Inday TrendingInday Trending
Nagdadalawang-Isip mang Ibalik ang Bag na Nakuha ay Nanaig pa rin ang Kaniyang Konsensya; Iyak ng Ina ang Magsasabing Tama ang Kaniyang Ginawa

Nagdadalawang-Isip mang Ibalik ang Bag na Nakuha ay Nanaig pa rin ang Kaniyang Konsensya; Iyak ng Ina ang Magsasabing Tama ang Kaniyang Ginawa

Alas diyes na ng umaga nang marating ni Bernard ang lugar kung saan niya ibabalik ang bag na may lamang ginto at malaking halaga ng pera. Tatlong araw na mula noong nakita niya ang bag na may lamang kayamanan at ngayon lamang niya maibabalik iyon.

Ang totoo kasi’y nagdalawang isip siyang ibalik pa ito, dahil kung tutuusin ay malaking pera at may mga ginto pang kasama ang bag. Ito ang sagot sa matagal na niyang hiling at ito rin ang magsasalba sa buhay ng kaniyang inang kailangang operahan.

Ang kaso’y hindi kaya ng kaniyang konsensyang gamitin ang laman ng bag na hindi naman kaniya. Mapapa-operahan nga niya ang kaniyang mama, gagaan ang buhay niya, pero habang buhay naman niyang dadalhin sa konsensya ang pagtakas sa bag at hindi pagbalik sa tunay na may-ari nito.

“Hinahanap mo raw ako?” anang ale.

Sa loob ng bag ay naroon rin ang pitaka ng tunay na may-ari. Nakalagay sa pitaka ang buong address ng bahay nito, ang selpon number at ang pangalan ng taong tatawagan kung sakaling may emergency na mangyayari.

“Ikaw po pa si Aling Zenaida?” tanong ni Bernard sa babaeng medyo may edad na.

“Opo,” sagot naman nito.

“Ibinabalik ko na po ito sa inyo, ma’am. Noong lunes ko pa po talaga ito nakita sa may gilid ng daan, ang akala ko’y ordinaryong bag lamang ng mga taong palaboy sa lansangan. Pero sobrang nagulat ako noong nakita kong puro pera at ginto ang laman, kaya kinuha ko at sa sobrang pag-iingat baka mapahamak ako’y ngayon ko pa lang naibalik sa inyo,” paliwanag niya.

Totoo ang unang niyang sinabi, ang panghuli ang hindi masyadong totoo. Dahil ang totoo’y wala na nga talaga siyang balak ibalik ang bag na iyon, kung hindi lamang dahil sa konsensya niya.

Bahagyang nagulat si Bernard ng makitang biglang humagulhol ng iyak ang ale. Ano ba ang nangyari? May nasabi ba siyang masama, dahilan upang tumangis ang ale?

“Salamat at ikaw pala ang nakakuha sa bag ng anak ko, hijo,” anito. Umiiyak pa rin.

“Sa anak niyo po pala ito. Nasaan na po siya ngayon?”

“Nasa ospital,” tugon ng ale. “Ahente ng ginto ang anak ko, hijo, at iyang bag na iyan ang palagi niyang gamit sa tuwing luluwas siyang Maynila upang bumili ng mga paninda niyang ginto. Isang araw umalis siya ng bahay na masama na ang pakiramdam niya. Pinigilan ko siyang huwag nang tumuloy sa pagluwas at baka mapaano pa siya, pero sadyang matigas ang ulo ng anak ko. Lumuwas pa rin siyang Maynila at ayon na nga, inatake siya sa gitna ng daan habang naglalakad.” Mas lalong lumakas ang iyak ng ale.

Hindi tuloy malaman ni Bernard kung papaano ito aaluin.

“Mabuti naman at may mga taong nagmagandang loob na tulungan siya’t agad siyang dinala sa pinakamalapit na ospital at sa awa ng Diyos, naligtas naman ang anak ko,” anito.

