Inday TrendingInday Trending
Nag-abroad si Tatay Upang Masuportahan ang Nursing Student na Anak, Matanggap Kaya Niya Kung Iba ang Kinahinatnan Nito?

Nag-abroad si Tatay Upang Masuportahan ang Nursing Student na Anak, Matanggap Kaya Niya Kung Iba ang Kinahinatnan Nito?

Kolehiyo noon sina Robert at Mina nang sila ay nagkakilala. Wala pang anim na buwan ay naging magkasintahan ang dalawa at wala pang isang taon ay nabuntis ang babae.

“Baby, pasensya ka na kung kailangan nating huminto sa pag-aaral,” malungkot na wika ni Robert sa kaniyang asawa.

“Baby ayos lang, hayaan mo na dahil blessing naman itong anak natin,” nakangiting baling ni Mina sa mister.

Hindi na nakapag-aral pang muli ang dalawa dahil sa hirap ng buhay, ngunit naipasa naman nila ang kanilang pangarap sa anak na si Mariabell. Bata pa lang ito ay nurse na ang pangarap niya hanggang sa kanyang paglaki.

Kaya ngayong magkokolehiyo ay talagang iginapang na makapag-aral si Mariabell.

“Anak, mag-aabroad ang tatay para makapag-aral ka ha? Kailangan mong mag-aral mabuti at huwag kang gagaya sa amin ng nanay mo,” wika Robert.

“Huwag ho kayong mag-alala pa, magiging nurse po ako. Pangako ko yan sa inyo ni mama,” sagot ni Mariabell sa ama.

Nagtrabaho si Robert sa ibang bansa at pumasok naman si Mina bilang assitant pharmacist dito sa bansa. Dahil naging abala ang mga ito ay hindi na nila nabantayan pa ang anak, ngunit hindi naman nagkulang sa pangangamusta at pagpapa-alala ang dalawa kay Mariabell.

“Anak, napapansin kong dumadalas ang pag-overnight mo kina Tiffany ha,” saad ni Aling Mina sa anak na kakarating lang mula sa eskwela.

“Malapit na kasi ang exams ma,” sagot ng dalaga.

“E bakit parang pumapayat ka na yata anak, baka napapabayaan mo na ang sarili mo,” baling namang muli ng ale.

“Ayos lang ako ma, pasok na po ako sa kwarto ha,” wika naman ni Mariabell at dumiretso na nga doon.

“Franco, paano ang gagawin natin? Hindi ako pwedeng huminto, pangarap ito ng parehas na magulang ko kaya kapag hindi ako naging nurse ay isang malaking poot at hinagpis ang ibibigay ko sa kanila!” pahayag ni Mariabell sa kaniyang nobyo na hindi alam ng kaniyang mga magulang.

“Hindi natin pwedeng ipalaglag iyan, Mariabell. Kasalanan sa Diyos ang gagawin natin. Basta ngayon ay huwag mo na lang sabihin sa mama mo at gagawa ko ng paraan kung paano,” sambit naman ni Franco sa telepono.

Hindi naman sinasadya ng dalawa ngunit may nabuong bata sa sinapupunan ni Mariabell at natatakot ang dalaga sa magiging reaksyon ng kaniyang magulang kapag nalaman na ang nag-iisa nilang anak ay matutulad rin ang buhay sa kanila.

Hindi sinabi ni Mariabell sa kahit kanino na siya ay nagdadalang tao, tanging si Franco at ang pamilya lang nito ang nakakaalam sa pinagdaraanan ng dalaga.

“Ma, may medical mission kami sa probinsya. Mga dalawang buwan rin akong mawawala ha,” paalam ni Mariabell sa ina.

“Nagsabi ka na ba sa papa mo?” tanong ng ale.

“Naku ma, hindi pa nga dahil sobrang busy ko po. Pwede po bang kayo na lang rin ang magsabi?” sagot naman nito.

Simula nang mabuntis ay umiwas na si Mariabell sa ama dahil mas malapit siya dito at hindi niya kayang magsinungaling pa.

Dahil tago ang pagdadalang tao ng dalaga ay maliit lang ang tiyan nito at naitago sa malalaking damit at pag-iwas-iwas niya sa ina ang pagbubuntis.

Hindi huminto sa pag-aaral ang dalawa at sumakto namang bakasyon sa kanilang eskwela kaya nakapagdahilan ito para sa kaniyang nalalapit na panganganak.

