Inday TrendingInday Trending
Nalaman ng Lalaki na May Malubhang Sakit ang Kaniyang Lola Kaya Ginawan Niya Ito ng Kabaong Kung Sakaling Bawian Ito ng Buhay; May Iba Palang Gagamit Niyon

Nalaman ng Lalaki na May Malubhang Sakit ang Kaniyang Lola Kaya Ginawan Niya Ito ng Kabaong Kung Sakaling Bawian Ito ng Buhay; May Iba Palang Gagamit Niyon

Mahal na mahal ni Oscar ang kaniyang Lola Simang. Sila na lang kasing dalawa ang magkasama sa buhay. Pareho nang yumao ang mga magulang niya at wala ng ibang anak ang kaniyang lola. Matagal na ring namayapa ang iba nilang kamag-anak.

Pinaghahandaan na rin niya kung sakaling iiwan na rin siya ng kaniyang lola kaya naisip niya na gawan ito ng espesyal na kabaong.

Isa si Oscar sa pinakamahusay gumawa ng mga kabaong sa kanilang lugar. Mayroon siyang funeral business na pinagkakakitaan niya.

Isa rin sa ikinababahala niya ay ang pag-uulyanin ng kaniyang lola.

“Apo, kunin mo nga ang suklay ko at nakalimutan ko sa banyo!” sigaw ng matanda.

“Opo, lola, kukunin ko na po!”

Maya maya ay may naalala siya na dapat gawin ng matanda.

“Lola, nakalimutan niyo na namang inumin sa tamang oras ang gamot niyo? Huwag niyo sabihing hindi ko pinaalala sa inyo,” tanong niya rito.

“Naku, pasensiya na apo. Nawala kasi sa isip ko, e.”

Kinaumagahan, halos mapasigaw siya ginawa ng kaniyang lola sa kama.

“Lola, nakalimutan niyo na namang isuot ang diapers niyo, alam niyo naman na kailangan na parati niyong suot iyan bago matulog ‘di ba? Pinaalala ko na sa inyo iyan kagabi, ah! May ihi tuloy itong kobre kama!”

“Pasensiya na apo, nakalimutan ko, e.”

Dahil matanda na ito ay mahaba ang kaniyang pasensiya sa pagiging makakalimutin ng kaniyang lola kaya ayos lang sa kaniya ang mga pangungulit nito.

Isang araw, nagulat na lang siya nang biglang mawalan ng malay ang lola niya. Dali-dali niya itong isinugod sa ospital. Nang makausap niya ang doktor na tumingin dito ay ‘di niya napigilang mapaluha.

“Ikaw ba ang apo ng pasyente?” tanong ng doktor.

“Yes, doc. May problema po ba?”

“Ayon sa resulta ng mga test niya, mayroong nakitang bukol ka kaniyang utak. Hindi ko pa masasabi kung tumor ito kaya kailangan na sumailalim siya sa biopsy,” paliwanag ng doktor.

Natulala si Oscar. Bukod sa pagiging ulyanin ay may mas malubha pa palang sakit ang lola niya. Sinabi rin ng doktor na dahil sa edad ng kaniyang lola ay baka hindi nito makayanan ang operasyon. Baka madaan na lang sa pag-inom ng gamot para lumiit ang bukol. Kahit nanlulumo sa nalaman ay nagpakatatag si Oscar para sa pinakamamahal na lola.

Pag-uwi niya sa bahay ay hindi siya nagpahalata. Ayaw rin niyang malaman ng matanda ang tungkol sa sakit. Mas naging maalaga at mahigpit si Oscar sa kaniyang lola. Mas naiinis siya kapag nakakalimutan nitong inumin ang gamot.

“Lola, huwag niyo namang kalimutang inumin ang gamot niyo. Ayaw niyo bang gumaling? Paano kayo gagaling?” natatarantang tanong ni Oscar.

“Huwag kang magalit sa akin, apo. Pagpasensyahan mo na ang lola mo ha?” malambing na sagot ni Lola Simang.

‘Di napigilan ni Oscar ang maluha. Bigla niyang naalala ang pinagdadaanan ng lola niya.

“Hindi po ako galit, lola. Ipinaaalala ko lang po na mahalaga ang pag-inom niyo ng gamot dahil gusto ko pong gumaling na kayo,” sagot niya.

