Sabik na Umuwi ang Binata Dala ang Regalong Ibibigay sa Kaarawan ng Ama; Ngunit Imbes na Matuwa ay Tila Nadismaya ito sa Kaniyang Ginawa
“Tiyak na magugustuhan iyan ng pagbibigyan mo, sir,” nakangising wika ng tinderong umasikaso sa kaniya.
Isang malapad na ngiti naman ang sumilay sa labi ni Clark. Wala naman siyang ibang nais kung ‘di sana’y magustuhan ng kaniyang ama ang binili niya para dito.
Nasasabik na umuwi si Clark sa bahay nila dala ang biniling ipangreregalo sa ama. Masayang-masaya ang kaniyang pakiramdam at nasasabik na siyang makita ang magiging reaksyon nito. Agad niya itong hinanap pagkarating niya sa bahay nila. Ilang buwan rin niyang pinag-ipunan ang bagay na iyon, kaya nais niyang makita kaagad nito ang kaniyang regalo, kahit na bukas pa naman talaga ang kaarawan nito.
“Nasa balkonahe yata ang papa mo, anak,” anang kaniyang ina.
Nagtataka man ang ale ay hindi na nito magawang isatinig ang nais sabihin dahil agad na tumalikod si Clark, at nagmamadaling naglakad patungo sa balkonahe.
“Pa,” tawag niya sa ama.
Lumingon naman ito kaagad sa kaniyang gawi at agad ring nagsalubong ang kilay nang makita ang kaniyang dala.
“Regalo ko sa’yo,” aniya.
Blanko ang ekspresyon ng mukha nito na tila ba hindi ito masaya.
“Bisikleta?” sambit ni Mang Karding
“Lumang-luma na kasi iyong ginagamit ninyong bisikleta, kaya naisip kong palitan na ng bago at mas maganda. Mas madali itong pedalin pa, hindi matigas ang pedal nito, hindi na kayo mahihirapan,” ani Clark.
“Maayos ko pa namang nagagamit ang luma kong bike, Clark,” ani Mang Karding.
Halata sa mukha ang labis na pagkadismaya.
“Alam ko naman po, ‘pa,” ani Clark.
Pinanghinaan siya ng loob bigla. Hindi ito ang inaasahan niyang reaksyon na makikita sa mukha ng ama. Ang buong akala niya’y makikita niya ang saya sa mukha nito sa oras na makita nito ang regalo niya. Ang akala niya’y maiiyak ito sa pasasalamat sa kaniya, ngunit kabaliktaran ang nangyari. Hindi ito natuwa sa regalo niya, bagkus ay mukhang nadismaya pa ito.
“Pero mas maigi na rin kasing palitan mo na iyon ng bago, tutal may bago naman akong ibinibigay sa inyo. Nakikita ko kasing palagi niyo na lang iyong pinapadala sa mang-aayos kasi palaging nasisira o ‘di naman ay palaging flat ang gulong. At saka matagal na panahon mo na ring ginamit ang bisikletang iyon, oras na rin siguro para palitan mo na siya,” kumbinse ni Clark sa ama.
“Salamat sa regalo mo, anak, pero nagsayang ka lang ng pera,” anito.
Hindi talaga ito masaya sa ibinigay niya. Ang saya at sabik na naramdaman kanina’y naglahong lahat sa nakitang reaksyon nito. Kung nadismaya ito sa binigay niya, nadismaya naman siya sa naging reaksyon ng ama.
Iginarahe na lamang niya bisikletang binili. Inisip na ibenta na lamang ito sa kung sinoman ang mas nangangailangan. Baka hindi iyon ang gusto ng papa niya kung ‘di ang pera. Kapag naibenta na niya ang bisikleta ay ibibigay niya sa papa niya ang pinagbentahan niyon, bale iyon nz lamang ang kaniyang magiging regalo sa kaarawan nito.
