Hindi Nasabay sa Pagkain ang Ama ng Dalagang Ito sa Kanila; Hinala Niya, Kumakain na Ito sa Labas kaya Palaging Hindi Masarap ang Ulam Nila

Hindi Nasabay sa Pagkain ang Ama ng Dalagang Ito sa Kanila; Hinala Niya, Kumakain na Ito sa Labas kaya Palaging Hindi Masarap ang Ulam Nila

FamilyHeartbreakingStories

“O, anak, ano pang ginagawa mo riyan? Kumakain na sila roon, bakit ayaw mo pang kumain? Hindi ka pa ba nagugutom?” pag-aalala ni Mang Greg sa anak niyang nakatanaw lang sa malayo, isang gabi nang mapansin niyang kulang ang mga anak niya sa hapag-kainan. 

“Wala akong gana, tatay, palagi na lang kasi itlog at tuyo ang uwi mong ulam, nakakasawa na!” reklamo ni Gienah habang pinipigilan ang pagkalam ng tiyan. 

“Ah, eh, pasensya ka na, anak. Kakaunti lang kasi ang kinikita ko sa pagtatapon ng basura. Hayaan mo, sa mga susunod na araw, magtitiyaga ako para makabili ng lechong manok. Kaya ngayon, kumain ka muna, masamang magpalipas,” sabi nito na kaniyang ikinailing. 

“Kunyari ka pa! Ang sabihin mo, inuuna mong pakainin ang sarili mo bago ka bumili ng ulam namin! Akala mo ba hindi ko napapansin na hindi ka sumasabay sa pagkain namin? Siguro ang sarap ng binibili mo para sa sarili mo, ‘no?” sambit niya pa rito na ikinagulat nito. “Hindi totoo ‘yan, anak,” giit nito na hindi niya pinansin at dali-dali itong iniwan saka nakisalo sa kaniyang mga kapatid na masayang kumakain ng hapunan. 

Walang araw na hindi nagrereklamo ang dalagang si Gienah sa inuuwing ulam ng kaniyang ama na galing sa pagtatapon ng basura. Kahit tuyo, itlog, o kahit anong delata man ang uwi nito, palagi siyang mayroong nasasabi. 

Hinala niya, kaya ganoon lang ang naibibigay ng kaniyang ama, kumakain na ito sa labas bago pa man ito umuwi sa kanilang bahay. Sa tuwing niyaya kasi nila itong sumabay kumain sa kanilang mag-iina, palagi nitong sinasabi na, “Busog ako,” o kung hindi naman, “Kumain na ako,” dahilan para siya’y labis na magtaka. 

Nang gabing iyon, pagkasalo niya sa mga kumakaing kapatid, agad itong inalok na kumain ng kaniyang ina. Katulad ng palagi nitong sagot, sabi lang nito, “Sige lang, kumain na kayo, busog pa naman ako,” na talagang ikinailing niya na lang. 

Pagkatapos na pagkatapos nilang kumain, agad na siyang naghugas ng pinggan at tumabi sa mga nagpapahinga na niyang kapatid. 

Bandang alas dose ng madaling araw, siya’y naalimpungatan nang makaramdam ng pagkaihi. Kaya naman, siya’y agad na nagtungo sa kanilang palikuran. 

Kaya lang, bago pa siya marating doon, naaninag niyang kumakain sa lamesa ang kaniyang ama. Kitang-kita niya kung paano nito sinabaw ang mainit na tubig sa kaning lamig nito saka naglagay ng asin at kaunting paminta. 

“O, akala ko ba busog ka?” sabi niya rito na ikinagulat nito dahilan para agad itong takpan ang kaning kinakain, “Nagsisinungaling ka talaga sa amin, ‘no?” tanong niya pa dahilan para mapabuntong hininga ito. 

“Naisip ko kasi, anak, na huwag nang makiagaw sa inyo sa mga naiuuwi kong ulam. Kulang pa kasi ‘yon sa inyo, eh, ako naman, ayos na sa ganitong klaseng pagkain,” nakangiting sabi nito saka tuluyan nang kumain sa harapan niya. 

“Ibig sabihin, hindi ka talaga kumakain sa labas katulad ng hinala ko?” pang-uusisa niya pa. 

“Hindi talaga, anak, kasi imbis na ikain ko sa labas, pinangbibili ko na lang ng ulam at bigas niyo. Mahirap talaga ang buhay, anak, kaya ikaw, magsumikap ka hangga’t bata ka pa,” tugon nito na talagang ikinalambot ng puso niya dahilan para siya’y dumiretso na sa kanilang banyo at doon umiyak habang naihi. 

Labis siyang nabahag sa sobrang pagmamahal na mayroon ang kaniyang ama sa kanilang mag-iina. Siya rin ay nakonsensya at naawa rito dahil pinagsalitaan niya pa ito kanina. 

Kaya naman, bilang ganti, siya’y nakapagpasiyang maghanap ng trabaho kinabukasan. Mahirap man dahil unang beses niyang maghanap ng trabaho, labis siyang nagpursigi alang-alang sa ama niyang labis nang nahihirapan. 

Sa kabutihang palad, siya ay natanggap bilang isang tindera sa isang panaderya hindi kalayuan sa kanilang tahanan.

Ilang oras man siyang nakatayo roon habang pawis na pawis dahil sa init ng pugon, lahat ito ay tiniis niya hanggang sa tuluyan na siyang sumahod at makatulong sa pagpapakain sa kaniyang pamilya. 

Sa unang sahod niya, siya ay bumili ng isang lechong manok na talagang ikinasaya ng buo niyang pamilya, lalo na ang kaniyang ama. 

“Hindi mo na kailangang magpaubaya ngayon, papa. Halika na, sabay-sabay na tayong kumain!” yaya niya rito dahilan para mapaiyak ito at mapayakap sa kaniya. 

Simula noon, bahagyang naging maalwan ang buhay nila kumpara noon na ang ama niya lang nagtatrabaho. Hindi niya na nakitang kumakain ng tubig, asin, at kanin ang ama, bagkus, palagi na itong nakakakain kasabay nila.

More Stories