Taos Pusong Tinulungan ng Babae ang Matandang Janitor; ‘Di Niya Akalaing Dahil Doon ay Magbabago ang Kaniyang Kapalaran
Unang araw pa lamang noon ni Iya sa kaniyang bagong pinapasukang kompanya. Natapos na naman kasi ang kontrata niya sa dating pinagtatrabahuhan kaya naman ngayon pa lamang ulit siya nakahanap ng panibagong trabaho. Dahil doon ay talagang nagagalak ang dalaga na magsipag sa trabaho lalo’t nabalitaan niyang sa kompanyang ito ay nagreregular sila ng empleyado.
Nasa lobby pa lamang ng kanilang building ang bente sinco anyos na dalaga nang madatnan niya ang ilang kalalakihan na pinagti-trip-an ang isang matandang janitor na halata namang walang kalaban-laban sa kanila. Nakasuot ng mararangal na uniporme ang dalawang lalaki at alam niyang mga katrabaho niya ito ngayon dito sa bagong kompanya. Hawak ang kani-kaniya nilang kape ay pinagkakatuwaan nilang dumihan ang sahig na katatapos lamang linisin ng matanda. Bukod pa roon ay tumatawa-tawa pa sila na para bang nakakatuwa ang kanilang ginagawa habang itinutulak ang janitor!
“Hoy!” sumigaw si Iya nang nanggagalaiti. “Ano kayo, mga isip bata?!” dagdag niya pa habang patuloy na lumalapit sa kanila.
Nginisian lamang naman siya ng dalawang mokong. “Huwag ka ngang makialam dito, miss. Tropa kami n’yang si Tatang. Huwag ka ngang pakialamera!” sarkastikong sagot pa ng lalaki sa kaniya.
Tiningnan niya ang matandang janitor ngunit kitang-kita niyang umiling ito. Ibig sabihin, hindi totoong kaibigan nito ang dalawang isip-batang lalaking ito!
“Ang lalaki ng katawan n’yo, matanda pa ang naisipan n’yong i-bully? Kakapal ng mga mukha n’yo, ah!” muli ay hiyaw ni Iya sa lalong nagngangalit na tinig.
“Sino ka ba, ha? Kilala mo ba kami? Bago ka rito, ano?” ngayon ay iyong isang lalaki naman ang nagtanong.
“O, e ano naman kung bago nga ako rito? Bakit? Aapihin n’yo rin ako? Mga salbahe kayo!” Inismiran pa ni Iya ang dalawa bago niya hinarap ang matanda.
“Tatay, ayos lang po kayo?” may pag-aalalang tanong niya sa matanda. Ngumiti naman ito at tinanguan siya.
“Bakit hinahayaan n’yo ho na ganiyanin kayo ng mga mokong na ’yon? Sa susunod po, p’wede bang magsumbong kayo sa guard, o kahit sa akin na lang? Para naman po natuturuan sila ng leksyon!” bilin pa ni Iya bago siya noon nagpaalam na aalis muna’t male-late na siya sa trabaho.
Kinabukasan ay maaga muling pumasok si Iya. Ang totoo ay nawaglit na sa kaniyang isip ang tungkol sa naging engkuwentro niya sa matanda at dalawang katrabahong nang-aapi rito. Puno kasi ng trabaho ang kaniyang isip.
Nguit ganoon na lamang ang naging gulat ni Iya nang makapasok siya sa kanilang kumpanya at sinalubong siya ng kumpulan ng kaniyang mga katrabaho.
“Ano’ng meron?” tanong ni Iya sa isa sa kaniyang mga katrabaho.
“May announcment daw ang CEO natin, Iya. Tungkol daw ’to sa isang insidente kahapon,” sagot naman nito na biglang nakapagpabalik sa alaala ni Iya sa nangyari kahapon.
Dumating ang kanilang CEO at nagsitahimik ang lahat. Sa likod nito ay nakasunod ang matandang tinulungan niya kahapon, ngunit kataka-takang nakasuot na ito ngayon ng magarang damit na pangmayaman na animo kalebel nito ang kanilang boss!
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa,” panimula ng kanilang boss. “Ilang janitor at janitress na ang nagre-resign nang halos sunod-sunod nitong mga nakaraang linggo sa hindi namin malamang dahilan. Ayaw naman kasing magsalita ng mga nasabing empleyado sa takot na baka balikan sila ng mga taong kinatatakutan nila sa kumpanyang ito!” may halong galit na pagpapatuloy pa ng kanilang boss.
“Kaya naman, nagpasya ang daddy ko na siya mismo ang humuli sa mga bully. Gusto niya kasing siya mismo ang makakita ng ginagawang pang-aapi ng mga taong ito. Alam n’yong lahat kung gaano namin pinahahalagahan ang lahat ng empleyado namin mula sa pinakamataas hanggang sa pinakababa, dahil lahat kayo ay parte ng kompanyang ito, pagkatapos ay ganoon pa ang gagawin ninyo?!”
Nagulat si Iya sa narinig, lalo na nang malamang ama pala ng kanilang boss ang matandang tinulungan niya kahapon!
Biglang lumabas sa isang malaking screen ang CCTV footage ng nangyari kahapon, at napasinghap ang lahat nang makita nila kung paano ipinagtanggol at tinulungan ni Iya nang buong puso ang matanda mula sa mga bully na ngayon ay yukong-yuko na sa isang sulok!
“Mabuti na lang, isa sa mga bagong empleyado natin dito ang mayroong mabuting puso, kaya naman nagpasya kaming i-promote agad siya bilang team leader at iregular siya sa trabaho! Si Iya Vasquez!”
Tila nagbago ang buhay ni Iya dahil sa kaniyang pagtulong at simula noon ay lalo pa niyang pinag-igi ang kaniyang trabaho.