
Natagpuan ng Binata ang Tatlong Bata sa Lansangan na Tinitiis ang Gutom; Mas Gugustuhin ng mga Itong Magutom Kaysa Makasama ang Ina Nila
Pauwi na si Froylan nang napansin niya ang tatlong bata na nakaupo sa gilid ng kalsada. Tumayo ang batang babae nang makita siya na sa kaniyang tantiya ay ito ang pinakapanganay sa tatlong bata. Nanghingi ito ng pera, pambili raw ng makakain.
Kung kaniyang titimbangin ay halos nasa sampung taon pa lang yata ang batang babaeng nakatayo sa harapan niya at nanghihingi ng makakain. Samantalang ang dalawa pa’y masyado pang mga bata.
“Nasaan na ang mga magulang niyo?” tanong ni Froylan.
Akmang humakbang paatras ang batang babae at bakas sa mukha ang pag-aalanganing sagutin ang tanong niya.
“Mabuti akong tao, ineng,” aniya. “Gusto mo ibalik ko kayo sa mga magulang niyo? Nasaan ba sila?”
Tila natakot ang batang babae saka humakbang palapit sa mga kapatid at niyakap ang dalawa. Mas lalong nagtaka si Froylan sa kinikilos ng batang babae. Anong mayroon? Bakit tila ayaw nitong ibalik niya ang mga ito sa mga magulang nila?
“Ayaw niyo bang bumalik sa mga magulang niyo?” aniya. Nagbabakasaling sa ngayon ay sagutin na siya ng mga bata.
“Wala na po kasi ang papa namin, kuya,” anang batang pinakamaliit sa tatlo.
Animo’y ito ang bunso at kung kaniyang tatantiyahin ay parang anim na taong gulang pa lang ito.
“Si mama naman ay… ayaw na namin sa kaniya,” anang batang babae.
Mas lalong kumunot ang noo ni Froylan sa sinabi ng batang babae. Tama ang kaniyang hinala na ayaw ng tatong ibalik sa mga magulang. Mas nanaisin nilang mahamugan sa lansangan at magutuman kaysa bumalik sa ina. Ano’ng ginawa ng ina ng mga bata sa mga ito, at bakit gano’n na lamang ka-desidido ang mga batang ayawan ang kanilang ina?
Inaya niya ang tatlong kumain sa pinakamalapit na kainan at hinayaan ang mga itong mabusog. Inaya niya ang mga itong doon na muna matulog sa bahayniya upang mas ligtas ang tatlong bata, bago niya tuluyang maisip kung ano ang tamang gawin sa mga ito.
Ang mahirap kasi’y baka mapagbintangan siyang dinakip ang tatlong bata kapag hinayaan niya ang mga itong manatili sa kaniya nang matagal, at saka binata pa siya’t nahihirapang buhayin ang sarili, kaya imposibleng makayanan niyang pasanin ang tatlong bata.
“Bakit ba ayaw niyong ihatid ko kayo sa nanay niyo?” tanong muli ni Froylan.
Nakahiga na silang tatlo sa banig na kaniyang inilatag. Magkakatabi ang tatlong bata at pati na rin siya. Maliit lamang ang kaniyang kwartong inupahan, sakto lang talaga para magkasya sila.
“Mula po kasi noong mawala si papa, palagi na lang niyang isinisisi sa’min ang nangyaring iyon kay papa. Kaunting mali ay pinapalo niya kaming tatlo at kapag hindi pa siya makuntento’y itinitiwarik niya si ate, dahilan para iyak lang kami nang iyak ni Justin,” ani Alfred, ang pangalawa sa magkakapatid.
Si Justin ang bunsong kapatid, si Alfred, ang pangalawa habang si Yasmine, naman ang panganay na babaeng nanghingi sa kaniya ng perang pangkain.
“At saka kapag ‘di pa siya nakuntento’y pinapaluhod niya kaming tatlo ng asin. Natitigil lamang iyon kapag nand’yan na ang mga barkada niya’t inaaya siyang makipag-inuman. Tapos kinagabihan, magigising na lang kami kasi may kasama siyang lalaki at ang ingay-ingay nila. Kinabukasan, kapag umalis na ‘yong kasama niyang lalaki, kami na naman ang pagdidiskitahan ni mama at pare-pareho na naman kaming bugb*g sarado,” mahabang paliwanag ni Alfred.
Mariing naikuyom ni Froylan ang kamao sa kwentong narinig. Animo’y bumalik sa kaniyang lahat ang mapait na alaalang pilit niyang itinatago sa kaibuturan ng kaniyang puso. Naalala niya ang nangyari sa kaniya noong kabataan niya, kagayang-kagaya sa kung anuman ang nangyari sa tatlong bata.
Galit na galit rin sa kaniya ang kaniyang ina, na para bang ang laki-laki ng kasalanan niya. Kaya nang mag-katorse anyos siya ay nagdesisyon siyang umalis sa poder ng ina at magsolo na lang sa buhay.
“Galit na galit siya sa’min at palagi niyang sinasabi na malas kami sa buhay niya. Sana daw pare-pareho na kaming mam@tay at mawalang tuluyan sa buhay niya, para wala nang pabigat sa kaniya,” puno ng hinanakit na wika ni Yasmine.
“Kaya noong nakahanap kami ng tiyempo na makaalis sa bahay ay sinamantala naming tatlo iyon. Walang kasiguraduhan kung ano ang mangyayari sa’ming tatlo, basta iisa lang ang sigurado, magkasama kaming tatlo at hindi kami magkakahiwalay,” ani Yasmine, bahagyang pumiyok ang boses nito, tanda ng pinigilang pag-iyak.
“‘Di baleng magutom sa lansangan, basta hindi na kami nabubugb*g ng sarili naming ina,” dugtong pa nito.
