Inday TrendingInday Trending
Nanganib ang Buhay ng Tiyahing Kumupkop sa Kanya at Kasambahay na Itinuring Siya na Parang Tunay na Anak, Sino sa Dalawa ang Ililigtas Ng Batang Ito?

Nanganib ang Buhay ng Tiyahing Kumupkop sa Kanya at Kasambahay na Itinuring Siya na Parang Tunay na Anak, Sino sa Dalawa ang Ililigtas Ng Batang Ito?

Bata pa lamang ng pumanaw ang mga magulang ni Marcel sa isang aksidente nang bumagsak ang sinasakyang eroplano ng mga ito papuntang Israel para magtrabaho. Nang maulila ay kinupkop siya ng kanyang tiyahin na si Tiya Lorna, na nakababatang kapatid ng kanyang ina. Matandang dalaga ang babae at ubod ng sungit. Kasama nila sa bahay ang kasambahay na si Aling Minda, matandang dalaga rin ang babae. Limang taon na itong naninilbihan sa bahay ng kanyang tiyahin. Nakasananayan na rin nito ang kasungitan ng amo.

Habang naninirahan sa tiyahin ay tumutulong rin si Marcel sa mga gawaing bahay at tinutulungan si Aling Minda. Tuwang-tuwa naman ang matanda sa kasipagan niya.

“Napakasipag mo namang bata, Marcel. Ang bata mo pa pero marami ka ng alam sa mga gawaing bahay,” sabi ng kasambahay.

“Tinuruan po kasi ako nina nanay at tatay na maging masipag at gumawa ng mga gawaing bahay gaya po ng paglilinis, paglalaba at pagluluto,” aniya.

“Talaga hijo, marunong kang magluto?” manghang tanong ng babae.

“Opo, nakakapagluto po ako ng adobo at paksiw na isda.”

Giliw na giliw sa kanya ang matandang kasambahay. Palagi silang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Itinuring ni Marcel na parang nanay si Aling Minda.

Bagama’t masipag at mabait na bata si Marcel ay hindi niya naman naramdaman na minahal siya ng kanyang Tiya Lorna. Lagi na lang itong nakabulyaw sa kanya. Hindi siya nito pinag-aral at ginawa lang siyang utusan sa bahay nito. Kahit nagtatrabaho siya sa tiyahin ay hindi man lamang siya nito naabutan ng pera. Kahit mga bagong damit at sapatos ay hindi siya nito nabilhan.

Isang araw, isinama siya ni Aling Minda sa pamimili sa palengke.

“O, hijo. Mamii ka na riyan ng kakasya sa iyo!” sabi ng matandang babae.

Itinuro nito ang mga panindang shorts, t-shirt at tsinelas.

“B-bakit po?” taka niyang tanong.

“Pumili ka na, Marcel. Isukat mo yung kakasya sa iyo. Bibilhan kita ng mga iyan!” anito.

Gayon na lamang ang gulat niya nang bilhan siya ni Aling Minda ng 2 shorts, 2 t-shirts at bagong tsinelas.

“Po? Para po ba sa akin ang mga iyan?” gulat niyang tanong.

“Ay, oo hijo, para sa iyo talaga ito. Luma na kasi ang mga damit mo, e. Huwag ka nang mahiya, bigay ko ang mga iyan sa iyo.”

“Naku, maraming salamat po Aling Minda!”

“Huwag na Aling Minda ang itawag mo sa akin. Tawagin mo na akong Nanay Minda, tutal wala naman akong anak at parang anak na rin naman ang turing ko sa iyo kaya Nanay Minda na lang ang itawag mo sa akin.”

“Opo, Nanay Minda!” nakangiting sabi ni Marcel.

Tuwang-tuwang tinanggap ng bata ang mga ibinigay ng kasambahay.

“Mabuti pa si Nanay Minda, samantalang ang tiyang…” Napabuntong-hininga na lang si Marcel.

Nang malaman ng kanyang tiyahin na ibinili siya ng mga gamit ni Aling Minda ay nagalit ang babae.

“Hindi ka na nahiya kay Minda, nagpabili ka pa ng mga damit at tsinelas!” sigaw ng tiyahin.

Nagpaliwanag naman ang kasambahay na ito mismo ang nagbigay ng mga damit at tsinelas kay Marcel.

“Ako mismo ang bumili ng mga iyan para sa kanya, Ma’am. Wala pong kasalanan ang bata,” anito.

Nang marinig ang sinabi ni Aling Minda ay hindi na kumibo pa si Tiya Lorna.

Isang araw ay nagkaroon naman ng mataas na lagnat si Marcel, alumpihit ito kaya labis na nabahala si Aling Minda.

“Ma’am baka po lumala ang lagay ni Marcel. Baka kailangan na po siyang dalhin sa ospital,” sabi ng kasambahay.

“Sus, lagnat lang iyan! Painumin mo na lang ng gamot. Bakit pa dadalhin sa opsital? Sayang ang pamasahe!” inis na wika ng babae at pumasok na sa kuwarto nito, ni hindi man lamang nilapitan ang pamangking may sakit.

