Magkasunod na Nawalan ng Anak ang Mag-asawa Dahil sa Isang Sumpa; May Katotohanan Kaya Ito?
“Lumayas kayo sa pamamahay ko, hindi ako sang-ayon sa gusto ninyong mangyari. Alam mo namang hindi namin gusto ng papa mo ang lalaking iyan para sa iyo!” sigaw ni Aling Cora.
“Mama, mahal po namin ni Gener ang isa’t isa!” sabi naman ni Margaret sa ina.
“Mahal, naiintindihan mo ba ang sinasabi mo, Margaret?” Anong ipapakain sa iyo ng lalaking iyan? Ni hindi nga nakatapos ng pag-aaral ang hay*p na ‘yan!”
Nagmamahalan sina Margaret at Gener kahit tutol ang mga magulang ni Margaret na magsama sila ng binata ngunit nanaig pa rin ang pag-iibigan ng dalawa at nagtanan. Mula noon ay itinakwil na ng mga magulang niya si Margaret at hinayaan itong sumama kay Gener.
“Huwag kang mag-aalala, mahal. Hindi mo pagsisisihan ang pagsama mo sa akin,” sabi ni Gener.
Nagsama ang dalawa at umupa ng maliit na bahay upang bubuuin ang plano nilang pamilya. Lumipas ang dalawang taon at nabiyayaan sila ng anak na lalaki na pinangalanan nilang Ishmael ngunit hindi isang malusog na sanggol ang ipinagkaloob sa kanila ng langit kundi isang sakiting sanggol. Nagulat pa sila nang malaman ang karamdaman nito.
“Misis, mister, mayroon sakit sa puso ang anak niyo,” wika ng doktor.
“Doc, s-sigurado po ba kayo, baka po nagkakamali lang kayo?” tanong ni Margaret.
“Misis, sigurado po ako. Kailangan po siyang maoperahan sa lalong madaling panahon kundi ay mas lalala pa ang kondisyon niya,” payo pa ng doktor.
Dahil sa kawalan ng malaking pera ay hindi agad nila napa-operahan ang kanilang anak kaya ‘di nagtagal ay binawian ng buhay ang una nilang anak.
Ilang buwang nagluksa ang mag-asawa sa pagkawala ng kanilang anak na si Ishmael ngunit ang kalungkutang iyon ay unti-utning nabura dahil sa muling pagdadalantao ni Margaret sa ikalawa nilang anak ni Gener.
“Alam kong kailanman ay hindi mawawala sa puso at isipan natin ang namayapa nating anak na si Ishmael pero nagagalak ang ako dahil nasa sinapupunan ko naman ang isa pang anghel sa buhay natin,” wika ni Margaret sa asawa.
“Nawala man sa atin ang ating panganay, pinagkalooban naman ulit tayo ng Diyos ng isa pa, mahal ko,” sagot ni Gener.
Nang isilang ni Margaret ang ikalawa nilang anak na babae na pinangalanan nilang Mary, hindi na naman nila inasahan ng mag-asawa ang balitang sinabi ng doktor.
“Ikinalulungkot ko pero may problema sa baga ang inyong anak, maaaring hindi magtagal ang kaniyang buhay.”
‘Di nagtagal ay binawian din ng buhay ang ikalawa nilang anak. Halos ikabaliw ng mag-asawa ang sumunod na kalbaryo sa kanila.
“Nagkatotoo yata ang sinabi sa akin ni mama, Gener,” lumuluhang sabi ni Margaret.
“A-anong sinabi sa iyo ng mama mo?”
“Nang nagtanan tayo, bago iniwan ang aking mga magulang ay sinabi ni mama na isinusumpa niya tayong dalawa. Hindi raw tayo magiging masaya habang tayo ay nabubuhay. Baka ito na ang bunga ng sumpa niya sa atin, binabawi ng langit ang ating mga nagiging anak,” tugon ni Margaret na hindi na napigilang mapahagulgol nang malakas.
“Sinabi niya iyon?” gulat na tanong ni Gener.