Kinabukasan… kaarawan na ng kaniyang ama. Wala siyang ganang bumangon at lumabas. Lalabas siya mamaya para kuhanan ng litrato ang biniling bisikleta kahapon upang i-post iyon sa kaniyang social media at ialok kahit balik bili na lang. Hindi pa naman nagagamit ang bisikleta kaya hindi na rin lugi.
“Anak, Clark, labas ka na d’yan kakain na tayo,” tawag ng kaniyang ina.
“Sige lang, ‘ma, ‘di pa naman ako gutom,” aniya.
Ang totoo’y nagtatampo siya sa papa niya, kaya kahit kaarawan nito’y wala siyang balak na lumabas at makisaya.
Hindi na rin naman siya pinilit ng ina. Maya maya ay nagdesisyon din siyang lumabas upang kuhanan ng litrato ang biniling bike. May isa siyang kaibigan na gustong bilhin ang bisikleta, kailangan lamang nito ng litrato upang tingnan kung ano ang itsura ng bisikleta. Alam naman niyang magugustuhan ng kaibigan niya ang bisikleta, dahil tunay naman talagang maganda ang nabili niya, hindi nga lang niya alam kung bakit inayawan iyon ng kaniyang ama.
Nasa may likuran na siya ng bahay nang marinig niya ang mahinang usapan ng kaniyang ama at mga kaibigan nito.
“Ang ganda naman ng bisikletang iyan, p’re. Napakaswerte mo talaga sa anak mo, sana maisip rin ng mga anak ko na bilhan ako ng ganyang bisikleta, luma na rin kasi iyong ginagamit ko,” ani Mang Pedro, ang kumpare ng kaniyang ama.
“Nagpapasalamat nga ako sa anak kong si Clark, p’re, ‘di ko inakalang bibilhan niya ako ng ganitong bisikleta. Gusto kong matuwa kasi sa wakas may bago na akong bisikleta at hindi na ako mahihirapan, kasi sukong-suko na talaga iyong luma ko,” anito, sabay tawa. “Pero naisip ko rin na mahal ang bisikletang ito, p’re,” dugtong ni Mang Karding, may himig pag-aalala sa tinig.
“Mahal talaga iyang ganyang klase, p’re,” sang-ayon naman ni Mang Pedro.
“Kaya nga imbes na matuwa’y nag-alala ako sa anak ko,” wika ni Mang Karding. “Iniisip ko na baka naubos ang pera niya ng dahil lang sa pagbili niya ng ganitong klaseng bisikleta. Sa kaniya na nga kami halos umaasa, lalo na kung hindi pa nagpapadala ang iba pa niyang mga kapatid, si Clark ang pumapasan sa’min, kaya nakonsensya ako p’re. Pakiramdam ko, naging mas lalong pabigat ako sa anak ko,” malungkot na sambit nito.
“Ano ka ba naman, p’re. Binili iyan ni Clark, kasi ayaw niyang nakikitang mahirapan ka. Huwag mong isipin na naging pabigat ka na sa mga anak mo, dapat isipin mo na masaya ang mga anak natin kapag nakikita nila tayong masaya. Huwag ka na ngang praning d’yan. Ibig sabihin lamang niyan ay mahal ka ng mga anak mo, wala nang ibang ibig sabihin pa,” nakangiting payo ni Mang Pedro.
Mangiyak-ngiyak na nagtago sa may pintuan si Clark. Masaya naman pala ang papa niya sa ibinigay niya, inaalala lang pala siya nito kung may natira pa ba sa kaniya o wala na. Gusto niyang lapitan ang ama at yakapin ngunit pinigilan niya ang sarili. Umakyat siya sa sariling silid saka naligo at inayos ang sarili. Tinanggihan na rin niya ang kaibigang interesado sa bisikleta niya. Binili niya ang bisikletang iyon para sa papa niya, kaya dapat lang na gamitin nito ang bisikletang iyon.
