Hindi Nagpapasalamat sa mga Inuutangan ang Binatang Ito, Napahiya Siya sa Milyonaryang Dalagang Inutangan dahil Dito

Hindi Nagpapasalamat sa mga Inuutangan ang Binatang Ito, Napahiya Siya sa Milyonaryang Dalagang Inutangan dahil Dito

HeartbreakingKarmaStories

“Pare, ito na ‘yong inuutang mong pera. Pasensya ka na ngayon ko lang naibigay, abala kasi kami ng nobya ko sa pinapatayo niyang bahay sa Makati, eh. Sana makatulong sa’yo ‘yan,” sabi ni Romel sa kaniyang kaibigan saka iniabot ang isang sobre ng perang inuutang nito. 

“Diyos ko, pare! Walang hanggang pasasalamat! Makakaasa kang mababayaran ko ‘to sa katapusan dahil sigurado akong papatok sa madla ang ititinda kong mga damit!” sabik na sabik na sabi ni Mario habang kumekendeng-kendeng pa. 

“Huwag ka sa akin magpasalamat, pare. Hindi naman sa aking pera ‘yan, eh. Alam mo naman na walang-wala rin ako. Sa nobya ko na lang ikaw magpasalamat, siya ang naghirap sa perang ‘yan, eh,” tugon nito na ikinakunot ng noo niya. 

“Ayoko nga! Nakakahiya! Ikaw ang kausap ko, eh, bakit ako sa kaniya magpapasalamat?” sabi niya pa sa kaibigan dahilan para magbago ang pinta ng mukha nito, “Halika, pare, pasok ka muna sa loob, magkwentuhan muna tayo,” segunda niya pa sa pagbabakasaling matuwa ang kaibigang tila bigla nawalan ng amor sa kaniya. 

Mahilig mangutang kung kani-kanino ang binatang si Mario. Kahit hindi niya ganoon kakilala ang isang tao, basta’t alam niyang may pera itong maipapautang sa kaniya, gagawa at gagawa siya ng paraan upang makautang dito. 

Kapag naman nakautang na siya, ni minsan, hindi niya nagawang magpasalamat sa mga taong inutang niya. Katwiran niya kasi, “Babayaran ko naman, eh, bakit kailangan ko pang magpasalamat?” 

Katulad na lang ng ginawa niya ngayon sa milyonaryang nobya ng kaibigan niya. Hindi pa man niya ito nakikita sa personal, nangutang siya rito sa pamamagitan ng kaibigan niya. 

Sa kaibigan niya siya labis na nagpaawa. Sinabi niya rito na balak niyang magbenta ng mga damit mula sa Divisoria ngunit wala lang siyang pangpuhunan at dinaing niya pa rito na wala na siyang trabaho ngayon dahilan para agad siya nitong ilakad sa nobya nito at siya’y pautangin. 

Kaya lang, nang tanggihan niya ang kagustuhan nitong magpasalamat sa dalagang nagpautang sa kaniya, agad niya itong tinanggihan dahil babayaran niya naman ang perang inutang niya. 

Bago pa niya mapapayag ang kaibigang si Romel na pumasok sa kaniyang bahay, may isang babaeng biglang tumawag dito dahilan para sabay silang mapalingon. 

“Iyan ba ang kaibigang kinakaawaan mo? Matapos mangutang sa akin, hindi man lang marunong magpasalamat?” sabi ng dalagang kanina pa pala nakikinig sa kanila, “Nahihiya kang magpasalamat pero hindi ka nahihiyang mangutang? Para sabihin ko sa’yo, Mario, hindi ko lang pinulot ang perang pinautang ko sa’yo. Pinagpaguran ko ‘yan, iniyakan ko ‘yan, at pinagpawisan,” taas kilay nitong sabi sa kaniya dahilan para siya’y kabahan. 

“Tama, pare, hindi lang dapat ang inutang mong pera ang binabayaran mo. Dapat ‘yong utang na loob din, at sa simpleng pasasalamat, matutuwa na ‘yong taong nagpautang sa’yo,” dagdag pa ng kaibigan niyang lungkot na lungkot sa mga sinabi niya kanina.

“Pero, pasensya ka na, napag-isip-isip ko ngayong hindi ka karapat-dapat pautangin dahil wala kang utang na loob. Akin na ‘yang perang pinaghirapan ko,” sambit ng dalaga na talagang ikinabigla niya. 

Gustuhin man niyang magmakaawa rito dahil nga kailangang-kailangan niya ng pera, hindi na niya nagawa dahil kitang-kita niya ang inis sa mukha ng kaibigan niya. Sabi pa nito, “Hindi ko akalaing may gan’yan ka palang ugali sa mga inuutangan mo, pare, baguhin mo ‘yan kung ayaw mong wala kang masandalan sa buhay,” na labis niyang ikinapanghina. 

Hinayang na hinayang man siya sa perang makapagsisimula na sana ng kaniyang pinapangarap na negosyo, may maganda naman siyang aral na napulot sa pangyayaring iyon dahilan para simula noon, tuluyan niyang binago ang kaniyang pag-uugali. 

Naging mapagpasalamat na siya sa kung ano mang tulong ang maibigay sa kaniya ng mga taong nasa paligid niya. 

Bukod pa roon, iniwasan niya na rin ang pangungutang kung kanino man. Bagkus, siya’y nagsumikap na magkayod sa pamamagitan ng iba’t ibang trabaho at nang siya’y tuluyan nang makaipon, doon na niya sinimulan ang pangarap niyang negosyo. 

“Ang sarap pala sa pakiramdam na maabot ko ang pangarap kong ito gamit ang sarili kong pagpupursigi at walang taong masama ang loob sa akin dahil naging mapagpasalamat na ako sa lahat ng bagay. Susi talaga sa tagumpay ang pagiging mabuting tao, ‘no? Salamat, Romel, tinuruan niyo ako ng nobya mo maging mabuting tao,” sabi niya sa kaniyang kaibigan, isang araw nang dumalaw ito at ang nobya nito sa kaniyang bagong tayong damitan.

More Stories