“Oo. Dahil sa pagsama ko sa iyo ay ang mga anak natin ang nagbabayad.”
“Patawarin mo ako, mahal ko. Ang tanging kasalanan ko lang naman ay ang mahalin ka. Wala akong intensyon na saktan ka at ang ating mga anak. Wala kang kasalanan, ako ang may kasalanan dahil inilayo kita sa mga magulang mo,” sagot ng asawa.
“Pinagbabayaran na natin ang ating ginawa. Sana ay mapatawad tayo ng ating mga anak, Gener,” hagulgol pa rin ni Margaret habang mahigpit na nakayakap kay Gener.
Dahil punumpuno ng pagsisisi ang dalawa ay pinuntahan nila ang mga magulang ni Margaret para humingi ng tawad sa mga ito. ‘Di naman inasahan nina Aling Cora at Mang Vito ang pagdating ng mag-asawa.
“Mama, papa, patawarin niyo po kami sa ginawa naming pagsuway noon. Nang dahil sa katigasan ng aming ulo, pati mga anak namin ay nagbayad ng aming kasalanan. Nagkatotoo po ang inyong sumpa, mama!” iyak ni Margaret sa harap ng mga magulang niya.
“A-anong ibig mong sabihin, anak?” gulat na tanong ni Aling Cora.
“Binawian po ng buhay aking dalawang anak dahil sa inyong sumpa. Bawiin niyo na po ang sumpang iginawad niyo sa amin ni Gener. Nakikiusap po kami, mama!”
‘Di napigilang mapaluha nina Aling Cora at Mang Vito.
“Anong sumpa? Yung sinabi ko sa iyo noon? Matagal ko nang pinagsisihan at kinalimutan iyon, anak. Matagal na namin kayong napatawad ng papa mo. Sa katunayan ay kayo lang ang hinihintay naming pumunta rito para sabihin sa inyo na tinatanggap na namin ang inyong pag-iibigan. Ikinalulungot ko ang nangyari sa aming mga apo, hindi namin iyon kagustuhan, maaaring nagkataon lang ang lahat. Hinding-hindi namin hahangarin ng papa mo na mapasama ka anak, mahal na mahal ka namin,” lumuluhang sagot ni Aling Cora sabay yakap nang mahigpit sa anak na matagal na nawalay sa kanila.
Ikinatuwa nina Margaret at Gener ang pagtanggap at pagpapatawad sa kanila ng mga magulang. Para silang nabunutan ng tinik sa kanilang mga dibdib.
Lumipas ang ilang buwan at muling nagdalantao si Margaret. Nakaramdam na naman siya ng takot na baka sa ikatlong pagkakataon ay mamat*yan na naman sila ng anak.
“Baka hindi ko na kayanin, Gener, kapag muling nawala ang bata sa aking sinapupunan. Baka tuluyan na akong mabaliw,” aniya.
“Manalig tayo, mahal ko. Hindi tayo papabayaan ng Diyos,” tugon ng asawa.
Nang isilang ni Margaret ang sanggol na babae ay laking tuwa niya dahil sinabi ng doktor na malusog ito at walang anumang karamdaman.
“Kita mo na mahal, ‘di tayo pinabayaan ng Diyos, ‘di totoo ang sumpa. Binigyan Niya tayo ng pagkakataon na maging mabuting magulang,” wika ni Gener.
“Maraming salamat po Diyos ko sa ibinigay mong bagong pag-asa sa amin,” masayang sabi ni Margaret habang karga-karga ang magandang sanggol na pinangalanan nilang Angel.
Tuwang-tuwa naman sina Mang Cora at Mang Vito nang malamang maayos na naipanganak ni Margaret ang kanilang apo.
Mula noon ay naging masaya na ang kanilang pamilya. Hindi pala totoo ang sumpa na dahilan ng makasunod na pagkawala ng dalawa nilang anak, marahil ay iyon ay nagkataon lang at sinubok lamang ng Diyos ang kanilang katatagan at pananalig.