Bababa na siya upang idaos ang kaarawan ng papa niya. Hindi na siya nagtatampo, bagkus ay masaya siya dahil alam niyang masaya ito sa ibinigay niya.
“Happy birthday, ‘pa,” nakangiti niyang bati sa ama.
“Salamat, anak,” tugon nito. “Kumain ka na, kanina ka pa namin hinihintay ng mama mo na bumaba, ang kaso’y sabi mo busog ka pa, kaya nauna na kamini mama mong kumain,” anito.
Imbes na sagutin ito’y niyakap niya ang kaniyang ama nang mahigpit. Alam ng Diyos kung gaano niya kamahal ang kaniyang mga magulang, gagawin niya ang lahat mapasaya lamang niya ang mga ito.
“Akala ko ayaw mo sa binili kong bisikleta, papa.” May himig tampo niyang sambit habang nakayakap pa rin sa ama. “Muntik ko ng ibenta ulit ang bisikleta kasi akala ko ayaw mo sa regalo ko,” mangiyak-ngiyak niyang sambit.
Naramdaman ni Clark ang palad ng ama sa kaniyang likuran, inaalo siya nito na animo’y isang batang paslit na nagtatampo.
“Hindi naman sa ayaw ko sa binili mo, anak. Ang sa’kin lang naman ay hindi mo naman kailangang gumastos ng mahal para may maibigay lamang sa’kin. Hindi naman ako mapiling tao, ayos na ako kahit sa mumurahing bisikleta lang. Syempre, sino bang magulang ang hindi sasaya kapag may ibinibigay sa kanila ang kanilang mga anak, mapa-malaking bagay man iyan o maliit, ang tuwa namin ay walang kapantay,” paliwanag ni Mang Karding.
“Pero bilang magulang, nag-alala ako sa’yo. Baka naubos ang pera mo sa pagbili ng mamahaling bike, baka wala ka nang itinira para sa sarili. Aanhin ko ang mamahaling bisikleta kung ‘yong anak ko, wala nang perng pambili ng kailangan niya, kasi napunta na sa’kin— sa’min ng mama mo. Iyon ang inalala ko, anak. Kaya nadismaya ako, pero masaya ako kasi niregaluhan mo ako,” dugtong pa nito.
“‘Pa, hindi ako bibili ng mga mamahaling bagay na hindi ko pag-iipunan. S’yempre, ‘pa, pinag-ipunan ko iyan saka ko nabili. Kaya wala kayong dapat ipag-alala. Para talaga iyan sa inyo, binili ko ‘yan para sa’yo. Kaya sana huwag na kayong madismaya kasi nakakatampo, ‘pa,” nakalabi niyang sambit.
Ngumiti ni Mang Karding saka muling niyakap ang anak.
“Pasensya ka na, anak, sa papa mong hindi nag-iisip. Pero maraming salamat, anak sa regalo mo. Iyang bisikletang iyan ang dabest na natanggap kong regalo sa lahat ng nagdaan kong kaarawan,” anito.
Humalakhak naman ng tawa si Clark dahil alam niyang binobola na lamang siya ng ama. Pero masaya na rin siya dahil sa wakas, nakita niya na sa mukha nito ang sayang kahapon niya pa inaasahan.
Walang magulang ang hindi matutuwa kapag may ibinibigay sa kanila ang kanilang mga anak, maliit man yon o malaki. Mamahalin man o mumurahin lang, basta ang mahalaga’y sa mga anak nila nanggaling.
Minsan nga lang dahil sa pagmamahal nila sa mga anak nila, ayaw nila tayong mahirapan, kaya imbes na masaya ang isalubong nila sa pagkakita sa regalong dala mo, mas iniisip nila kung paano mo iyon na bili at kung may natira pa ba sa’yo o wala na. Gano’n lang talaga ang ugali ng isang magulang. ‘Di baleng wala sa kanila, basta mayroon para sa mga anak nila.