Inday TrendingInday Trending
Matagal nang Gustong Makipaglaro ng Kapatid sa Kaniya Ngunit Subsob siya sa Ibang Bagay; Paano kung Mawala na ang Pagkakataong Makalaro Niya Ito

Matagal nang Gustong Makipaglaro ng Kapatid sa Kaniya Ngunit Subsob siya sa Ibang Bagay; Paano kung Mawala na ang Pagkakataong Makalaro Niya Ito

“Kuya, laro naman tayo, o!” Kanina pa kinukulit ng kapatid si Joshua ngunit talagang hindi siya natitinag sa ginagawa sa kaniyang kompyuter.

“Kuya, sige na, please? Kahit ngayon lang po,” muli ay pakiusap ng bata, ngunit para pa ring walang naririnig si Joshua. Dahil doon ay nakaisip ng kalokohan ang bata at tinanggal ang plug ng kaniyang kompyuter, dahilan upang mag-off iyon. Tuloy ay galit na galit na hinarap ni Joshua ang kapatid…

“Bakit ba ang kulit-kulit mo? Hindi ba at sinabi kong doon ka na lang maglaro sa labas? May ginagawa nga ako, ’di ba? Ayaw kitang kalaro!” hiyaw ni Joshua na agad namang ikinahikbi ng bunsong kapatid. Nagtatakbo itong palabas na umiiyak kaya agad na nagsisi si Joshua. Dahil doon ay sinundan niya ang kapatid at hinabol.

“Marky, sandali! Hindi sinasadya ni kuya, hintayin mo ako!” tawag niya pa sa umiiyak na kapatid ngunit dumiretso pa rin ito palabas ng kanilang gate…

Huli na nang mamataan ni Joshua ang humaharurot na motorsiklo. Nasa gitna na noon ng kalsada ang bata at agad itong nahagip ng sasakyan! Halos tumigil ang mundo ni Joshua nang makitang tumilapon ang kapatid sa daanan at ganoon na lang ang kaniyang pagkabigla nang makitang may umaagos nang dugo mula sa ulo nito.

“Tulong! Tulong!” Nagsisigaw siya at pagkatapos noon ay hindi na niya halos natandaan ang mga sumunod na pangyayari. Ang alam lamang niya ay dinala nila ang kaniyang kapatid sa ospital ngunit idineklara ng doktor na wala na raw itong buhay. Napaluhod si Joshua nang makita ang walang buhay na katawan ng kaniyang kapatid na natatakluban ng isang puting kumot. Agad ay sinisi niya ang kaniyang sarili sa nangyari.

Kung sana ay pinagbigyan na lamang niya agad ang hiling ng kaniyang kapatid, baka hindi nangyari iyon. Kung sana ay hindi niya na lamang ito sinigawan at hinabaan na lamang ang kaniyang pasensiya, siguro’y hindi mangyayari ito.

Unti-unting bumabalik sa kaniyang mga ala-ala ang mga panahong kinukulit siyang makipaglaro ng kapatid ngunit kahit isang beses ay hindi niya ito napagbigyan…

“Bangon ka na riyan, bunso, laro na tayo. Kahit gaano pa katagal, hanggang sa mapagod tayo kakalaro, pagbibigyan ka na ni kuya…” umiiyak niyang kinakausap ang labi ng kaniyang kapatid habang naghihinagpis.

“Patawarin mo ako kung hindi kita nagawang pagbigyan noong nandito ka pa sa tabi ko. Kung alam ko lang… sana, hindi na lang kita sinigawan. Kasalanan ko ang lahat ng ito!”

Marami siyang ala-alang sinayang, mga pagkakataong pinagkait sa kaniyang kapatid na ngayon ay pinagsisisihan na niya. Nahiling niya sa panginoon na sana ay makabalik siya sa panahon kung saan kasama niya pa ito at nakikita niya ang masiglang pagyayaya nito. Nang gabing iyon, sa madilim na bahagi ng kanilang bahay ay nakatulog siyang yapos ang natitirang alaala ng kanilang bunso… ang bola nito.

Nagising si Joshua nang umagang iyon sa tunog ng mga pagtalbog ng bola sa sahig. Mabigat ang talukap ng kaniyang mga mata ngunit pinilit niyang magmulat nang marinig ang isang pamilyar na tinig na noon ay humahagikhik sa kaniyang harapan…

“Kuya? Gising ka na ba?” Nagulat si Joshua nang bumungad sa kaniyang harapan ang masayang mukha ng kapatid niyang si Marky. “Kuya, halika na, laro na tayo, please?” dagdag pa nito kaya naman mabilis na napabangon ang binata sa kaniyang pagkakahiga.

“M-Marky? Ikaw ba ’yan?!” tila hindi makapaniwalang sabi niya na ilang sandali ring napatulala sa mukha ng kaharap.

Bigla niyang hinablot ang kapatid at niyakap. Umiyak siya sa sobrang tuwa at ganoon na lamang ang sayang kaniyang naramdaman nang muling mayakap ang kapatid sa kaniyang mga bisig!

“Kuya, bakit? Hindi na po ako makahinga!” natatawang reklamo pa ng kapatid ngunit tinugon naman ang kaniyang mga yakap.

“Patawarin mo si kuya kung hindi kita nabibigyan ng oras at atensyon dahil palagi na lang akong busy sa ibang mga bagay. Hayaan mo at babawi ako sa ’yo. Simula ngayon ay palagi na tayong maglalaro,” pangangako pa ni Joshua na talaga namang ikinatuwa ng batang si Marky.

Tinupad ni Joshua ang kaniyang pangako. Simula noon ay palagi na siyang naglalaan ng panahon sa pakikipaglaro sa kapatid bilang pasasalamat na rin sa Diyos dahil isang panaginip lamang ang trahedyang kaniyang naranasan upang magising siya sa katotohanang kailangan niyang maglaan ng oras para sa kaniyang kapatid.

Advertisement