Nakahinga nang maluwag si Bernard, mabuti naman kung ganoong nakaligtas ang anak ng ale. Iyon ang mas importante sa kahit ano pa man. Hindi na tinanong ni Bernard kung paano nangyaring naiwan ang bag ng anak nito sa daan. Siguro’y nataranta na ang mga tao at hindi na pinansin ang bag, kaya naiwan iyon sa daan. Itinabi ng ilang nakakita at hindi pinansin, hindi alam na kayamanan ang laman ng simpleng bag na iyon.

Sa pag-iyak ng ale ay napagtanto ni Bernard na tama lamang ang kaniya g naging desisyon na ibalik ang bag na iyon sa tunay na may-ari. Kailangan niya ng pera, pero mas kailangan ng tunay na may-ari ang sarili nitong pera at ang ginto nito. Hindi naman iyon sa kaniya, kaya wala siyang karapatan na galawin ang lama ng bag na iyon.

Umuwi siya sa bahay nila na walang kahit anong bigat sa puso. Hahanap na lamang siya ng paraan upang mapa-operahan na niya ang kaniyang mama at nang matapos na ang paghihirap nito sa sakit.

“Mr. Bernard Cruz,” tawag sa kaniya ng isang doktor.

“Yes po, dok?”

“Bukas na ang schedule ng mama mo for her operation, kaya maghanda ka na ng mga gamit na gagamitin niya, okay?” ani Doktora Joyce.

Kumunot ang noo ni Bernard sa pagtataka. “Pero dok, wala pa po akong perang ipangpapa-opera sa nanay ko.”

“Ha? Pero bayad na ang lahat ng babayarin niyo sa ospital, Mr. Cruz, at bukod pa roon ay may naka-deposito pang sobrang pera, para daw iyon sa magiging operasyon ng mama mo,” paliwanag ng doktora.

“Pero paano po iyon nangyari?” nagtataka niyang sambit.

Isang kibit-balikat naman ang isinagot ng doktora saka nagpaalam sa kaniya. Sino ang nagbayad sa bill nila at nag-deposito pa para sa operasyon ng mama niya? Nasagot ang lahat ng tanong niya kinabukasan sa oras ng operasyon ng kaniyang ina ng dunating ang hindi niya inaasahang bisita. Si Aling Zenaida kasama ang anak nitong sa litrato lamang niya nakilala.

“Kayo po ba ang nagbayad sa lahat ng bill namin rito sa ospital, Aling Zenaida?” takang tanong ni Bernard.

Matamis namang ngumiti ang ale saka marahang tumango. “Naikwento mo kasi sa’kin na kailangan mo ng pera para sa operasyon ng mama mo. Humanga ako sa’yo, Bernard, kasi kahit kailangan na kailangan mo ang pera, hindi ka nagpadala sa tukso ng kasakiman. Pwede mo namang hindi ibalik ang bag na napulot mo, wala namang maghahabol no’n sa’yo kasi hindi mo naman kinuha o ninakaw ang bag, napulot mo iyon nang hindi sinasadya. Pero naisip mo pa ring ibalik iyon sa’min, doon mo ako labis na napahanga. Sana marami pang kagaya mo, Bernard.”

“Bilang kapalit sa kabutihan mo’y sagot ko na ang isa sa mabigat mong suliranin,” anang lalaking kasama nito. “Salamat pare, sa pagbabalik sa bag ko,” dugtong nito sabay lapit sa kaniya at yakap.

Mangiyak-ngiyak na yumuko si Bernard at nagpasalamat sa mag-ina. Ang totoo’y wala na siyang inasahan sa mga ito. Pagkabalik niya sa bag ay wala na siyang kapalit na inasahan. Basta masaya siya dahil nawala na ang bigat sa kaniyang konsensya. Hindi naman niya naisip na gagawin ng mga ito ang ginawang kabutihan, kaya labis siyang nagpapasalamat. Malaking bagay ang ginawa ng mga ito. Hindi lang nito tinanggal ang mabigat niyang pinansyal na pasanin, tinulungan din ng mag-ina ang kaniyang ina na makawala na sa sakit na nagpapahirap dito.

Niyakap niya ang mag-ina at labis-labis na nagpasalamat. Mabuti na lamang at ginawa niya kung ano ang tama kaya siya ngayon ay pinagpala.

Advertisement