Kinukupitan ng Dalagang Ito ang Kasama sa Inuupahang Kwarto, Mahuli kaya Siya Nito?

Kinukupitan ng Dalagang Ito ang Kasama sa Inuupahang Kwarto, Mahuli kaya Siya Nito?

InspiringKarmaStories

“Aba, himala, Marian, may pera ka kahit hindi pa natin sweldo! Saan mo nakuha ang pera mo, ha? Siguro, may sugar daddy ka, ‘no?” sambit ni Leng sa kaniyang kaibigan, isang gabi nang siya’y ilibre nito sa isang sikat na restawran. 

“Hoy! Ayusin mo nga ‘yang tabas ng dila mo! Baka may makarinig sa’yo, husgahan pa nila ako!” saway ni Marian habang mahinhing kinakain ang binili niyang karne. 

“O, sige nga, saan mo nakuha ‘yang pera mo? Nagawa mo pa akong ilibre sa mamahaling restaurant na ito!” pang-uusisa pa nito dahilan para siya’y mapilitang umamin dito. 

“Huwag kang maingay, ha? Iyong kasama ko kasi sa dorm na inuupahan ko, masyadong burara! Palaging nakakalat ang mga pera niya sa higaan niya, eh, palagi naman siyang wala, kaya ayon, kinukuha ko. Hindi naman niya hinahanap, eh,” tapat niyang sabi na talagang ikinagulat nito. 

“Diyos ko! Masama ‘yang ginagawa mo!” diretsahan nitong wika. 

“Alam ko, pero pakiramdam ko, ang Panginoon ang may bigay nito dahil alam niyang gipit na gipit na ako sa buhay,” katwiran niya na ikinakamot nito ng ulo. 

“Dinamay mo pa ang Panginoon! Kung ako sa’yo, ibalik mo na ang mga perang kinupit mo! Matakot ka sa karma!” payo nito na ikinasimangot niya lang saka nagpatuloy sa pagkain. 

Matagal nang nangungupit sa kasamahan niya sa inuupahang dorm ang dalagang si Marian. Nag-umpisa ang gawain niyang ito noong panahon na wala siya ni singko pangbili ng pagkain. Sakto namang nakakalat lang ang mga pera ng kasamahan niyang ito sa katapat niyang kama dahilan para hindi niya maiwasan ang temptasyon at kuhanin niya ang mga perang iyon. 

At dahil nga hindi naman nito hinahanap ang mga nawawalang pera na kinuha niya, pinagpatuloy niya ang gawaing ito. May pagkakataon pa nga na kinakalkal na niya ang damitan o ang bag nito kapag pumasok ito sa trabaho lalo na kung wala na siyang mahugot na pera mula sa sariling bulsa. 

Kahit pa kasi may trabaho siya, kulang na kulang ang sinasahod niya upang tustusan ang sariling pangangailangan at ng kaniyang buong pamilya sa probinsya. Kaya naman, ngayong may tila biyayang nakalatag sa harapan niya, hindi siya nagdadalawang-isip na kuhanin ito kahit hindi naman sa kaniya. 

Ginawa niya ang lahat upang matahimik ang kaibigan noong araw na ‘yon. Sising-sisi nga siya na nilibre niya pa ito dahil hindi ito natuwa sa ginagawa niya. 

Pero dahil nga gipit siya at wala na siyang ibang maisip na paraan upang mairaos ang buhay sa Manila, pinagpatuloy niya pa rin ang gawaing ito. 

Pagkauwi niya sa dormitoryo, agad siyang nagpasiyang usisain ang gamit ng kasosyo sa kwarto at halos lumuwa ang mga mata niya nang makita nasa ilalim ng unan nito ang mga alahas nito. 

“Diyos ko! Jackpot ako! Tiyak naman, hindi niya ito hahanapin. May pangbili naman ‘yon ng bagong alahas, eh,” sabi sa sarili saka agad na binulsa ang mga alahas na iyon. 

Kaya lang, bago pa man siya makapunta sa sariling kama, naaninag niyang may isang babaeng nakatingin sa kaniya sa bintana at nang tingnan niya ito, nanlamig ang buong katawan niya nang makitang naroon pala ang dalagang kasama niya sa kwarto. 

“Sabi na nga ba, eh, ikaw ang salarin,” nakangisi nitong wika.

“A-anong sinasabi mo riyan?” pagmamaang-maangan niya pa. 

“Huling-huli ka na, nagsisinungaling ka pa? Kitang-kita ko nga sa kamerang nilagay ko sa kama ko ang reaksyon mo nang makita mo ang mga alahas ko. Hindi ka ba nakokonsensya sa ginagawa mo?” tugon nito dahilan para siya’y tuluyang manghina. 

Hindi pa man siya nakakaisip ng idadahilan, kinatok na agad sila ng mga pulis na pinatawag pala ng dalaga at siya’y agad na dinampot. 

“Patawarin mo ako! Pangako, babayaran ko lahat ng kinuha ko sa’yo, huwag mo lang akong ipakulong dahil may pamilyang umaasa sa akin!” pagmamakaawa nita rito.  

“Umaasa pala sa’yo ang pamilya mo, eh, bakit gumagawa ka nang masama?” pangbabara nito sa kaniya dahilan para maiyak na lang siya at kusang sumama sa mga pulis. 

Dahil sa ebidensyang hawak ng dalaga, siya nga ay tuluyang nakulong ng ilang buwan. Sa loob ng ilang buwang iyon, pinangako niya sa sarili na paglabas niya ng kulungan, siya’y magbabagong buhay na alang-alang sa pamilyang umaasa sa kaniya. 

Sinakatuparan niya nga iyon paglaya niya. Muli siyang naghanap ng trabaho. Isa sa umaga, at isa sa gabi, dahilan para siya’y makaipon at agad na makapagpadala sa pamilyang ilang buwang naghirap. 

Mahirap man ang pinagdadaanan niya, labis labis pa rin ang pagpapasalamat niya dahil ngayon, alam niyang hindi mula sa nakaw ang kinakain niya at ang pinapakain niya sa kaniyang buong pamilya.

More Stories