Isang Binatilyo ang Tinulungan ng Mabait na Drayber ng Dyip; Makalipas ang Ilang Taon ay Muli Silang Nagtagpo

Isang Binatilyo ang Tinulungan ng Mabait na Drayber ng Dyip; Makalipas ang Ilang Taon ay Muli Silang Nagtagpo

InspiringKarmaStories

“Pakiabot na lang po ng pamasahe sa harap.” 

Sinilip ni Tatay Jimmy ang mga pasahero mula sa salamin sa harap niya. Agad naman nag-abutan ng bayad ang mga ito. Hindi naman nakaligtas sa paningin niya ang estudyanteng binatilyo na sa dulo nakaupo. Kitang-kita niya kung paano ito nagpanggap na tulog upang makaiwas sa singil niya. 

Imbes na magalit ay palihim siyang napailing. 

Makalipas ang kulang-kulang dalawampung minuto ay nakarating na sila sa unibersidad kung saan bababa ang karamihan. Bumaba na ang lahat. Ang tanging naiwan na lamang ay ang binatilyo na hindi pa nagbabayad. Tila totoong nakatulog na ito sa biyahe. 

“Hijo, hanggang dito lang ako. Hindi ka pa ba bababa?” sigaw niya upang magising ito. 

Pupungas-pungas itong dumilat bago nagpalinga-linga. Baba na sana ito ngunit tila nagdalawang isip ito at bumaling sa kaniya. 

“Manong, sa totoo lang hindi ako nagbayad kanina kasi wala akong baon ngayon. Pasensya na po ah, dodoblehin ko na lang ang bayad ko sa susunod na magkapera ako,” hiyang-hiyang pag-amin nito. 

Alam niyang nakonsensya ito sa ginawa at hindi matiis na umalis na lang. Hindi maiwasan ni Tatay Jimmy na humanga sa matapat na bata. Aba’y ito lang yata ang hindi nagbayad na kusang umamin!

“Ayos lang, hijo. ‘Wag mo nang alalahanin ‘yun. Heto may tinapay ako rito. Kainin mo habang naglalakad.” Imbes na magalit ay magiliw niyang iniabot dito ang pantawid gutom. 

Nanlaki ang mata ng binatilyo. Ilang segundo rin itong nag-isip bago kiming tinanggap ang bigay niya. 

“S-salamat po, manong! Sana po marami kayong kita ngayong araw!” masiglang paalam nito, tila galak na galak sa munti niyang tulong.

Isang maghapon ang mabilis na lumipas. Huling pasada na ni Tatay Jimmy nang makita niyang muli ang binatilyo. Nakilala niya ang luma nitong bag at sapatos. Sa pagkakataong iyon ay naglalakad lamang ito sa gilid ng highway. Agad siyang nakaramdam ng awa lalo na’t umaambon pa naman. 

“Hijo, sumakay ka na! Magkakasakit ka sa ginagawa mo!” sigaw niya. 

Gulat itong napalingon. Mukhang nakilala naman siya ng binatiyo. 

“Naku, hindi na po! Salamat na lang!” pagtanggi nito. 

Umiling siya. “Sumakay ka na. Pauwi na rin ako at mayroon pang bakante rito sa harap. Halika na!” muli ay yaya niya sa binatilyo. 

Sa huli ay wala itong nagawa at sumakay rin. Agad nitong pinunasan ng bimpo ang mga brasong nabasa at ang lumang bag na bitbit nito. 

“Hindi ka dapat nagpapaulan. Aba’y baka magkasakit ka niyan,” naiiling na sermon niya rito. 

Napayuko lamang ito, tila nahihiya. 

“Wala naman po kasi akong pamasahe pauwi. Swerte ko nga po kanina at pinagbigyan n’yo ko, tapos binigyan n’yo pa ako ng tinapay. Salamat po, kahit paano ay hindi ako nagutom,” anito. 

Nakaramdam ng habag si Tatay Jimmy para sa pobreng binatilyo. 

“Naglalakad ka lang ba tuwing pauwi? Hindi ba delikado?” muli ay usisa niya. 

“Naglalakad din po ako tuwing papasok kaya lang tanghali na po kasi ako kanina, kaya naglakas loob na ako sumakay sa dyip niyo. Hindi naman po delikado, sanay na ako,”  sagot nito. 

Kunot ang noo niyang nilingon ang bata. 

“Kung ganoon, anong oras ka nagising?” 

Sa tantiya niya kasi ay nasa kalahating oras din na lakaran rin mula sa barangay na pinanggalingan nito hanggang sa eskwelahan na pinapasukan nito. 

“Alas kwatro po.” 

Magiliw pa itong nagkwento habang nakahinto sila dahil sa mabigat na daloy ng trapiko. Napag-alaman niya na “Tony” ang pangalan ng binatilyo, labing-anim na taong gulang at ulila sa ama. Ang ina naman ito ay labandera at bahagya na kung kumita, dahilan kung bakit madalas itong walang pera na pangbaon.

Kung swerte man daw na may baong pera, ilalaan na lang nito sa panglamang tiyan. 

Habag na habag siya sa bata. Kita niya kasi na kahit hirap ito sa buhay, masaya ito na nakakapag-aral. Isa pa, mukhang napalaki ito nang maayos. 

Dahil doon ay isang plano ang nabuo sa isipan ng drayber. 

