Inday TrendingInday Trending
Tanggap na ng Misis na Tutok sa Mobile Games ang Mister, Pero Iyon Pa Pala ang Mitsa ng Pagsasama Nila

Tanggap na ng Misis na Tutok sa Mobile Games ang Mister, Pero Iyon Pa Pala ang Mitsa ng Pagsasama Nila

Limang taon nang kasal si Mikayla at Enrico, biniyayaan sila ng dalawang malulusog at masayahing supling.

Walang masasabi si misis sa kanyang asawa. Masipag sa trabaho, naibibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga anak, mabait at magaling rin magluto. Ngunit, isa lang talaga ang problema niya rito – kapag nagsimula na ang kanyang mister na maglaro sa cellphone ay hindi na makausap ito.

Para bang may sariling mundo na ito lang ang nakakapasok, lutang palagi ang utak. Kapansin-pansin rin na nawawala ito sa mood lalo na kapag talo.

Hinahayaan naman niya noong una ang lalaki, ngunit habang tumatagal ay pansin niyang naaadik na ito. Tila ba hindi na buo ang araw kung hindi makakapaglaro. Ang dating libangan ay nagging obligasyon na.

Nakaangil palagi ang lalaki kapag tinatawag ito sa bahay habang nagce-cellphone, kahit na ng mga anak pa na gutom sa atensyon at gustong makipaglaro.

Pilit naming iniintindi ni Mikayla ang mister, iniisip niya nalang na iyon ang paraan ng lalaki upang maglabas ng stress mula sa trabaho.

Pero mas lumala pa si Enrico. Pagkauwi mula sa trabaho, imbes na tulungan ang misis sa gawaing bahay ay hihilata na lang ito at magce-cellphone. Ni hindi na nga nagagawa ng lalaki na kumustahin siya, o lingunin man lang.

“Kakain na ng hapunan!” pag-aya ni Mikayla.

Pero parang walang narinig ito kaya inulit niya ang kanyang pagtawag, “Hon, halika na kumain ka na muna,” sabi niya na mas malakas na ang boses.

Tutok na tutok sa cellphone si Enrico, mainit kasi ang laban.

“Hon, halika na, kanina pa kita tinatawag,” sambit muli ni Mikayla na ngayon ay nasa likuran na ng lalaki.

“Ano ba naman yan! Wag mo naman akong gugulatin ng ganoon! Kita mong may ginagawa ako diba?” sigaw ni Enrico na halos mamutla sa pagkabigla.

“Eh kanina pa kasi kita tinatawag, lalamig na ang pagkain dahil nakahain na ako.” paliwanag ng babae.

“Naglalaro ako diba? Alam mo naman na pag naglalaro ako, ayaw ko ng ginugulo ako,” sagot ni Enrico.

“Eh kakain na kasi tay-“ pinutol agad ng mister ang kanyang pagsasalita sa pamamagitan ng isang napakalakas na boses.

“PWEDE BA MIKAYLA! WAG MO AKONG INIINIS! KUNG GUSTO MONG KUMAIN EH DI KUMAIN KAYO! WALA SA AKIN ANG KALDERO!” sigaw ni Enrico at dumiretso agad sa kanilang kwarto habang nagdadabog.

Natulala naman si Mikayla, sa tagal kasi ng pagsasama nila ay ngayon lang siya napagtaasan ng boses ni Enrico. Kahit pa anong pag-aaway nila dati, kalmado lang ang lalaki. O kaya naman ay lumalabas nalang ng bahay upang maiwasang sigawan siya at mapagsalitaan ng masakit.

Tila may kung ano sa isip niya na bumubulong, na mali na ang nangyayari.

Unti-unti ay nagkaroon ng pagdududa si Mikayla sa kanyang mister. Nadagdagan pa ang pag-iisip niya nang minsan ay magkakwentuhan sila ng kanyang kaibigan.

