Tinulungan ng Binata ang Matandang Nagtitinda ng Kakanin sa Bangketa; Ngunit Dahil sa Pera ay Ito pa Pala ang Sisira sa Kaniya
Normal lamang ang araw na iyon para sa binatang si Wendel. Sakay siya ng kaniyang kotse at papunta sa kaniyang opisina upang simulan ang panibagong araw ng trabaho roon, lalo’t ngayon ay talagang malago na ang kaniyang negosyo.
Napadaan si Wendel sa gitna ng mga vendors sa gilid ng kalsada. Napailing siya. Naisip niyang makailang ulit na ring pinaalis ng kanilang pamahalaan ang mga taong ito sa gilid ng kalsada dahil sa pagiging sagabal nila sa daan, ngunit hindi naman masisisi ni Wendel ang mga ito dahil dala na rin ng kahirapan kaya naman kahit delikado ay pabalik-balik ang mga ito sa gilid ng kalsada.
Akmang tuluyan nang aalis si Wendel sa kalsadang iyon nang mapansin niya ang isang matandang tindero ng kakanin. Kakaiba kasi ang kilos nito at mangot na mangot ang hitsura. Bakas ang pagod sa mukha nito at tila ba nakadaragdag pa sa hirap na kaniyang dinaramdam ang init ng panahon.
Ilang sandali pang tinitigan ni Wendel ang matanda ngunit maya-maya ay nagpasya rin siyang tuluyan na itong babain mula sa kaniyang sasakyan. Agad niyang pinuntahan ang matanda upang sana ay bumili ng paninda nito, upang siya ay makatulong, ngunit ganoon na lang ang gulat ni Wendel nang bigla na lamang natumba sa kaniyang harapan ang matanda!
Hindi nag-atubili si Wendel na dalhin ito sa ospital upang ipagamot. Sinagot niya ang mga bayarin nito sa ospital, maging ang mga gamot na inireseta ng doktor na tumingin dito. Napag-alaman niya kasing na-heat stroke ang matanda. Bukod pa roon ay na-over fatigue na rin ito sa katatrabaho para kumita gayong masiyado na itong matanda para gumawa ng mabibigat na bagay.
“Maraming-maraming salamat sa ’yo, hijo! Hulog ka ng langit para sa isang pobreng katulad ko!” iyak ng matanda nang mahimasmasan ito at bumuti ang kalagayan. Tuluyan nang hindi nakapasok sa kaniyang opisina si Wendel dahil minabuti niyang bantayan na lamang ang kawawang matanda lalo at napag-alaman niyang mag-isa na lamang ito sa buhay.
“Wala po iyong anuman, manong. Mabuti nga ho at nakita ko kayo. Eksaktong naparaan ako sa tapat ng tindahan n’yo bago pa ho kayo mag-collapse.” Nginitian ni Wendel ang matanda.
Pinayuhan siya ng doktor na pagpahingahin na lamang muna ng mga ilang araw ang matanda dahil hindi pa ito maaaring bumalik sa pagtatrabaho habang hindi pa nito nababawi ang kaniyang lakas, ngunit nagpupumilit ang matanda na hayaan na siya ni Wendel na magtrabahong muli.
“Hijo, nagpapasalamat ako sa mga naging tulong mo sa akin, pero hindi ako maaaring sumunod sa ’yo. Kung hindi ako magtatrabaho para sa aking sarili ay wala akong kakainin. Malalagutan din ako ng hininga dahil sa gutom,” paliwanag ng matandang tindero sa kaniya.
May punto naman ang matanda kaya naman napaisip si Wendel. “Huwag ho kayong mag-alala. Ako ho ang bahala sa inyo habang nagpapagaling kayo, manong,” ani Wendel na agad namang ikinatuwa ng matanda. “Isa pa, sa bahay ko na ho muna kayo tumuloy habang nagpapagaling kayo para mas maalagaan ho kayo. Nabanggit n’yo ho sa aking sa bangketa lang kayo natutulog, hindi ho ba?” dagdag pa ni Wendel na hindi na rin naman hinindian ng kaniyang tinutulungan.
Ganoon na nga ang nangyari. Nang araw ding iyon ay iniuwi niya ang matanda sa kaniyang magarang bahay at hindi nito maitago ang sobrang pagkamangha! Ikinatuwa naman iyon ni Wendel at kinabukasan ay nagpasya na siyang pumasok sa trabaho.
Ibinilin na lamang ni Wendel sa kaniyang mga katulong sa bahay ang nasabing matanda…
Sa kalagitnaan ng araw na iyon sa opisina, isang tawag mula sa kaniyang bahay ang natanggap ni Wendel mula sa isa sa kaniyang mga katulong…
“S-sir, pinasok po tayo ng mga magnanakaw!” umiiyak na anito sa kaniya na ikinagulat ng binata! Agad siyang umuwi sa kaniyang bahay upang alamin ang tunay na nangyari.
Napag-alaman ni Wendel na nakapasok pala sa kanilang bahay ang naturang mga kawatan nang dahil sa matandang kaniyang taos-pusong tinulungan! Hindi akalain ng binata na kahit sa kaniya palang pagmamagandang-loob ay kamuntik nang mapahamak ang kaniyang mga kasambahay bukod pa sa pagkawala ng kaniyang mga gamit sa bahay.
Mabuti na lamang at agad ding nahuli ang mga kawatan dahil hindi agad nakalabas ng kanilang subdibisyon ang mga ito sapagkat naitawag agad ng kaniyang kasambahay ang insidente sa mga guwardiya. Agad na nahatulan ng pagkakakulong ang mga ito, kasama na roon ang matanda.