Magdamag siyang binantayan ni Aling Minda. Pinupunasan ang mga pawis sa noo at likod. Tila ina siyang nag-aaruga sa anak.

Kinaumagahan ay mabuti-buti na ang pakiramdam ni Mrcel. Mainit na sopas at pandesal ang inihanda sa kanya ni Aling Minda.

“Kumusta na ang lagay mo, hijo, maayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong ng matanda.

“Opo, okay na po ang pakiramdam ko. Salamat po, Nanay Minda.”

“Naku, wala iyon, anak! Ginawa ko lang ang nararapat.”

Isang gabi, napakalakas ng ulan. May malakas na bagyong dumating at hindi nila iyon napaghandaan.

Naalimpungatan si Marcel na natutulog sa sala, napansin niya na mabilis ang pagpasok ng tubig sa loob ng bahay mula sa labas. Gayon na lamang ang pagkahindik niya nang matanaw ang rumaragasang tubig na nagmumula sa umapaw na ilog malapit sa kanilang bahay.

“Dyusko po! Papasukin ng tubig ang bahay namin!” gulat niyang sabi.

Mabilis siyang kumilos para puntahan ang kuwarto ng tiyahin sa ikalawang palapag para gisingin ito at si Aling Minda na natutulog naman sa ibabang silid.

“Tiyang, Tiyang!!! Nanay Minda, Nanay Minda!!!” paulit-ulit niyang sigaw.

Nang makita niya ang rumaragasang tubig na pumasok na sa sala ng bahay ay mas lalo siyang kinabahan. Malakas ang pagpasok ng tubig at kaya nitong punuin ang dalawang palapag na bahay ng tiyahin dahil sa malakas na buhos na ulan.

“Tulungan niyo po ako, Diyos ko! Iligtas niyo po kami!” aniya.

Sa mga oras na iyon ay kailangan niyang mamili kung sino ang una niyang ililigtas. Ang Tiya Lorna niya na nasa ikalawang palapag o si Aling Minda na nasa ibabang palapag lang ng bahay?

“Bahala na! Kayo na po ang bahala sa akin!” bulong ni Marcel sa sarili.

Mabilis na tinakbo ni Marcel ang unang kuwarto na pupuntahan niya. Kailangan na may matulungan siya. Kailangan na may mailigtas siya sa dalawa. At pinili nga niya na unang iligtas ay ang taong unang pumasok sa kanyang isipan.

Hindi na niya namalayan ang rumaragasang tubig na lumamon sa buong kabahayan ng gabing iyon.

Kinaumagahan ay maraming bahay ang nawasak, marami ang inanod ng tubig na nanggaling sa umapaw na ilog. Wala na ang malakas na ulan. Huminto na ang bagyo. Sa ibabaw ng isang inaanod na bubong ng bahay ay naroon ang mga walang malay na sina Marcel at si Aling Minda. Maya-maya ay nagising na ang matandang babae at ginising rin nito ang bata.

“Marcel, Marcel, gumising ka na hijo!” malakas nitong tawag.

Nang imulat ni Marcel ang mga mata ay bumalik sa kanyang gunita ang nangyari nang nakaraang gabi. Laking tuwa naman niya nang makitang ligtas si Aling Minda.

“Nanay Minda, salamat po at ligtas kayo!” wika niya sabay yakap nang mahigpit sa matanda.

Nang may biglang siyang naalala.

“S-si Tiya Lorna po, nasaan po si Tiya Lorna?” nag-aalalang tanong ni Marcel.

Sa una ay tahimik lang si Aling Minda ngunit sinabi na rin nito sa kanya ang nangyari.

“Matapos mo akong gisingin kagabi at iligtas ay mas lalong lumakas ang pagragasa ng tubig at nilamon ng buong kabahayan. Sinubukan mong iligtas si Ma’am Lorna pero hindi na nangyari dahil inanod na tayo ng rumaragasang tubig. Akala ko ay katapusan na ng lahat ngunit pagmulat ng aking mga mata ay nakita ko ang aking sarili at nakita kita na buhay na buhay. Salamat sa Diyos at binigyan pa niya tayo ng ikalawang pagkakataong mabuhay,” sabi ng matanda.

“I-ibig pong sabihin si Tiyang…”

“Oo, hijo. Wala na ang Tiyang Lorna mo!” mangiyak-ngiyak na wika ng kasambahay.

Nalaman ni Marcel na isa ang tiyahin sa mga inanod ng rumaragasang tubig sa ilog. Naalala niya na hindi na niya ito napuntahan pa sa kuwarto nito at ang inuna niyang iniligtas ay si Aling Minda.

Nalungkot siya sa pagkawala ng tiyahin ngunit laking pasasalamat niya nang makitang buhay ang kanyang Nanay Minda.

Sa nangyaring iyon sa kanila ay hindi mahalaga kung kadugo o hindi ang isang tao, mas mahalaga ay ang ipinakitang kabutihan na sinuklian rin ng kabutihan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement