Ang Babaeng Ito na ang Nagpakulong sa Kanyang Ama Dahil Hindi na Niya Kinaya ang Pagkamartir ng Kaniyang Ina
Kilala ang pamilya Dilalato sa kanilang baryo, bukod sa imahe ng isang masayang pamilya ay sila rin ang pinakamayaman at pinakamababait na tao. Kahit walang posisyon sa barangay ay palaging nagpapakain ito sa mga mahihirap at taon-taon ring nagbibigay ng regalo sa mga bata. Suki rin ang mag-asawang si Arnold at Amy na kuhanin bilang ninong at ninang sa binyag, kumpil at kasal.
“Arnold, sa pag-uwi mo dito ngayong darating na Mayo ay mag-aanak tayo sa kasal ha. Kinuha kasi tayo ulit,” wika ni Amy sa asawa na nasa abroad.
“Nagyabang ka na naman ba at may bago na naman tayong inaanak?” saad naman ng lalaki.
Hindi alam ng marami ngunit malaki na ang problemang kinakaharap ng mag-asawa pero mas pinili ni Amy na hindi ito ipakita sa kanilang mga anak o kahit na sino dahil gusto niyang maprotektahan ang asawa’t pamilya na kaniyang binuo.
Agad na pumasok si Amy sa kanilang kwarto dahil ayaw niyang marinig ng mga anak ang kaniyang pagtatalo, “Ano bang gusto mong sabihin ko sa mga kumukuha sa ating ninong? Na huwag na kasi galit ang asawa ko at nababawasan ang perang pinagtratrabahuhan niya dahil napupunta sa inyo pero ayos lang mapunta sa babae na kinakasama na niya diyan sa ibang bansa?!” madiing wika ni Amy sa asawa.
Tama, may babae si Arnold at alam yun ni Amy. Matagal na rin nila itong pinagtatalunan. Hindi lang basta kabit ang babae dahil umaasta na itong misis kasama ni Arnold sa Dubai kahit nga may pamilya din ang babae sa Bulacan.
“Oh babae ko na naman ang puntirya mo, e kung tinitipid mo yung mga padala ko diyan at tigilan mo na ‘yang kakayabang sa ibang tao na maayos tayo at marami tayong pera? Baka pag nabwisit ako sa’yo ay tumigil ako sa pagsusustento,” baling ni Arnold sa asawa.
Hindi na lang sumagot pa si Amy at tinapos na lang ang kanilang pag-uusap, hindi magawang makipaghiwalay ng babae dahil natatakot siyang itigil ng kanyang mister ang pagsusustento sa kanila. Lalo pa nga ngayon na magkokolehiyo ang bunso niya. Tinitiis na lang ang lahat ng sakit at pangmamaliit ni Arnold sa kaniya para sa kapakanan ng mga anak.
“Ma, kakain na tayo. Tapos na ba kayo mag-usap ni papa?” wika ni Agatha habang kumakatok, ang panganay na anak nila ni Arnold.
“Sige anak, lalabas na ako. Mauna na kayo dahil may inaayos lang ako,” baling ni Amy sa anak habang nagpupunas ng luha. Nagulat siya nang biglang pumasok ang anak.
“Bakit ba hindi mo na lang kasi hiwalayan yang si papa?” tanong ni Agatha at nanlaki naman ang mata ni Amy sa narinig.
“Anong hiwalay ang pinagsasabi mo anak? Ayos kami ng papa niyo, may kaunti lang kaming pinag-awayan kaya ako umiiyak,” saad naman ni Amy sa anak.
“Ma, graduate naman na ako ng kolehiyo at pwede na akong magtrabaho. Kakayanin naman nating pag-aralin si James ng kolehiyo kaya iwan mo na si papa kaysa naman nasasaktan ka ng ganiyan,” baling ni Agatha at umupo ito sa tabi ng ina.
“Matagal ko nang alam ma, hindi naman ako tanga para hindi mapansin na hindi naman talaga kayo ayos ni papa. Kung pera ang problema mo e kakayanin naman natin yun,” dagdag pa nito na lalong kinaiyak ng ale.
“Anak, I tried my best. Sinubukan ko naman na maging okay kami ng papa niyo pero mas mahal niya na daw yung babae niya sa Dubai. Palagi pa niya akong tinatakot na kapag naghiwalay raw kami ay titigilan niya ang pagsusustento sa atin. Wala akong alam na trabaho dahil simula’t sapul kayo na ang inasikaso ko,” pahayag ni Amy sa anak saka ito niyakap.
Lingid sa kaalaman ni Amy at ni Arnold ay palihim na kinausap ni Agatha ang babae ng kaniyang ama sa Dubai.
“Babae ka rin na kagaya ko at may anak ka ring babae, gusto mo ba talaga na maging kabit na lang habang buhay? Hindi ka ba marunong mahiya para na rin sa sarili mong pamilya? Kasal ang mama at papa ko at kapag nabwisit ako sa’yo ay ipahuhuli kita!” wika ni Agatha kay Mary ang kabit ng kaniyang amang si Arnold.
“Alam mo buhay mag-asawa ito kaya hindi mo alam ang pinagsasabi mo. Mahal namin ang isa’t isa ni Arnold at hindi siya papayag na ipahuli ako, isa pa mawawalan kayo ng pera kaya nga wala ring magawa ang mama mo,” mensahe ni Mary.
“Iba ka rin talaga, ang kapal din naman talaga ng mukha mo! Kung ang nanay ko tatahi-tahimik, pwes ibahin mo ako!” baling ni Agatha sa babae.
Kinausap ni Agatha ang pamilya ni Mary sa Bulacan at laking gulat ng dalaga na hindi pala alam ng asawa nito ang pinaggagawa ng kaniyang misis sa ibang bansa.
Inantay ni Agatha na makauwi ang kaniyang ama sa ‘Pinas. Habang kumakain sila sa mesa ay doon na niya binasag ang kanilang katahimikan.
“Kailangan mo nang mamili papa, yung Mary o kami?” saad ni Agatha sa ama. Hinawakan ni Amy ang kamay ng anak.
“Hindi ako kagaya ni mama na tatahimik na lang at bibigyan ka ng karapatan na lokohin kami ng harap-harapan,” dagdag pa ni Agatha.
“Bastos kang bata ka! Kung hindi dahil sa akin e wala kayong ganitong buhay ngayon!” sigaw ng ama at umaktong sasampalin sana si Agatha ngunit nasalag agad ito ni Aling Amy.
“Huwag ang anak natin Arnold,” pahayag ni Amy sa asawa.
“Kung hindi niyo ho gusto, pwes sa korte na lang ho tayo magkita. Dahil yung sinasabi niyong pera? Karapatan namin yun bilang legal niyong pamilya,” saad ni Agatha at kalmadong sumubo ng pagkain.
“Akala niyo naman kaya niyo, e wala nga kayong pera kung wala ako, mga walang utang na loob!” wika pa ni Arnold saka tumayo sa kaniyang upuan.
Lumapit si Agatha sa mga awtoridad at nagpatulong sa ilang mga kaibigan upang masampahan ng kaso ang kanilang ama at hindi na nakabalik pa sa Dubai.
Doon napagtanto ni Arnold na pamilya pa rin niya ang kaniyang tatakbuhan dahil biglang naglahong parang bula si Mary.
Ini-atras naman ni Aling Amy ang demanda sa asawa at tinanggap pa rin ito. Hindi naman kinuwestyon pa ni Agatha dahil nakiusap ang magulang niya na bigyan pang muli ng pagkakataon ang kanilang pagsasama.
Ngayon ay namumuhay na nang simple ang pamilya Dilalato, hindi rin makapaniwala si Arnold na malaki pala ang ipon ni Amy na ginamit nila upang magtayo ng negosyo, buong akala niya’y winawaldas lang ito ng asawa. Ngayon ay mas nakita niya ang halaga ng kaniyang pamilya.