Kinaiinisan ng Buong Kapitbahay ang Matandang Mahirap sa Kanilang Lugar; Sa Hilig Kasi Nitong Tumulong, Halos ang Isusubo na lang Nito’y Ipamimigay pa
Tahimik na kumakain si Bryan nang mapansin ang mamáng nakaupo sa upuang naka-pwesto sa labas ng bahay nito. Nakangiti ang labi habang masayang tinititigan ang mga batang naglalaro sa harapan nito.
“Aling Sonya, pagbilhan nga po ako ng softdrinks,” aniya sa ale.
Tumalima naman ang babaeng may-edad, ngunit hindi nakaligtas sa pandinig nii Bryan ang naiinis nitong bulong.
“Hmp! Mahal na mahal niya iyang mga ampon niya. ‘Di bale nang wala siyang makain basta ang mga batang yan, may malamon lang!” inis na bulong ni Aling Sonya.
Muling nilingon ni Bryan ang kinaroroonan ng matang lalaki na kilala sa kanilang si Mang Delfin. Laman palagi ng tsismisan si Mang Delfin dahil sa dami ng batang inampon nito. Tama si Aling Sonya, mahirap lamang ang mamá at walang sapat na pera upang maibili ng masarap na pagkain ang mga inampong bata. Sa kaniya ngang palagay ay kulang pa ang kinakain nito para sa sarili, kaya bakit mas pinili nitong kupkupin ang mga batang lansangan.
“Alam mo, Bryan, kung hindi mo pa kayang magpakain ng ibang tao, huwag kang magdagdag ng ibang tao sa buhay mo. Huwag kang gumaya kay Mang Delfin, na wala na ngang malamon, nangungupkop pa ng mga batang lansangan,” ani Aling Sonya, saka iniabot sa kaniya ang binili.
“Baka naman kasi, Aling Sonya, sa ganoong paraan masaya si Mang Delfin,” sagot niya.
Imbes na sagutin pa siya’y umismid ito saka hinarap ang bagong kustomer. Muling tinitigan ni Bryan ang matandang ngayon ay hinahati ang isang malaking tinapay sa sampong bata. Sa labis na kuryosidad ni Bryan ay lumapit siya sa pwesto ni Mang Delfin at kinausap ito.
“Kumusta, Mang Delfin?” bati niya sa matandang lalaki.
Tumingala ito sa gawi niya at saka ngumiti nang makilala siya. “Ikaw pala iyan, Bryan, wala kang pasok ngayon?” tanong nito.
Tumango si Bryan saka tumabi ng upo rito. “Napapansin ko, parami nang parami ang batang inaampon mo ah. Noong huli kitang nakita mukhang pitong bata lamang ang kasa-kasama mo, ngayon mukhang sampu na,” ani Bryan.
Ang totoo’y nais niyang maki-tsismis sa buhay ni Mang Delfin. Kung haloos lahat ng kapit-bahay nila ay nagagalit rito, siya ay walang pakialam. Nagagalit ang mga kapit-bahay nila, dahil sa awa sa matandang lalaki na hindi na nag-isipan pang mag-asawa, ngunit kay rami naman ng batang binubuhay.
“Ah, oo nga e. Itong si Sam, Karen at Bea, sila ang huling nadagdag kaya napansin mong mas dumami sila,” ani Mang Delfin, sabay turo sa tatlong bata.
“Buti, Mang Delfin, nakakayanan niyo pang buhayin sila. Medyo marami-rami na rin ang batang kasama mo,” aniya.
Mapait na ngumiti si Mang Delfin. “Sa awa naman ng Diyos, Byran, naitataguyod ko naman sila, isa sa ipinagpapasalamat ko sa Maykapal,” anito saka matamis na ngumiti. “Hindi madali, pero kinakaya. Naiisip ko kasi na mas maayos na iyong kasama ko sila, kahit na kapos kami minsan sa makakain, kaysa pabayaan ko sila sa lansangan, nagugutom at pwede pang mapahamak, lalo na iyang mga babae,” wika nito sabay turo ng nguso sa mga babaeng bata.
“Sabi nga nila, bakit daw ako nagpapakabayani sa mga batang itinakwil na mismo ng mga magulang, gayong isa rin akong dapat na tulungan, dahil matanda na ako’t wala nang kakayahan sa buhay,” kwento ni Mang Delfin.
“Sinasagot ko sila, Bryan, na hanggang nabubuhay ako, aalagaan ko ang mga batang iyan at hindi ako magsasawang kumupkop ng mga batang itinakwil ng mga magulang dahil ayokong mapahamak sila sa lansangan. ‘Di baleng kapos kami na magkakasama, basta ang mahalaga ligtas sila. At kapag naman nam@tay na ako, gusto ko na dito pa rin sila sa bahay ko tumuloy, magtulungan sila sa isa’t-isa upang hindi sila magkawatak-watak. Isipin nilang hindi sila magkakaiba, at ituring ang isa’t-isang magkakapatid,” malungkot na wika ni Mang Delfin.
“Pero ayos lang ba talaga iyon, Mang Delfin? Kahit wala na kayong makain dahil sa dami ng ampon niyo?” ani Bryan.
Ngumiti ang kulubot nitong labi. “Matanda na rin naman ako, Bryan, noong kabataan ko, natikman ko na ang lahat ng masasarap na pagkain. Kaya ayos na ako roon, ang mahalaga ay ang kinabukasan ng mga batang ito. Gusto kong mapagtapos sila sa pag-aaral, sa tulong ko,” anito.
Talagang buo na ang desisyon ni Mang Delfin na ituring na pamilya ang mga batang napulot lamang sa lansangan, dahil inayawan ng sariling mga magulang. Sa tono nito’y nahihimigan niyang wala itong pakialam sa sasabihin ng iba. Ang tanging mahalaga lamang kay Mang Delfin ay ang mga bata.
Ramdam niyang hinding-hindi bibitawan ni Mang Delfin ang mga bata, kahit na magalit na sa kaniya ang lahat. At sa ganoong ugali ay mas lalo siyang bumilib sa lalaki. Hindi niya mga totoong kadugo ang mga bata, pero ang pagmamahal niya sa mga ito’y animo’y mga totoo niyang mga anak.
Tama si Mang Delfin, ‘di baleng kapos sa buhay at pinaghahatian lamang nila ang bawat pagkain, basta ang mahalaga’y nakikita nitong ligtas ang mga anghel na hinayaan na lamang ng mga magulang sa lansangan.