Matagal na Nagalit ang Dalaga sa Kaniyang Ama; Isang Araw ay may Nagtulak sa Kaniya na Patawarin na Ito

Wala na sigurong mas sasaya pa kay Astrid. Ilang araw na lang kasi at ikakasal na siya sa lalaking pinakamamahal niya.

Masaya niyang minamasdan ang kaniyang puting-puting traje de boda. Handa na ang lahat. Naipamigay na ang mga imbitasyon at sigurado siya na lahat ng taong malapit sa puso niya ay makakadalo sa kaniyang espesyal na araw.

Ngunit sa kasuluk-sulukan ng puso ng dalaga ay mayroong espasyo na kailanman ay hindi napunan. Hindi niya alam kung ano ang makakapuno sa espasyong iyon.

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang marinig niya ang malamyos na tinig ng kaniyang mapapangasawa na si Jerwin.

“Mahal, sigurado ka na ba talaga na wala ka nang iba pang gustong imbitahin sa kasal natin? Iilan lang ang bisita mo,” sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay usisa nito.

Nginitian niya ang kasintahan.

“Oo nga, ang kulit mo!” natatawang sagot niya.

Tumitig ito sa kaniyang mga mata.

Advertisement

“Sigurado ka ba? E ang Papa mo? Hindi mo talaga iimbitahin, mahal?” maingat na tanong nito.

Agad na nawala ang ngiti sa magandang mukha ni Astrid. Matigas siyang umiling.

“Wala. Wala naman akong Papa. Kaya wala akong iimbitahin,” aniya.

Nakakaunawang tumango naman ito. Hindi na ito muli pang nagsalita, bagay na ipinagpapasalamat niya.

Alam naman kasi nito ang istorya ng buhay niya. Nag-iisang anak siya, at maagang pumanaw ang kaniyang ina. Naiwan siya pangangalaga ng kaniyang ama na isang lasenggero.

Pinabayaan siya nito, at namuhay siya sa sarili niyang mga paa. Kaya naman nang makahanap siya ng trabaho ay umalis na siya sa poder nito.

Sa mga nakalipas na taon ay sinubukan nito na makipag-ayos sa kaniya, ngunit hindi niya ito hinarap minsan man. Malalim kasi ang sugat na nilikha nito sa puso niya. Hindi pa siya handang magpatawad.

“‘Wag ka nang sumimangot. Sorry na at tinanong ko pa. Halika na, at umalis na tayo, baka mahuli pa tayo sa misa,” narinig niyang wika ng kaniyang nobyo.

Advertisement

Napangiti na lang si Astrid. Naisip niya kasi na hindi man siya binigyan ng Diyos ng mabuting ama, pinagkalooban naman siya nito ng isang mabuting kabiyak.

Nang makarating sila sa simbahan ay halos puno na ng tao iyon. Mabuti na lamang at nakahanap pa sila ng mauupuan.

Bagaman may kainitan sa simbahan ay taimtim na nakinig ang dalaga sa sermon ng pari, gaya ng lagi niyang ginagawa. Sa pakikinig niya ay isang mensahe ang tila tumagos sa kaniyang matigas na puso.

“Hindi mo kailanman mapupunan ang espasyo sa puso mo kung may natitirang galit diyan. Matuto kang magpatawad, kung gusto mong maging tunay na masaya.”

Bago pa mamalayan ni Astrid ay napahagulhol na pala siya. Naramdaman niya na lamang ang marahan na pag-akbay sa kaniya ng kasintahan.

“Kaya pala. Kaya pala parang laging may kulang. Dahil ‘yun hindi ko pa rin napapatawad si Papa,” sa isip-isip ng dalaga habang patuloy siyang lumuluha.

Kaya naman pagkalabas na pagkalabas nila ng simbahan ay alam niya na ang gagawin niya.

“Mahal, diretso tayo sa Cavite. Puntahan natin ang bahay ni Papa,” marahang utos niya sa kasintahan, na buong puso nitong pinagbigyan.

Advertisement

Nang makarating siya sa bahay ng kaniyang ama kung saan siya lumaki ay labis ang kabog ng kaniyang dibdib.

Bitbit ang imbitasyon sa kaniyang kasal na nais niyang personal na ibigay sa kaniyang Papa, nanginginig ang kamay na kinatok ni Astrid ang pintuan.

Isang pamilyar na mukha ang nagbukas noon. Ang kaniyang Tita Delia, ang nakababatang kapatid ng kaniyang Papa. Namamaga ang mata nito, tila kagagaling lang sa pag-iyak.

Nang makita siya nito ay muling may luhang tumulo sa mga mata nito bago siya mahigpit na niyakap. Ramdam na ramdam niya ang panginginig ng kaniyang tiyahin.

“Astrid, hija. Ang Papa mo… wala na siya. Nahuli ka na nang dating, hija!” humahagulhol na bulalas nito.

Tila tumigil ang pag-inog ng mundo ni Astrid. Nang rumehistro sa isip niya ang masamang balita ay siya naman ang napahagulhol.

“Inatake siya sa puso kaninang umaga lang, hija. Hindi na siya naisalba pa ng mga doktor. Ang sigla niya pa kagabi!” kwento pa ng kaniyang tiyahin. Tila hindi pa rin ito na wala na ang kapatid.

Nang bahagya silang kumalma ang pumasok sila sa loob ng bahay. Doon ay may nakita siyang bagay na mas lalong dumurog sa kaniyang puso.

Advertisement

Isang barong tagalog kasi ang nakahanda sa sala.

“Ito ba ang susuotin ni Papa, Tita?” tanong niya.

Tumango ito, muling napaluha.

“Alam mo ba? Binili ‘yan ng Papa mo dahil umaasa siya na magbabago ang isip mo at iimbitahin mo siya sa kasal mo. Kung buhay siya, malamang ay ang saya-saya niya sa pag-uwi ng unica hija niya,”

Napaluhod na lamang si Astrid sa labis na pagsisisi. Kung sana ay hindi niya pinairal ang galit, ‘di sana ay nakausap niya ang kaniyang ama bago man lang ito mawala.

Subalit huli na ang lahat. Wala na siyang tyansa na makasama itong muli.

Kaya ‘wag nating paiiralin ang galit. Matuto tayong magpatawad at magbigay ng ikalawang pagkakataon. Dahil wlaang kasiguruhan ang buhay; hindi natin alam kung may tyansa pa ba tayong bumawi.