Hindi Magkaanak ang Mag-asawa; Ito ba ang Pagsubok na Sisira sa Relasyon Nila?

“Nakuha ko na ang resulta ng pagsusuri na ginawa natin noong isang linggo,” wika ng doktor sa mag-asawang Evelyn at Victor.

Iniabot nito sa mag-asawa ang ilang piraso ng papel. May seryosong ekspresyon sa mukha ng doktor.

“Ano ho ang ibig sabihin nito, Dok?” tanong ni Evelyn.

“Ibig sabihin lang niyan, pareho kayong maayos ang kalusugan kaya’t wala kayong dapat ipag-alala. ‘Yun nga lang, mahihirapan na kayong magkaroon ng anak dahil may edad ka na. Nakakaapekto kasi iyon sa pagbubuntis,” anang doktor.

Hindi nakapagsalita si Evelyn. Nahulaan na kasi niya ang posibilidad na iyon, lalo na’t madalas iyon banggitin ng kaniyang biyenan noon pa man.

“Hindi ko naman kasi maintindihan sa’yo, anak. Sinabi ko na sa’yong ibang babae na lang, ‘yung kasing-edaran mo o mas bata sa’yo. Tingnan mo at hanggang ngayon wala ka pa ring anak. Pipili ka lang ng aasawahin, ‘yung mas matanda pa sa’yo!” naalala pa ni Evelyn na sabi ng kaniyang biyenan noon. 

Parang nagsisisi tuloy siya na naghintay pa sila ng pitong taon bago lumapit sa doktor.

“Wala na po bang paraan, Dok? Gusto talaga naming mag-asawa na magkaroon ng anak. Hindi na bale kung iisa lang, basta’t meron,” tanong niya.

Advertisement

Ngumiti ang doktor.

“Wag kang mag-alala, misis. Makabago na ang panahon ngayon. Marami tayong paraan,” anito.

Nilingon ni Evelyn ang asawa. Kanina pa ito walang imik at panay lang ang pindot sa selpon nito. Mukhang hindi ito interesado man lang.

“May tanong ka ba, Hon?” untag niya sa asawa, na sinagot lamang nito ng iling. Ni hindi nito inalis ang nakapuknat na tingin sa celphone.

Ilang buwan na niyang napapansin na malamig ang turing nito sa kaniya. Palagi rin itong lumalabas ng gabi. Katwiran nito madalas ay “nagpahangin lang” o “may kinitang kaibigan”. Ayaw niya maghinala dahil mahal niya ang asawa. Ngunit hindi rin lingid sa kaniya kung gaano nito kagusto magkaroon ng anak noon pa man. Nagsimula lang naman ito magbago noong paulit-ulit silang mabigo sa pagbuo ng supling.

Laglag ang balikat na umuwi ang mag-asawa, bitbit ang ilang payo mula sa mabait nilang doktor.

“Hon, aalis ka ulit? Saan naman ang punta mo ngayon?” usisa niya sa asawa nang makitang papaalis ito nang sumapit ang dilim.

“Sa kaibigan ko. Bakit ba?” anito.

Advertisement

Pilit nang ngiting umiling si Evelyn bago sinagot ang asawa.

“Wala naman. Parang napapadalas yata,” aniya.

Nilingon siya nito habang kunot na kunot ang noo.

“Kailangan ko lang mag-inom kasama mga kaibigan kahit kaunti. Tinawagan ako ni Mama kanina, pinapapunta niya ako sa bahay. Siguradong magtatanong na naman tungkol sa konsulta natin sa doktor kanina. Doon na muna ako uuwi,” tila yamot na paliwanag nito.

Natahimik siya. Wala naman itong sinasabing masama ngunit sapat na ang diin ng boses nito para masabing dismayado ito sa kaniya.

Tumayo siya at lumapit sa asawa.

“Pasensiya na, Hon. Sabi naman ni Dok tutulungan niya tayo ‘di ba? Maging matiyaga lang tayo, at darating din si baby,” aniya bago naglalambing na niyakap ito.

Ngunit ito mismo ang kumalas bago taas kilay na hinarap siya.

Advertisement

“Hintay? Ilang taon na ba akong naghihintay? Dapat pala nakinig na lang ako kay Mama noon pa lang! Dapat hindi na kita pinakasalan. Sana masaya ako ngayon at hindi ganito,” asik nito.

Natulala si Evelyn sa sinabi ng asawa. Iyon kasi ang unang beses na  nagsalita ito nang ganoon. Agad na tumulo ang masaganang luha mula sa kaniyang mga mata. 

“Pinagsisisihan mo na pinakasalan mo ako?”

Hindi ito nagsalita ngunit sapat na ang katahimikan nito para masagot ang tanong niya.

“Kung anak pala ang habol mo, bakit mo pa ako pinakasalan? At saka hindi ko naman kasalanan. Narinig mo ang sinabi ng doktor kanina, hindi ba? Wala akong sakit kaya bakit ako ang sinisisi mo?” puno ng hinampong sumbat niya sa asawa.

Iritableng bumuntong hininga lang ito.

“Hindi ko alam. ‘Wag mo akong sisihin sa kakulangan mo! Kung sana hindi ka ganyan, e ‘di sana hindi tayo ganito ngayon!” sagot nito bago dire-diretsong lumabas ng bahay.

