po tayo na gumaling siya at isang araw ay makalabas din si mommy sa ospital,” pahayag pa ng anak.
Ngunit kahit anong sabihin ni Brenda ay hindi niya mapakalma ang ama. Sa loob kasi ng mahabang panahon ay ngayon lang sila matagal na magkakawalay. Hindi pa naiaalis kay Bonoy na mag-alala dahil alam niyang nasa bingit ang buhay ng pinakamamahal.
Walang sandali na hindi nananalangin si Bonoy para sa paggaling ng asawa. Araw-araw siyang naghihintay sa muling pagbabalik nito hanggang isang araw ay nakatanggap na lamang sila ng tawag mula sa ospital.
“Wala na po ang asawa niyo, ginoo. Hindi na po niya nakayanan ng katawan niyang lumaban sa sakit. Bilang protocol po sa pandemyang ito ay kailangan na pong sunugin kaagad ang katawan niya. Ipapadala na lamang po namin ang kaniyang mga abo,” sambit ng isang health worker.
Parang binuhusan si Bonoy at ang kaniyang mga anak ng malamig na tubig nang marinig ang balita. Labis ang hinagpis ng kaniyang mga anak dahil sa sinapit ng kanilang ina. Ngunit nagtataka ang magkapatid sa ipinakita ng kanilang ama.
“Hindi pa p@tay ang mommy ninyo. Alam kong buhay pa siya at patuloy na nagpapagaling,” saad ng ama.
“Dad, narinig niyo naman ang sinabi ng health worker, ‘di ba? Alam kong mahirap pero kailangan nating tanggapin,” sambit ni Brenda.
“Hindi ko tatanggapin, Brenda, dahil ramdam kong buhay pa ang mommy ninyo! Tigilan niyo na ang ganiyang bagay at hindi ‘yan magandang biro. Maglilinis ako dito sa bahay dahil alam kong magagalit ‘yun kapag naabutan niyang maalikabok dito. Uuwi siya at nararamdaman ko ‘yun!” giit ni Bonoy.
Napapaiyak naman ang magkapatid sa ginawang ito ng ama dahil alam nilang hindi nito matanggap ang nangyari sa kanilang ina.
Ilang araw pang ganito si Bonoy. Patuloy na naglilinis sa kanilang bahay at naghahanda sa pag-uwi ng kaniyang maybahay.
“Dad, tama na po, ‘yan. Tanggapin na lang natin na wala na si mommy. Baka makasama pa ‘yan sa inyo. Kayo naman ang mawala sa amin,” naiiyak na sambit ni Lorenz sa ama.
“Hindi ninyo kasi ako naiintindihan. Nararamdaman ko talagang buhay pa ang mommy ninyo at uuwi siya sa akin. Hindi ako makapaniwala na iginigiit niyo pa rin sa akin ang bagay na ‘yan! Paano niyo naaatim na sabihin ‘yan tungkol sa mommy niyo?” muling sambit ng ama.
“Dad, wala na nga si mommy. Ito na ang abo niya. Baka ngayon ay maniwala na kayo kapag nakita ninyo,” saad naman ni Brenda.
Umiling si Bonoy at patuloy sa paglilinis ng kanilang bahay. Labis naman ang pag-aalala ng magkapatid. Naiisip nila na baka dumadaan na sa depresyon ang kanilang ama.
Hanggang ilang sandali pa ay may kumatok sa kanilang pinto.
Pagbukas ng pintuan ay labis na nangilabot ang magkapatid sa kanilang natunghayan. Naroon sa kanilang harapan ang kanilang ina at buhay na buhay pa ito.
“P-paanong –?” nangangatal na sambit ni Brenda.
“Nagkamali ang ospital. Dahil sa gulo ng nangyayari ay napagkamalan nilang ako ang nasawi. Laking gulat na lang nila nang magising ako at sabihin ko sa kanila ang aking pangalan. Ngayon ay magaling na ako at narito na akong muli. Hindi ninyo alam kung gaano ako kasabik na makasama kayong muli,” saad ni Minda sa kaniyang mag-aama.
Napaluha naman sa labis na tuwa si Bonoy.
“Alam kong hindi ako bibiguin ng Panginoon, mahal. Alam na alam kong hindi mo ako magagawang iwan nang hindi man lamang nagpapaaalam sa akin,” hindi na napigilan ni Bonoy na yakapin ang asawa.
“Maligayang pagbabalik, mahal ko. Ang ilang araw na pagkawala ko sa’yo’y parang isang habang buhay na,” dagdag pa ng ginoo.
Labis ang saya ng lahat nang muling magbalik ang ginang sa kaniyang pamilya. Hindi akalain ng magkapatid na tunay nga ang nararamdaman ng kanilang ama.
Makalipas ang dalawang buwan ay natuloy rin ang kasal ng mag-asawa. Hindi man naganap ito sa simbahan dahil sa banta ng pandemya ay itinuloy ng magkapatid ang kasal ng mga magulang sa kanilang hardin.
Hindi man natupad ang kanilang plano ngunit wala nang mas hihigit pa sa surpresang muling pagbabalik ng ina sa piling ng kanilang ama.