Sustento na nga Lang Raw ang Binibigay ng Ama Ngunit Pahirapan Pang Makuha ng Babaeng Ito, Pera na nga Lang Ba Talaga ang Nagdudugtong sa Kanila?
Bata pa lang si Ruby ay namulatan na niya na hiwalay ang kaniyang ama’t ina. Pitong taong gulang siya noong unang beses siyang nakatapak sa korte suprema at tinanong siya ng abogado kung kanino siya sasama sa kaniyang ina o sa kaniyang ama.
“You know Ruby, ‘pag ang mga tao ay lumalaki na minsan ay nagkakaroon sila ng maraming problema at hindi na nila kaya pang magsama sa iisang bubong. Katulad ni papa at ni mama mo, pero love ka nilang pareho. Kung tatanungin ka, kanino mo ba mas gustong sumama?” saad ng abogado.
“Hindi niyo na po ako kailangan pang utuin kasi alam ko naman na ang totoo. Kaya hindi na magkasama sa bahay si mama at papa dahil matagal na silang hiwalay, kay mama ako sasama,” sagot ni Ruby habang, pitong taong gulang lamang siya noon.
Hindi nagbago ang pinili ng bata kahit ngayong 15 anyos na ito, ngunit ngayon lamang niya tatanungin kung ano nga ba ang naging puno’t dulo ng lahat.
“Ma, malaki naman na ako. I can understand everything now, baka pwede mo na ikwento sa akin kung bakit kayo naghiwalay ni papa?” tanong ng dalaga sa kaniyang ina. Saglit na natahimik ang ale at tiningnan ang anak.
“Nagkaroon ng ibang babae ang tatay mo at yun ay ang first love niya. Nabuntis ito kaya naman mas pinili ko na lang makipaghiwalay dahil mas mahal ng tatay mo ang pamilya niya ngayon,” wika ng Aling Remy at hinaplos ang ulo ni Ruby.
“Pero anak, mahal na mahal ka rin naman ng tatay mo,” dagdag pa ng ale.
Hindi nagsalita si Ruby at tumango lang ito sa kaniyang ina, ngunit may tinik siyang naramdaman sa kaniyang puso at naisip niyang isa siyang malaking pagkakamali para sa dalawa. Dahil nabuo siya sa mundo kaya ngayon ay wala nang ginawa ang kaniyang ina kundi ang maghanap-buhay. Samantalang ang kaniyang ama naman ay masayang namumuhay. Lumipas ang mahabang panahon at ngayon ay magkokolehiyo na si Ruby.
“Anak, nandito ang tatay mo. Mag-mano ka at maupo dito sa salas, pag-uusapan natin ang pagpasok mo sa kolehiyo,” wika ng kaniyang ina.
“Ako na ang magpapa-aral sa’yo sa kolehiyo Ruby, basta ang kondisyon natin ay kailangan mong mag-aral ng maigi at wala munang nobyo ha? Kapag kailangan mo rin ng pera ay tawagan mo lang ako o ‘di kaya ay puntahan sa opisina,” pahayag ni Mang Ben ang ama ni Ruby.
“Sige po, salamat,” maiksing sagot ni Ruby sabay ngiti sa ama.
Tinanggap ni Ruby ang tulong na mula sa kaniyang ama dahil sa kagustuhan din niyang makapag-aral, tiniis na lang niya ang kondisyon ng kaniyang ama na kailangang laging personal siyang pumunta upang kuhanin ang kaniyang pera kailangan.
“Ma, pwede bang magtrabaho na lang ako? Working student, naiinis na kasi ako kay papa. Kailangan lagi ko pang puntahan sa kanila para lang humingi ng pera. Ano ba ‘yong ipadala na lang niya e ang dami-dami naman nang paraan ngayon?” maktol ni Ruby sa kaniyang ina.
“Anak, tiisin mo na lang. Yun kasi ang kondisyon ng papa mo, kung kaya lang kitang pag-aralin ay ginawa ko na,” sagot naman ni Aling Remi.
“Siya sige ho, aalis na ako at pupunta pa ako sa kaniya ngayon. Kailangan ko ng pera para sa thesis namin,” baling naman ni Ruby.
Mataas ang posisyon ng kaniyang ama sa opisinang pinapasukan at mas maayos ang estado ng bago nitong pamilya.
