Hindi Papaswelduhin ng Ginang na Ito ang Empleyadong Nakabasag ng Chandelier, Matinding Kaba ang Naidulot Nito sa Kaniya

Hindi Papaswelduhin ng Ginang na Ito ang Empleyadong Nakabasag ng Chandelier, Matinding Kaba ang Naidulot Nito sa Kaniya

HeartbreakingInspiringStories

“Ano ba naman ‘yan, Karding? Alam mo naman na mas mahal pa sa sinasahod mo sa isang buwan ‘yong chandelier na pinagkakatiwala sa’yo! Bakit naman hinayaan mong mabasag nang gano’n-gano’n lang, ha?” sermon ni Lani sa isang empleyado, isang araw nang malaman niyang nabasag nito ang ilalagay na chandelier sa gusaling kanilang tinatayo. 

“Pa-pasensya na po, ma’am, hindi ko po sinasadya. Nag-ingat naman po ako sa pagbubuhat no’n, sadyang hindi ko lang po talaga napansin ‘yong asong nakahiga sa labas kaya pagtapak ko sa kaniya, nagulat po ako at naibagsak ‘yong chandelier,” paliwanag nito habang umiiyak. 

“Napakainutil mo talaga! Kaya pasensya ka dahil hindi kita papaswelduhin ng tatlong buwan dahil sa ginawa mo!” sabi niya rito dahilan para agad itong lumuhod sa harapan niya.

 “Ma’am, huwag naman po! May pamilya po akong-” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at ito’y agad niyang sinigawan. 

“Wala akong pakialam! Mabait pa nga ako sa’yo, eh! Kung tutuusin, sahod mo sa isang buong taon ang katumbas ng chandelier na ‘yon! Kaya huwag mo akong artehan!” bulyaw niya rito saka ito tuluyang iniwan upang muling bumili ng nabasag ng chandelier. 

May-ari ng isang construction company ang ginang na si Lani na may daan-daang empleyadong pinapasahod sa bawat proyektong kanilang ginagawa. 

Milyong-milyon man ang kaniyang kinikita sa isang proyekto, hindi ito naging dahilan para hindi siya maging istrikta at maging pabaya sa trabaho ng  kaniyang mga empleyado. 

Gusto niyang palaging pulido ang trabaho ng mga ito dahilan para sa isang buong araw, iisa-isahin niyang dalawin ang mga empleyado niyang gumagawa ng mga proyekto niyang gusali, mansyon, o kahit pabahay. 

Tuwing may nagagawang kamalian ang mga empleyado niya, kung hindi niya ito babawasan ng sahod, ito’y kaniyang agad-agad na tatanggalin sa trabaho dahil ayaw niyang maging palpak ang bawat pinagkatiwalang proyekto ng kaniyang kliyente. 

Sakto naman noong araw na ‘yon, nasaksihan niya kung paano madapa ang empleyadong nakabasag ng mamahaling chandelier dahil lang sa isang aso na labis niyang ikinagalit dahilan para makapagpasiya siyang huwag pasahurin ang empleyadong iyon kahit pa magmakaawa ito. 

Matapos niya itong sermunan, siya’y agad na nagpasama sa drayber niya sa isang mall upang muling bumili ng chandelier na iyon. Wala pang isang oras, muli na siyang nakabalik sa lokasyong iyon bitbit-bitbit ang bagong biling pailaw sa tinatayong gusali. 

Kaya lang, biglang tumaas ang dugo niya nang makitang nagkukumpulan sa isang lugar ang kaniyang mga empleyado. 

“Hindi pa naman break time, ha! Anong ginagawa niyo riyan?” sigaw niya sa mga ito, wala ni isang sumagot sa kaniya, sabay-sabay lang tinuro ng mga ito ang empleyadong sinermunan niya kanina na ngayo’y nasa tuktok ng gusali at tila nais nang tapusin ang buhay, “Hoy! Bumaba ka riyan!” kabado niyang sigaw dito saka agad na nagpasiyang puntahan ito sa tuktok ng gusali.

“Wala rin naman akong mapapakain sa mag-iina ko sa loob ng tatlong buwan, bakit kailangan ko pang ipagpatuloy ang buhay ko?” sigaw nito na rinig na rinig niya habang tinatahak niya ang hagdan patungo sa kinatatayuan nito. 

“Kapag nawala ka, habang buhay na silang walang makakain. Kaya, halika na, bumaba na tayo. Pangako, papaswelduhin na kita, tutulungan ko pa ang pamilya mo,” mangiyakngiyak niyang sabi na sinang-ayunan naman ng lalaki. 

Nang mahawakan niya ang kamay nito, agad niya itong hinila at niyakap, at naiyak dahil sa kabang naramdaman. Doon niya napagtanto na bawat empleyadong hawak niya, may kaniya-kaniyang problemang nakapatong sa balikat na dapat niyang intindihin bilang nakatataas. 

Kaya naman, simula noon, hindi man nawala ang ugali niyang pagiging istrikta, siya naman ay naging mapag-unawa na ngayon. Tinaasan niya na rin ang sahod ng kaniyang mga empleyado na talaga nga namang nagbunga ng maganda dahil lahat ng mga ito ay masaya at magana na ngayong nagtatrabaho. 

Katulad ng pangako niya sa empleyadong nasermunan, hindi na nga niya pinabayad ang nabasag nito at binilhan niya pa ang pamilya nito ng sandamakmak na pagkain. 

“Maraming salamat po, ma’am! Hulog talaga kayo ng langit sa buhay ko at ng pamilya ko!” iyak nito nang makita kung gaano karami ang binili niyang pagkain para rito. 

“Walang anumang halaga ang makakatumbas sa buhay ng isang tao. Kaya, huwag mo nang uulitin ‘yon, ha?” pangaral niya rito habang pinipigilan ang luhang gusto nang kumawala dahil kaniyang nasaksihan ang hirap ng buhay na mayroon ang pamilya nito.

More Stories