“Ganito na lang, tuwing umaga bumibiyahe ako ng alas-sais. Abangan mo lang ang dyip ko at isasakay kita papasok. Tuwing gabi naman, alas siyete. Ayos ba?” alok niya. 

Tuwang-tuwa ito sa narinig. 

“Malaking tulong po ito! Salamat po!” nagniningning ang matang wika nito. 

Iyon ang naging simula ng espesyal na pagkakaibigan nila ni Tony. Hindi niya na maipagkakaila na tila anak na ang naging turing niya sa binatilyo. 

Kaya naman nalungkot siya dahil nang sumunod na taon ay nagpaalam na itong luluwas na ito sa Maynila para makipagsapalaran. Malungkot man dahil nasanay na siya, masaya naman siya para sa bata na pursigidong umangat sa buhay. Iyon na ang huling beses nilang pagkikita. 

Lumipas ang ilang taon, maraming nagbago maliban kay Tatay Jimmy na nanatiling tsuper ng dyip. 

“Sukli ho!” sigaw niya bago iniabot ang sukli ng isang pasahero matapos nitong magbayad ng isandaan. 

Nagulat siya nang magreklamo ito. 

“Isang libo ang binayad ko, manong. Ano hong sinasabi niyo na isandaan?” tila galit na kastigo nito sa kaniya. 

Kunot noo niyang tiningnan ang lagayan ng kaniyang pera kung sakali mang mali siya ng tingin, ngunit wala namang isang libo doon! 

“Sigurado ho kayo? Isang daan pa lang ho ang kita ko ngayong araw, sir,” magalang niyang sagot sa pasahero.

“Isang libo ‘yun, manong! Sigurado ako! Akin na ang sukli ko!” galit na giit nito. 

Kinapa niya ang sariling bulsa. Wala pang dalawang daan ang perang naitabi niya. Kaya imposible ang sinasabi nito! 

“Sir, pasensya ka na pero wala talaga, e,” aniya. 

“Hindi pwede ‘yan! Ibigay mo ang sukli o ipapakulong kita!” banta nito. 

Hindi niya alam ang gagawin. Wala pa siyang ibang kita kaya wala siyang mapang-aabono. Minabuti niyang itabi ang dyip sa isang presinto. Mas mabuti siguro na ayusin nila ang isyu nang pribado. 

Sa presinto panay pa rin ang bintang ng lalaki na ninakaw niya ang pera nito. 

“Hindi po talaga. Maniwala kayo sa akin. Hindi malaki ang kita ko pero hindi ho ako manlalamang ng kapwa,” katwiran niya sa mga pulis. 

Tumango ang pulis na kausap niya. “’Wag kayong mag-alala, tatay. Aayusin natin ‘to,” pangako nito. 

Maya-maya ay isa pang pulis ang dumating. 

“Anong nangyayari dito?” usisa nito. 

Nang bumaling si Tatay Jimmy sa bagong dating ay hindi niya maalis ang tingin sa pulis na nasa kaniyang harap. Lumipas man ang mahabang panahon ay hindi n’ya malilimutan ang mukha nito! 

“Tony? Ikaw ba ‘yan?” gulat na tanong niya sa pulis. 

Lumingon ito at ganun na lang ang panlalaki ng mata nito nang makilala siya. 

“Tatay Jimmy?” bulalas nito. 

Niyakap nila ang isa’t-isa sa sobrang saya.

Hindi siya makapaniwala na ito ang batang nakilala niya noon. Sinong mag-aakalang magkikita silang muli at isa na itong pulis?  

“Pero, Tatay, bakit kayo nasa presinto? May problema ba?” nag-aalalang tanong nito. 

Ipinaliwanag ng kasama nito ang nangyari. Tiningnan ni Tony ang lalaking nagrereklamo. Bahagyang nanliliit ang mata nito bago dismayadong napailing. 

“Ikaw na naman? Ano na namang ginawa mo?” usisa nito sa nagrereklamo.  

“Kilala mo siya, Sir?” usisa ng kausap niyang pulis kanina. 

“Oo. Ilang beses na ‘yan naireklamo sa kabilang bayan dahil sa modus niyang panloloko sa mga driver. Hindi ka pa rin nagbabago? Ipasok n’yo nga ‘to sa selda,” puno ng awtoridad na utos ni Tony. 

Nang maiwan silang dalawa ay minasdan niya ang binata nang buong paghanga. 

“Akala ko nasa Maynila ka? Aba’y kailan ka pa bumalik dito?” aniya. 

Ngumiti ito. 

“Noong isang buwan pa po. Hinahanap ko po kayo, kaya lang lumipat na raw kayo ng bahay. Buti na lang at nakita ko ulit kayo! Hindi man lang kayo nagbago kahit kaunti, Tatay Jimmy,” biro nito.

Humalakhak siya at tinapik ang balikat nito. 

“Ikaw naman, ang laki ng pinagbago mo! Mabuti naman at kilala mo pa ako!” natutuwang puri niya sa dating kakilala.

“Syempre naman po! Paano ko naman kayo makakalimutan, e parang tatay ko na kayo? Saka kung hindi dahil sa inyo baka wala ako dito ngayon,” nakangiting litanya nito. 

Matapos ang kamustahan ay inaya siya nitong kumain sa labas. Ipinakita nito ang sariling kotse at hindi niya mapigilan ang ngiti. 

Proud na proud siya sa naabot ng batang tinulungan niya noon!

More Stories