Inday TrendingInday Trending
Kahit Bulag ang Babae ay Kinupkop Niya ang Batang Pipi, Pagdating ng Panahon ay Ito ang Iginanti sa Kanya ng Dalaga

Kahit Bulag ang Babae ay Kinupkop Niya ang Batang Pipi, Pagdating ng Panahon ay Ito ang Iginanti sa Kanya ng Dalaga

Biyuda na si Aling Ping, mag-isa na lamang siyang namumuhay. Noong una ay hindi madali lalo pa sa kanyang sitwasyon-isa siyang bulag. Para kasing sinubok talaga siya ng tadhana dahil pagkalibing ng kanyang mister ay lumala naman ang kanyang katarata hanggang sa hindi na siya makakita pa.

Malaking tulong rin ang mababait niyang kapitbahay na nagsilbing gabay lalo na noong hindi pa siya sanay sa kawalan ng paningin.

Isang araw ay naisipan ni Aling Ping na maglakad-lakad, kabisado niya na rin naman kasi ang daan. Bukod doon ay kilala na siyang bulag sa kanilang lugar kaya mga tricycle driver na ang umiiwas sa kanya sa kalsada. Medyo ginabi na siya ng uwi, wala nang masyadong tao sa labas nang maringgan niya ang mahihinang hikbi.

“S-Sinong nariyan?” tanong niya. Pero hindi ito sumagot at tuloy lang sa pag-iyak. Sabi nga nila, kapag may kakulangan sa iyo ay pinupunan naman iyon ng Diyos sa ibang bagay. Mula nang mabulag siya ay lumakas naman ang kanyang pandinig.

Sinundan niya ang tunog ng iyak hanggang malapit na iyon sa kanya.

Kinapa niya ang nasa harapan, at napag-alaman niyang isa iyong bata. Sa tingin niya ay nasa dalawang taong gulang pa lamang.

“N-Naku, kanino ka bang anak? Nasaan ang nanay mo? Teka, paano ba ito..” namomroblemang sabi ng ale. Sinubukan niyang patahanin ang paslit pero tuloy pa rin ito sa pag-iyak.

Binuhat niya ang bata, naghintay sila ng isang oras. Baka bumalik ang nanay nito at kunin pero wala.

Iniuwi niya nalang muna ito sa kanyang bahay dahil madilim na rin. Para namang napalapit na rin ang loob nito sa kanya dahil nakayakap lang sa kanyang dibdib magdamag.

Kinabukasan ay lumapit siya sa barangay upang ipaalam na may napulot siyang bata, pero wala ring nagke-claim rito. Sinabihan niya ang kapitan na siya na muna ang mag-aalaga habang hinihintay ang ina nito.

Nakiusap pa nga siya sa isang kapitbahay na ibili ito ng maliliit na damit sa palengke, puro malalaking T-shirt niya kasi ang isinusuot nito. Habang nilalabhan niya ang maliit nitong short ay may nakapa siyang papel.

Agad siyang pumunta sa kapitbahay upang ipabasa iyon.

“Mel, makikisuyo na ngang pakibasa. Baka nariyan ang contact number ng magulang niya,”

Sandaling hindi kumibo ang kanyang kapitbahay, tapos ay nagsalita ito.

“Aling Ping, sinadya ang pag-iwan sa batang ito. Isang listahan ito ng gamot na kailangang bilhin para sa kanya.”

“G-Gamot? May sakit ang bata? Nakalagay ba dyan kung ano ang sakit ng bata?” nag-aalalang tanong ni Jing.

“Oo. May hika siya at..pipi ang bata kaya’t iyak lang ang kaya niyang gawin. Aling Ping, mahihirapan kang alagaan ang batang ito,” paalala ng kanyang kaibigan.

“Naku. Nakakaawa naman siya. Iniwan na pala ng magulang. Kung ganoon ay sa akin nalang siya..”desidido niyang sabi.

