Inday TrendingInday Trending
Walang Nanood ng Pelikula sa mga Inimbitahan ng Isang Direktor; Makalipas ang Ilang Taon ay Ito ang Nangyari sa Kaniya

Walang Nanood ng Pelikula sa mga Inimbitahan ng Isang Direktor; Makalipas ang Ilang Taon ay Ito ang Nangyari sa Kaniya

“Ano ba ‘yan, Lester? Ipinagpalit mo ang propesyon mo bilang isang arkitekto para lang sa mga paggawa-gawa ng pelikula na iyan?

Ilang taon ka nang gumagawa ng mga maiiksing pelikula pero hindi ka naman nakikilala. Ni wala ngang nanonood ng mga palabas mo,” saad ng amang si Julio sa kaniyang nag-iisang anak na si Lester.

“Ikaw pa naman ang inaasahan kong magpapatuloy ng lahat ng nasimulan ko. Pero paano ka mahahasa sa pagiging arkitekto kung ganiyan ang mga pinagkakaabalahan mo?” walang tigil ang ama sa panenermon sa binata.

“Pa, alam mo naman na simula noon pa ay ang paggawa ng pelikula ang nais ko. Kaya nga Film sana ang kukuhain kong kurso. Pero nakialam kayo, sabi niyo ay mag-arkitektura ako, sinubukan ko naman. Pumasa nga ako hindi ba?

Pero, ‘pa, hindi naman patas para sa akin ang gusto niyo. Nagawa niyo na ang lahat ng gusto niyo sa buhay niyo, panahon naman para kunin ko ang pagkakataon ko,” pahayag ni Lester.

Ngunit kahit ano ang sabihin pa ng binata ay buo na ang desisyon ng kaniyang ama na dapat ay ipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aarkitekto.

Mula noon ay nadama ni Lester na nanlalamig na sa kaniya ang kaniyang ama.

Sa mga pagkakataon ng ana may salo-salo ay madalas na sumama ang kaniyang loob sa mga naririnig niya sa amang si Julio.

“Kumpadre, pinagmamalaki ko masyado ang anak ko. Nabalitaan niyo naman siguro na siya ang nakakuha ng isang malaking deal sa isang banyagang kumpanya. Julio, kumusta na ng apala ang anak mong si Lester?” tugon ng isang kaibigan ni Julio.

“Ayun! Nawalan na ako ng pag-asa sa kaniya. Mas pinili niya ang gumawa ng pelikula. Puro nilalangaw naman! Inaksaya ang talino at buhay sa walang kapararakang gawain,” naiinis niyang tugon sa kumpare.

“Baka naman kailangan lang ng konting suporta, kumpadre. Pero ganiyan talaga ang mga kabataan ngayon, hindi iniisip ang kinabukasan at ginagawa na lamang ang kanilang mga gusto,” saad naman ng kaibigan ng ama.

Ang hindi alam ni Julio ay naroon pala si Lester at napakinggan nito ang lahat ng kanilang usapan. Nakakalungkot isipin na ang sarili mo pang ama ang walang tiwala sa iyo.

Ngunit hindi ito naging dahilan upang magbago ang isip ng binata tungkol sa kaniyang pangarap.

Ipinagpatuloy niya ang paggawa ng pelikula. Kahit na mas marami pang pagkakataon na siya pa ang naglalabas ng sariling pera upang matapos ang kaniyang obra ay hindi nito inalintana.

Nang matapos niya ang nasabing palabas ay tinawagan niya ang kaniyang mga magulang upang anyayahan na manood. Maging ang mga kaibigan niya sa industriya ng arkitektura ay binigyan niya din ng imbitasyon.

Handang-handa na ang lahat ng araw na iyon nang laking gulat ni Lester na ang tanging ina lamang niya ang nakarating sa sinehan.“Pasensiya ka na, anak, hindi raw makakasama ang papa mo dahil marami silang ginagawa sa opisina,” saad ng ina.