Dahil sa nalamang sakit ng matanda ay mas lalo niyang minadali ang paggawa sa espesyal nitong kabaong na kulay lila. Iyon kasi ang paboritong kulay ni Lola Simang.

Isang araw ay napansin ng matanda ang ginagawang kabaong ng apo.

“Ang ganda naman ng kabaong na iyan, apo. Kulay lila pa na paborito kong kulay!” manghang sabi nito kay Oscar.

“Opo lola, ang ganda ‘di ba?”

“Sino ang nagpagawa niyan sa iyo?”

“Wala po. Espesyal po ang kabaong na ito.”

“Talaga? Para kanino naman iyan, apo?”

Hindi sumagot si Oscar. Ayaw pa niyang sabihin na para iyon sa kaniyang lola sa oras na pumanaw ito.

“Basta, lola. May nagmamay-ari na nito,” tangi niyang sagot.

Nang sumunod na araw ay nagmamadali sa paglalakad si Oscar bitbit ang mga pinamili niya sa palengke. Ipagluluto niya ng masarap na ulam ang kaniyang Lola Simang ngunit ‘di niya napansin ang paparating na truck na mabilis ang andar. Huli na nang maiwasan niya iyon. Nahagip na siya ng truck at sa tindi ng salpok nito sa kaniyang katawan ay halos lumipad siya sa ere bago bumagsak sa lupa. Isinugod ng mga taong nakasaksi sa insidente ang naghihingalong si Oscar ngunit ‘di rin nagtagal ay binawian siya ng buhay. Ang tanging nasambit lamang niya ay ang mga katagang…

“Lola, Lola Simang, mahal na mahal kita!”

Nang malaman ni Lola Simang ang nangyari sa apo ay nagmamadali itong pumunta sa ospital kung saan naroon ang bangk@y nito. Luhaan ang matanda na niyakap nang mahigpit ang wala ng buhay na apo.

“Apo, apo ko, bakit mo ako iniwan?” sabi ng matanda habang patuloy ang pag-agos ng masagang luha sa mga mata.

Nalaman naman ng doktor na tumingin noon kay Lola Simang ang nangyari kay Oscar. ‘Di ito makapaniwala sa sinapit ng lalaki. Ikinuwento nito sa matanda ang lahat na mas lalong ikinadurog ng puso nito.

“Kung gayon ay may malala pala akong sakit? Kaya pala sobra-sobra ang pag-aalala sa akin ng aking apo. Gusto niya na hindi ko palaging nakakalimutan na uminom ng aking mga gamot,” wika ni Lola Simang.

At may bigla siyang naalala.

“I-ibig sabihin ay ang kabaong na kulay lila ay para sa akin? Ginawa iyon ng aking apo para sa akin?”

Napagtanto ni Lola Simang na ang kabaong na ginawa ni Oscar ay para sa kaniyang pagpanaw ngunit kabaliktaran ang nangyari, mas nauna pang binawian ng buhay ang kaniyang apo kaysa sa kaniya.

Naisip ng matanda na imbes na siya ang gagamit ng kabaong ay ang kaniyang apo ang gusto niyang gumamit niyon.

“Alam kong pinaghirapan mo ang kabaong na iyan para sa akin mahal kong apo, pero nais kong ikaw ang gumamit ng iyong ginawa dahil ang sabi mo’y espesyal ang kabaong na iyan. Gusto kong ikaw ang gumamit niyan dahil para sa akin ay ikaw ang pinaka-espesyal sa akin, apo ko,” maluha-luhang sabi ni Lola Simang.

Inilagay ang bangk*y ni Oscar sa kulay lilang kabaong na kaniyang ginawa. Nang sumapit ang araw ng kaniyang libing ay inalayan din siya ng kaniyang lola ng magagandang bulaklak at panalangin.

“Kung nasaan ka man, mahal kong apo, lagi mong tatandaan na mahal na mahal ka ni lola. Hintayin mo ako, hindi na rin naman magtatagal at malapit na rin tayong magkasama,” bulong ni Lola Simang.

Makalipas ang apat na linggo ay pumanaw na rin ang matanda dahil sa kumplikasyon sa sakit nito. Sa wakas, magkakasama na rin ang maglola sa kabilang buhay kung saan payapa at maayos na ang lahat.

Advertisement