Di niya makalimutan ang lahat ng sinabi nito sa kanya, “Alam mo kaya kami naghiwalay ng mister ko, akala ko pa-games games lang. Iyon pala ay babae na ang nilalaro sa facebook,”

Napaisip si Mikayla dahil parang ganoon na rin ang mister niya, na kahit sa banyo ay bitbit ang cellphone.

Kaya naman isang gabi, habang tulog na tulog ang kanyang asawa, dahan-dahan niyang kinuha ang cellphone nito na nasa ilalim ng unang hinihigaan.

Grabe ang kaba niya, nanginginig pa ang mga kamay na binuksan ang account ng mister. Nakahinga siya ng maluwag nang mapansing wala naming kakaiba roon. Tapos ay nakaramdam ng pagka-konsensya dahil hindi tama ang ginagawa niya.

Para makabawi ay gumising siya ng maaga at ipinagluto ng almusal si Enrico.

“O anong meron?” nagtatakang tanong ng mister nang makita ang napakaraming pagkain na nakahanda.

“Wala naman hon, naisip ko lang na ipaghanda ka ng paborito mong pagkain para maging maganda ang araw mo ngayon,” sagot ng misis.

Napangiti rin naman si Enrico sa sinabi ng kanyang asawa.

Habang kumakain ay hawak pa rin ni Enrico ang cellphone. Kada nguya ay siyang pindot nito sa nilalaro. Hindi na naman kumibo si Mikayla.

Pagkatapos kumain, aalis na sana si Enrico nang biglang sumakit ang kanyang tyan.

“H-Hon, wag mong gagalawin ha. Baka matalo ako sa games eh, CR lang ako,” bilin ng lalaki tapos ay dumiretso na sa banyo.

Pagpasok ng lalaki sa CR, siya naming tunog ng cellphone nito. Nag-isip sandal si Mikayla, sa games ba ang tunog na iyon? Parang hindi naman kasi ay sunud-sunod. Ayaw niya sanang makialam kaya lang ay tunog na nang tunog.

Dinampot ni Mikayla ang cellphone, medyo kumunot ang kanyang noo dahil sa games ng kanyang asawa ay pwede palang mag-chat.

5 messages received. Binuksan niya ang unang mensahe at ang kaba niya kagabi ay bumalik, mas doble pa!

Magki2ta ba tayo mamaya?

Pwede kaba tawagan? Andyan misis mo?

Diba sabi mo love mo ako? Paalam ka ulit s kanya na may meeting kau, tulad last week..

miss u baby, love u too

d nya naman tau mahuhuli no kasi dto tyo nagcha2t e..

Hindi niya malaman kung ano ang gagawin, dahil tumambad sa kanya ang ebidensya na nakikipaglandian nga ang kanyang mister.

Kaya naman pala malakas ang loob ng lalaki na ipakita sa kanya ang facebook nito ay hindi naman pala roon gumagawa ng kalokohan. Pero sabi nga nila, mautak man ang matsing ay naiisahan rin.

Saktong labas ni Enrico sa banyo, naabutan niya ang misis na umiiyak habang hawak ang kanyang cellphone.

“H-Hon, magpapaliwanag ako..” sabi ng lalaki pero siya na mismo ang napahinto nang sumulyap sa kanya si Mikayla. Inaasahan niyang galit ang makikita sa mga mata nito, susumbatan siya at mumurahin.

Pero hindi.

Puro hinanakit lang ang mababakas sa mukha nito, ang itsura ng dinurog na puso. Tuloy-tuloy ang daloy ng luha, walang salitang namumutawi sa bibig. At parang doble ang sakit na naramdaman ni Enrico.

Nayanig siya, parang ngayon lang sumampal sa kanya ang bigat ng kanyang nagawa,

Tuluyang nakipaghiwalay si Mikayla kay Enrico. Para sa kanya, hindi na niya kayang makipagayos pa sa taong niloko siya dahil siguradong baka lokohin ulit siya pagdating ng panahon.

Magsisi man si Enrico ay huli na. Hindi na niya maibabalik pa ang kanyang misis, ang kanyang pamilya. Sinira niya ang kanyang buhay, ipinagpalit sa panandaliang ligaya.

Advertisement