“Kung yan ang gusto mo eh. Pero mahirap Aling Ping, lalo at pareho kayong may kapansanan. Pero heto, kaunting tulong sa inyong dalawa.” sabi ng kapitbahay, nag abot ng pera.

Tulo ang mga luha ni Aling Ping at paulit-ulit na nagpasalamat sa mga taong tumulong sa kanya.

Pinangalanan niyang Jane ang kanyang anak.

Lumipas ang maraming taon at lumaki si Jane. Bata pa lamang siya pero natutunan niya ng maging responsable dahil sa kanyang ina. Pipi siya ngunit malusog naman siya at hindi na sinusumpong ng hika.

Isang araw, nabalitaan ni Aling Ping na nangangailangan ng mga bulag na masahista ang isang parlor sa kanilang bayan. Dahil sa kanyang potensyal ay natanggap siya sa trabaho. Isang buwan lang ang nakalipas at nakilala si Aling Ping bilang isa sa pinakamagaling na masahista sa kanilang syudad.

Dahil sa kanyang kinikita, napag-aral niya si Jane. Ngunit dahil kailangan niyang magtrabaho sa syudad, mag-isang naninirahan sa kanilang bahay ang kanyang anak. Tuwing Sabado at Linggo lamang silang nagkikita.

Huwarang estudyante si Jane at palagi siyang napapabilang sa top 10 ng kanyang klase. Lagi siyang inaasar dahil sa kanyang pagiging pipi pero talagang mas determinado pa rin siyang mag-aral.

Kahit na kailan ay hindi nakaramdam ng pagkalungkot ang dalaga. Para sa kanya, napakaswerte na niya dahi inampon at inalagaan siya ng kanyang mama Ping.

Ilang taon pang nagtrabaho ng maigi si Aling Ping para mabigyan ng magandang edukasyon ang kanyang anak. Lahat naman ng kanyang paghihirap ay nagbunga ng makatapos ng kolehiyo si Jane.

Malungkot na napabuntong hininga ang babae, isa’t kalahating taon na ang lumipas mula nang huli silang magkita ng anak. May propesor kasi ito dati sa kolehiyo na nag-refer ng magandang ospital raw sa Maynila upang i-therapy ito at baka makapagsalitang muli.

Mula noon, wala na siyang balita sa anak.

“Ano nga ba naman ako.. hindi niya naman ako tunay na ina,” malungkot na sambit niya sa sarili.

Napapitlag pa siya nang makarinig ng malalakas na katok sa pintuan.

“Ma! Nandito na ako Ma!” sabi ng boses.

“Ay pasensya ka na miss, sino ka at bakit mo ako tinatawag na mama?” kinakabahang sagot ni Aling Ping. Baka budol-budol lang.

“Ma, ako ito si Jane. Andito na ako ngayon. Naging matagumpay ang treatment ko ma! Nakakapagsalita na ako mama!” umiiyak na sigaw ni Jane.

“Jane, anak?Diyos ko! Salamat at nakauwi ka na! Ano ulit ang tawag mo sa akin anak?” umiiyak na sagot ng kanyang nanay habang sila ay magkayakap.

“Mama. Mama ko. Natatawag na kitang mama ngayon.” sagot ng dalaga.

Hindi na nakapagsalita pa si Aling Ping at puro iyak na lamang ang nagawa niya. Naisip niya na ang dalawampung taon na sakripisyo niya, para mapalaki at maalagaan ang kanyang si Jane ay ang pinaka magandang desisyon na ginawa niya sa kanyang buhay.

Ilang taon ang lumipas at nagpakasal rin si Jane, isinama niya ang kanyang mama Ping na tumira kasama nila.

Nagpapasalamat si Jane dahil kung hindi siya inabandona ng tunay niyang mga magulang, hindi niya siguro makikilala ang mama Ping niya na totoong nagmahal sa kanya ng higit pa sa totoong magulang.

Advertisement