Hindi napigilan ni Froylan ang panggigilid ng kaniyang luha sa mga mata. Bakit ba may mga batang isinisilang sa mundong ito na kailangang pagdaanan ang ganitong hirap sa kamay ng sarili nilang magulang? Bakit kailangang pagdaanan ng mga inosenteng bata ang ganitong sitwasyon? Bakit kailangan nilang maghirap sa malupit na mundong ito?
Ngayon mas lalong naintindihan ni Froylan kung bakit ayaw ng tatlong bata na maibalik sa mga magulang. Ngunit alam niya ang batas, kaya hindi niya maaaring pangunahan ang batas, kahit na gustong-gusto niyang protektahan ang tatlong batang kagaya niya’y nakakaranasan ng karahasan sa malupit na mundong ito.
Inireport ni Froylan ang tatlong bata sa pulisya at tama ang kaniyang hinala na may nakareport nang missing person sa tatlo. Ang naghahanap daw ay ang mismong ina ng mga ito. Pinaghintay siya ng mga ito upang personal niyang makilala ang ina nina Yasmine, Alfred, at Justine. Pagkarating nito’y humihikbi itong nagtanong sa kaniya kung may alam ba siya sa kinaroroonan ng mga anak. Labis-labis na raw itong nalulungkot at nag-aalala sa tatlo. Kaya sana raw ay mahanap na ang mga bata.
Kung hindi niya narinig ang kwento ng mga bata tungkol rito, mapapaniwala at mapapaikot siya ng ginang sa galing nitong umarte. Pero hindi siya madadala sa drama nito! Alam niyang sa likod ng umiiyak at malungkot nitong mga mata ay nakatago ang masaya nitong ngiti, bilang pasasalamat dahil sa wakas ay nawala na sa poder nito ang tatlong pabigat na anak.
Sa kawalang magawa ay dinala niya ang tatlong bata sa pulisya upang isuko at iharap sa nanay nito. Pagkakita pa lang ng tatlo sa nanay nila’y humigpit na ang pagkakayakap ng mga ito sa kaniya na tila ba ipinapahiwatig ng mga bata na huwag silang ibigay sa nanay nito.
“Umuwi na tayo sa bahay mga anak,” kausap ng ginang sa mga anak.
Ngunit imbes na sumama’y mas lalong humigpit ang hawak ng mga ito kay Froylan, habang iyak na nang iyak sina Justine at Alfred, at nakikiusap na huwag ibibigay ang mga ito sa ina. Kalmado lamang si Yasmine, pero mahipit rin ang pagkakahawak sa kaniyang damit.
“Ayaw na po naming bumalik sa’yo, mama. Mas pipiliin po naming magutom sa lansangan, kaysa mam*tay sa bugb*g mo,” ani Yasmine.
Dahilan upang magsilakihan ang mga mata ng mga pulis na nakakarinig sa usapan nila.
“Ito naman po ang gusto niyo, ‘di ba? Ang mawala kami sa’yo, kasi mga pabigat kami. Ngayong umalis na po kami sa poder niyo, hayaan niyo na lang po kami, ma,” ani Yasmine, nagsisimula nang tumulo ang luha.
“Mas kaya kaming mahalin, alagaan at hindi sinasaktan ng ibang tao kaysa sa’yo na sarili naming ina. Ayaw na po namin sa’yo. Pwede po bang huwag ka na lang naming maging mama? Kasi ayaw na namin sa’yo.”
Sa pagkakataong iyon ay humagulhol na ng iyak si Yasmine, nakayakap pa rin kay Froylan.
Kahit anong pamimilit ng ginang at pakiusap na hindi na ulit gagawin ang mga nagawa noon sa anak ay hindi pa rin nagbago ang isip ng tatlong bata. Sa harapan mismo ng mga pulis ay nakiusap ang mga itong kay Froylan na lang sila titira at huwag nang ibalik sa ina dahil ayaw na nilang maging anak nito.
Hindi man mapagdesisyunan agad ang mga pulis ay walang nagawa ang ina ng mga bata kung ‘di payagan ang ipinakiusap ng mga anak rito na kay Froylan na lamang titira, imbes na bumalik sa kaniya. Hindi na sinampahan ng mga ito ang ina ng kahit na anong kaso, ang tanging pakiusap na lamang ng mga ito’y huwag na silang pakialaman na magkakapatid at kung maaari’y kalimutan na lamang sila nang tuluyan.
Kita sa mukha ng ginang ang labis na sakit na nararamdaman. Sa harap ng maraming tao ay itinakwil na siya nang tuluyan ng kaniyang mga sariling anak. Kung maaari lamang pumili ng magiging ina ay paniguradong hindi pipiliin ng tatlong bata ang kanilang ina.
Si Froylan ang pansamantalang guardian ng tatlong bata. Sa kaniya na muna ipinagkatiwala ang mga ito, hanggang sa maaprubahan ng korte ang ipinakiusap niyang legal na pag-ampon sa tatlong bata.
Walang kahit sinumang inosenteng bata ang dapat na makaranas ng kalupitan sa mundong ito. Nakalulungkot isipin na maraming bata ang namulat sa ganoong karahasan, dahil na rin sa mga magulang nila mismo ang gumagawa no’n sa kanila.
Kaya laking pasasalamat nila Yasmine, Alfred, at Justine dahil nakilala nila si Froylan na hanggang sa dulo ay ipinaglaban sila at kinalinga. Laking pasasalamat din nila sa Maykapal dahil hindi sila Nito tuluyang pinabayaan.

Sabik na Umuwi ang Binata Dala ang Regalong Ibibigay sa Kaarawan ng Ama; Ngunit Imbes na Matuwa ay Tila Nadismaya ito sa Kaniyang Ginawa
