Hindi Tinanggap ng Dalagang Ito ang Pala-absent na Empleyado sa Kaniyang Grupo, Magaling at Maaasahan pala Ito

Hindi Tinanggap ng Dalagang Ito ang Pala-absent na Empleyado sa Kaniyang Grupo, Magaling at Maaasahan pala Ito

InspiringKarmaStories

“Heleina, baka pupwede naman isama na natin si Joey sa grupo natin. Siya na lang ang wala pang kagrupo, eh. Lahat din ng mga katrabaho natin, kumpleto na sa miyembro, tayo na lang ang kulang,” sabi ni Unice sa dalagang namumuno sa kanilang grupo, isang araw nang mabalitaan niyang wala pang kagrupo ang isa nilang katrabahong kakabalik lang sa trabaho. 

“Paano magkakagrupo ‘yan, eh, palagi ‘yang hindi napasok! Baka nakakalimutan mo, Unice, sahod at pagtaas ng posisyon natin sa trabaho ang nakasalalay dito. Kung kukuha tayo ng isang miyembro na pala-absent na nga, hindi pa magaling sa pagdidisenyo, tiyak, tayo ang grupong matatanggal sa trabaho!” agad na sigaw ni Heleina habang panay ang pagguhit ng disenyong naisip niya. 

“Sobra ka naman, Heleina. Magaling naman siyang magdisensyo, eh. Sadyang hindi lang siya nakakapasok nitong mga nakaraang buwan dahil inasikaso niya ang libing ng asawa niya,” tugon pa nito na talagang ikinainit ng ulo niya. 

“Wala akong pakialam! Kung gusto mo siyang makagrupo, bakit hindi na lang kayo bumuo ng sariling grupo niyo? Huwag niyo na kami idamay sa kalokohan at katamaran niyo! Kailangan namin ng trabaho!” bulyaw niya pa rito dahilan para siya’y layasan at dabugan nito na lalo niyang ikinagalit kaya tuluyan niya itong tinanggal sa hinahawakan niyang mga empleyado. 

Tinalaga bilang isang pinuno ng isang grupo ng mga designer ang dalagang si Heleina para sa nalalapit na patimpalak na isasagawa sa kanilang kumpanya. Bukod kasi sa angking niyang galing sa pagdidesenyo ng mga damit na ibinebenta ng kanilang kumpanya, nakitaan pa siya ng potensyal ng kanilang boss dahil sa diskarte’t talinong mayroon siya. 

At dahil nakasalalay ang laki ng kikitain niya at ang posisyong ibibigay sa kaniya sa gawa ng mga hinahawakan niyang empleyado, siya’y naging mapili sa mga kinukuhang tao. 

Kinuha niya ang pinakamagaling at pinakabatang designer, isang empleyadong magaling magtahi, isang dalagang maalam sa pagsasaliksik ng mga napapanahong kasuotan, at tatlo pang magaling na empleyado sa pagguhit dahilan para siya’y mapanatag na sila’y mananalo sa patimpalak na iyon. 

Kaya naman, ngayong nakikiusap ang isa niyang hawak na empleyado na kumuha sila ng isang palyadong katrabaho, agad na nag-init ang ulo niya at pati ‘to, tinanggal niya na sa kaniyang grupo. Sabi niya pa, “Hindi ko kailangan ng taong marunong pa sa akin!” 

Nang araw ding iyon, nabalitaan niyang bumuo nga ng sariling grupo ang katrabaho niyang si Unice pati ang ipakikiusap nitong empleyado na si Joey na talaga nga namang ikinatawa niya. 

“Talaga bang naniniwala silang kaya nilang dalawa ang nalalapit na patimpalak? Diyos ko! Puno ng hangin ang mga utak!” tawang-tawa niyang wika habang pinagmamasdan ang dalawa na mag-usap. 

Dahil nga wala rin sa bokabularyo niya ang pagkatalo at pahinga, isinubsob niya sa trabaho ang mga empleyadong hawak niya. 

“Dapat, disenyo natin ang manguna sa patimpalak, ha? Para lahat tayo, tumaas ang sahod! Walang magpapahinga hangga’t wala tayong natatapos na isang disenyo!” sabi niya sa mga katrabaho na halatang pagod at wala na sa wisyo dahil sa kaniyang panggigipit. 

Kaya lang, sa sobrang pagsubsob niya sa trabaho sa kaniyang mga kagrupo, nagulat na lang siya kinabukasan dahil isang empleyado na lang ang gumagawa sa kaniyang opisina. 

“Bakit ikaw lang ang narito? Hindi pa sila nadating? Anong oras na, ha?” galit niyang tanong dito. 

“May trangkaso po ‘yong dalawa, ma’am, habang may dinadamdam na pagod naman po ‘yong dalawa pa,” sagot nito na talagang ikinataranta at galit niya. 

Dahil sa nalaman, siya’y napaiyak na lamang. Magkahalong kaba, pagkataranta, at pangangamba ang kaniyang nararamdaman lalo na’t tatlong araw na lang bago dumating ang patimpalak na inaasahan niyang makapagpapaangat sa posisyon niya. 

Ngunit dahil ayaw niya ngang magpatalo, lahat ng mga gawaing naiwan, siya ang gumawa lahat. Halos hindi na siya natutulog at kumakain para lamang matapos ang kanilang proyekto. 

Umabot naman sa araw ng pasahan ang kanilang gawa kaya lang, hindi ito kasing ganda ng naiisip niya dahilan para ganoon na lang siya labis na mawalan ng pag-asa. 

Lalo pa siyang nanghina nang makita ang gawa ng katrabaho niyang si Unice at Joey. Sobrang ganda nito at talaga nga namang nakakaagaw pansin. 

Katulad ng inaasahan niya, hindi sila ang nagwagi. Kung hindi ang dalawa niyang katrabaho na tinanggihan niya. Magkahalong inggit at pagsisisi ang agad niyang naramdaman nang malaman ang laki ng halagang nakuha ng mga ito at nang italaga ang dalawa bilang mga head designer ng kanilang departamento. 

“Bakit ko ba kasi sila minaliit agad?” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang dalawa na masayang nagdidiwang. 

Dahil sa pangyayaring iyon, hindi na siya muling nangmaliit ng kung sino man. Napagtanto niya na ngayong lahat sila, may kaniya-kaniyang kalakasan at kahinaan na hindi niya dapat agad na husgahan.

More Stories