“Ate! Hello,” bati sa kaniya ni Sabrina, ang sampung taong gulang na kapatid ni Ruby na buhat buhat sa likod ni Mang Ben.
“Oh anak, nandito ka na pala. Baka gusto mo munang kumain tayo sa labas, early lunch na rin bago ka pumasok,” masiglang pahayag ni Mang Ben.
“Hindi na ho, nandito lang sana ako para kuhanin yung pang thesis ko,” mahinang sambit ng dalaga.
“Sabrina, go to your mama outside muna. Ate and I will just talk for a while ha,” wika ng ama sa bata at hinalikan ito sa pisngi na tinitigan ni Ruby.
“Pasensya na ho kayo at nasisira ko ang moment niyo lagi, pwede niyo naman ho kasing ipadala na lang ang pera kaysa naman lagi niyong sinasampal sa akin ang katotohanan na mas masaya kayo ngayon sa pamilya nyo,” pahayag ni Ruby nang makalabas ang kaniyang kapatid.
“Ito ho ba talaga ang kailangan? ‘Yong araw-araw kong lulunukin ang pride ko sa nakikita kong happy family niyo at ako naman ay namamalimos ng pera sa inyo?” dagdag pa nito. Hindi na napigilan pa ni Ruby at sumabog na ang kaniyang hinanakit sa ama.
“Yun ba sa tingin mo ang dahilan ko kung bakit kailangang personal kong pinapakuha sayo ang baon mo dito?” tanong ni Mang Ben.
“Bakit may iba pa ba? Huwag niyong sabihin na mahal niyo ako at nagsisisi kayo na iniwan niyo kami ni mama dahil alam ko naman na ang buong istorya. Siya ang first love mo, at mahal na mahal mo pa rin siya kaya mas pinili mo pa rin ang asawa mo ngayon over my mom,” sagot ni Ruby dito.
“Hindi natin kailangang mag-away, Ruby. Alam kong nagkamali ako sa part na yun dahil kahit kasal kami ng mama mo ay nagawa ko pa ring magloko. Pero mas pinili ko ang makipaghiwalay sa kaniya kaysa sa mabuhay kami sa kasinungalingan dahil alam naming sa isa’t-isa na hindi naman ganoon katibay ang pundasyon ng aming pagmamahalan,” sagot ni Mang Ben habang inaayos ang mga papel sa kaniyang mesa.
“Pero kahit kailan, hindi ko pinagsisisihan na dumating ka sa buhay ko. Ikaw ang unang sanggol na nahawakan ko, ikaw ang unang prinsesa ng buhay ko. Mahal na mahal kita anak at alam kong huli na para bumawi ako sa’yo dahil dalaga ka na, pero sana ‘wag mong alisin sa akin ang pagiging ama mo,” dagdag pa nito at tumulo ang kaniyang luha.
“Kaya kita pinapapunta ng personal ay hindi para makita mo ang bagong pamilya ko, kundi para sana magkaroon tayo ng oras sa isa’t-isa. Ilang beses na kitang niyayang kumain pero hindi mo ako pinagbibigyan, ilang beses na kitang gustong yakapin pero umiiwas ka. Gusto ko lang naman anak yung makita kita, yung masubaybayan kita kahit nga huli na ako at may galit na ang puso mo,” pahayag ni Mang Ben at napatingin si Ruby sa kaniyang ama.
“Mahal mo pala ako?” tanong ng dalaga dito.
“Mahal na mahal, anak! Sana patawarin mo ako at papasukin mo ako diyan sa puso mo, pati sa buhay mo,” baling naman ni Mang Ben at nagyakap ang mag-ama sa unang pagkakataon.
Naramdaman ng dalaga ang sensiridad ng kanyang ama at totoo pala ang sinasabi ng kaniyang ina na mahal siya nito. Mula noon ay binuksan ni Ruby ang kaniyang puso sa ama, masakit man para sa tingin ng ibang tao ngunit mas nagkaroon ng saya ang kaniyang puso.
Hindi dapat nadadamay ang kapakanan ng mga bata sa tuwing may mag-asawang naghihiwalay. Kahit pala hiwalay na ang mga magulang niya ay maari pa ring maramdaman ni Ruby ang pagmamahal ng kanyang ama’t ina. Ngayon ay naging maayos ang kanilang pagsasama at mas naging masiyahang tao si Ruby.