Naiwan siya na umiiyak ngunit walang magawa sa sitwasyon. Pilit niyang tinuwid ang isipan. Sobrang nasaktan siya sa nangyari, pero mahal niya ang asawa. Alam niyang nasabi lang nito ang lahat dahil sa sobrang pagkadismaya pero hindi siya iiwan nito. Alam niya na kapag nagtagumpay sila sa pagkakaroon ng anak, magniningas mula ang pagmamahal nito sa kaniya.

Advertisement

Kaya naman kahit na hindi ito umuwi sa kaniya ay patuloy ang pagpunta niya sa ospital para kausapin ang doktor. Isang araw ay sinabi ng kaniyang doktor na may mga gamot itong ipapainom sa kaniya. 

“Excited na excited na ako. Pangarap namin ‘tong mag-asawa. Akala ko imposible pero hindi pala. Salamat, Dok. Tatawagan ko si Victor kapag nainom ko na ang mga gamot,” pasasalamat niya sa doktor.

Masaya siyang lumabas ng ospital. Ngunit paglabas niya ay saktong dumating ang isang ambulansya. Inilabas doon ang isang babaeng sugatan at isang lalaki na walang malay. Balot ito ng dugo.

Lalampasan niya na sana ang ambulansya dahil ayaw niyang makita ang duguang pasyente ngunit tila siya natulos sa kinatatayuan niya nang mapagtanto niya na pamilyar ang biktima. Nanginginig ang tuhod na nilapitan niya ito para makasigurado.

Halos panawan siya ng ulirat nang makumpirma na ang duguan na lalaki ay walang iba kundi si Victor!

Nalaman niya na nabangga pala ang sinasakyan nito.

“Sinong kasama niya?” narinig niyang usisa ng doktor na rumesponde.

“Nobya niya po. Dalawa sila sa sasakyan,” narinig niyang sagot ng nars bago itinuro ang babaeng bagaman may malay ay sugatan din.

Advertisement

Nanlaki ang mata ni Evelyn sa narinig. Aba’t niloloko pala siya ng magaling niyang asawa!

Bago pa niya malapitan ang kabit ng kaniyang asawa ay nakita niya ang kaniyang biyenan na parating. Hindi siya nakita nito. Diretso itong lumapit sa babaeng tinawag na nobya ni Victor.

“Ayos ka lang ba, hija? Kumusta na si Victor?” tanong pa nito sa babae.

Noon tuluyang napatid ang pagtitimpi ni Evelyn. Nilapitan niya ang biyenan at ang babae.

“’Ma, alam mo ba ang tungkol dito? Na niloloko ako ng asawa ko?” hindi makapaniwalang usisa niya sa matanda.

Nanlaki ang mata nito sa gulat, ngunit hindi na nito nagawang magsinungaling.

“Masisisi mo ba ang anak ko kung maghanap siya ng iba, gayong hindi ka makabuo ng anak?” matapang na saad ng matanda. Imbes na humingi ng tawad ay sinisi pa siya nito.

Nanginig siya sa galit sa nararamdaman at noon din ay isang desisyon ang nabuo niya.

Advertisement

Nang magising si Victor ay tila ito batang nagpapalahaw.

“Hindi ko maigalaw ang binti ko. Bakit ganoon?” histerikal na sigaw nito.

Ipinaliwanag ng doktor na epekto ng aksidente ang pagiging paralisado ng pang-ibabang bahagi ng katawan nito. Ngunit ang mas malala ay ang katotohanang naapektuhan ang kakayahan nitong mag-anak. Isang bagay na hindi nito kayang tanggapin.

Ngunit mag-iiyak man ito ay nangyari na ang nangyari.

Nang kumalma ang asawa ay kinuha niya ang pagkakataon na iyon para isauli rito ang singsing na minsang naging simbolo ng kanilang pagmamahalan.

“Ngayon ang alis ko sa bahay natin. Babalik na ako sa probinsya. Maghiwalay na tayo, Victor,” malamig na wika niya sa asawa.

Nanlaki ang mata ng lalaki. Hindi naman kasi nito alam na bistado niya na ang kalokohan nito.

“Iiwan mo ko dahil ganito na ako? Walang kwenta?”

Advertisement

Umiling siya.

“Hindi. Iiwan kita dahil niloko mo ako. Nagkampihan pa kayo ni Mama. Alam ko na ang tungkol sa kabit mo,” mariin ngunit kalmado niyang saad sa asawa.

“Nagawa ko lang iyon dahil sa lungkot at kagustuhan na magkaroon ng anak. ‘Wag mo akong iwan, Hon!” katwiran nito.

Halos maglumuhod si Victor ngunit buo na ang desisyon ni Evelyn.

“Hindi. Ginawa mo ‘yun dahil gusto mo. Ginawa mo ‘yun dahil wala kang respeto sa akin. ‘Wag mong isisi sa akin ang kasalanan mo. Dahil ako? Hinding-hindi ko magagawang lokohin ka!” lumuluhang litanya niya sa asawa bago niya walang lingon likod na iniwan ito.

Habang naglalakad palabas ng ospital si Evelyn ay kataka-takang magaan ang loob niya.

Naisip niya tuloy na marahil ay may rason talaga ang lahat ng bagay, kagaya ng kung bakit hindi sila magkaroon ng anak.

Marahil hindi anak ang kailangan nila, kundi respeto sa isa’t isa.