“Franco, kahit anong mangyari sa akin ay huwag mong tatawagan ang mga magulang ko, isusumpa kita!” saad ni Mariabell sa nobyo bago pumasok sa delivery room. Tumango lang ang lalaki at nagdasal.

Naging maayos ang panganganak ni Mariabell makalipas ang limang oras na pagli-labor, malusog ang batang lalaki na pinangalanan niyang Roberto.

Nagpalakas ito sa loob ng isang buwan at iniwan ang kaniyang sanggol sa pangangalaga ng pamilya ni Franco.

“Anak, mabuti naman nakauwi ka na! May sorpresa ako sa’yo,” wika ng kaniyang ina.

“I’m home!” biglang sigaw ni Robert na sumulpot sa likuran ng dalaga.

Dali-dali niyang niyakap ang magulang at nag-iiyak ito.

“Oh anak, may problema ba? Bakit ganyan ka naman umiyak e dumating na nga ako, yung iyak mo naman e para bang kinuha na ako ni San Pedro,” pahayag ni Mang Robert.

“Masaya lang ho ako, papa. Mahal na mahal ko ho kayo ni mama,” sagot naman ni Mariabell saka pinunasan ang luha.

Isang linggo pa lang ang nakakalipas at walang humpay ang pag-iyak ng dalaga sa kwarto dahil sa pagkamiss niya sa kaniyang anak.

“Anak, napapansin namin ang pag-iyak mo. May gusto ka bang aminin sa amin, Mariabell?” tanong ni Mang Robert sa anak,

“Pumasok na kami dahil naiwan mong bukas ang pinto, pwede mong sabihin ang kahit na ano sa amin anak,” baling pa ni Aling Mina.

Hindi na napigilan pa ng dalaga at bumagsak na ang kaniyang luha, “Ma, Pa, may apo na ho kayo,” sambit nito.

“‘Yong dalawang buwan na nawala ako dito sa bahay at sinabi kong medical mission ay nanganak talaga ako noon. Pinilit kong itago ang pagbubuntis ko kaya umiiwas ako sa inyong dalawa. Pero ngayong nakapanganak na ako, namimiss ko na ang baby ko,” dagdag pa nito sabay agos ng kaniyang mga luha.

“Patawarin niyo ako, pa. Patawarin mo ako kung ganito ang nangyari sa akin. Hindi naman ako huminto at ipagpapatuloy ko pa rin ang pag-aaral ko,” wika muli ni Mariabell sabay luhod sa kaniyang magulang.

“Bakit hindi mo sinabi sa amin na ganyan ang pinagdaanan mo?!” galit na tanong ni Mang Robert.

“Kasi natatakot akong madisappoint ko kayo, natatakot akong pahintuin mo ako ng pag-aaral at tuluyan nang hindi matupad ang matagal niyo nang pangarap ni mama,” sagot naman ni Mariabell sa ama.

“Magagalit kami sayo, oo. Pero hindi ka namin itatakwil bilang anak at lalo na ang apo namin! Tumayo ka diyan at tawagan mo yung tatay ng anak mo, papuntahin mo dito ngayon na!” mariing wika ng kaniyang ama.

“Mas gugustuhin ko pang hindi ka maging nurse kaysa naman maging masama kang ina. Hindi namin itinuloy ang aming pangarap noon dahil sa hirap ng buhay at mas pinili namin na ibigay sa’yo ang lahat. Masakit ito para sa amin pero hindi dito matatapos ang buhay mo, kuhanin mo ang anak mo,” dagdag pa ni Mang Robert.

Agad na tinawagan ni Mariabell si Franco at dumating ang buong angkan nito. Humingi sila ng tawad sa nangyari at nag-usap tungkol sa magiging sitwasyon ng mga anak nila.

“Pa, sorry sa lahat. Patawarin mo ako, wala akong kwentang anak,” bulong ni Mariabell sa ama.

“Anak, hindi totoo iyan. Huwag mong isipin na walang kang kwenta dahil lang sa nagka-anak ka ng maaga. Hindi man nangyari ang mga plano natin sa buhay ay hindi ibig sabihin nun ay susuko na tayo. Nandito kami ng mama mo pati ni Roberto, susuportahan ka namin,” sagot ng ama at ngumiti ito sa kaniya pati sa kaniyang apo.

Hindi man makapaniwala si Mariabell sa nangyari ngunit ipinagpapasalamat niya ito sa Panginoon. Kaya nag-aral silang mabuti ni Franco at ‘di kalauna’y naging mga ganap na nurse din ang mga ito na labis naman na ikinasaya ng kanilang mga magulang.

Advertisement