“Ayos lang, ma. Maraming salamat at nakadalo kayo!” pahayag ni Lester.

“Nasaan ang ibang inanyayahan mo? Tanging ang mga narito lamang ay mga tauhan sa pelikula mo? Nasaan ang iba mong kaibigan?” pagtataka ng ina nito.

“H-hindi din sila pupunta, ma. Mga abala rin daw. Hayaan niyo na. Basta masaya ako na narito kayo!” sambit ng binata.

Natapos ang palabas at lubos na nasiyahan ang kaniyang ina.

“Maganda ang gawa mong pelikula. Dapat ay mapanood ito ng nakararami! Magaling kang direktor at manunulat, anak!” saad pa ng ginang.

“Sana lahat ay tulad niyo ng sasabihin, ma. Sana nandito din si papa para napanood niya,” saad ni Lester.

“Hayaan mo, anak, naniniwala ako na isang araw ay matatanggap din ng papa mo ang nais mong gawin. Basta h’wag kang susuko at gawin mo ang sa tingin mong makakapagpaligaya sa iyo,” payo pa ng ina.

Hindi huminto si Lester sa kaniyang pangarap. Sa paglipas ng panahon ay lalong lumayo ang loob ng ama sa kaniya.

Isang araw ay may tumawag na lamang sa binata. Laking tuwa niya nang sabihin nito na nanalo ang kaniyang pelikula para sa isang parangal na gaganapin sa ibang bansa. Hindi niya inaakala na sa wakas ay darating din ang araw na kaniyang pinakahihintay.

At simula noon ay nagging sunud-sunod na ang parangal na kaniyang natatanggap mula sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.

Isang araw ay muling nakatanggap si Lester ng isang nominasyon mula sa isang prestihiyosong parangal sa ibang bansa. Lubos ang ligaya na kaniyang nararamdaman sa sunud-sunod na tagumpay pero hindi pa rin niya maiwasan na isipin na mas magiging matamis ang tagumpay na ito kung maibabahagi niya ang mga ito sa kaniyang mga magulang.

Ngunit alam niya ang galit sa kaniya ng kaniyang ama at hindi na rin niya pinilit ang ina sapagkat baka maging dahilan pa ito ng kanilang pag-aaway.

Kaya napilitang lumipad mag-isa patungong ibang bansa si Lester. Kinakabahan man ay tanggap na niyang maliit ang tyansa na siya ang mananalo. Ngunit isa itong malaking oportunidad sa kaniya na mapasama at malinya sa mga magagaling na direktor at manunulat.

Nang sambitin na ang nanalo ay laking gulat niya nang tawagin ang kaniyang pangalan. Dali-dali siyang naglakad patungo sa entablado. Muli niyang naisip ang mga magulang na sana ay kasama niya sila.

Hiningan si Lester ng maikling talumpati at ito lamang ang kaniyang nasabi.

“Malayo ang nilakbay ko upang makapunta sa kung nasaan man ako ngayon. Kaya hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko dahil sa wakas ay unti-unti ko nang natutupad ang lahat ng pangarap ko. Inaalay ko ang parangal na ito sa mga magulang ko. Kung alam lang nila kung gaano ko kanais na sana’y kasama ko sila ngayon,” pahayag ng binata.

Sa pagbaba niya ng entablado ay hindi na napigilang tumulo ang kaniyang mga luha nang salubingin siya ng kaniyang mama at papa.

Napayakap na lamang ang binata ng mahigpit sa mga ito.

“Hindi niyo alam kung gaano ako kasaya na nandito kayo ngayon. Papa, mama, para sa inyo ito!” lumuluhang sambit ni Lester.

“Lubos ka naming pinagmamalaki, anak. Patawarin mo ako kung hindi ako sumuporta sa iyo. Ang tanging nais ko lamang ay masigurado na maganda ang iyong kinabukasan. Pero pinatunayan mo sa akin na mali ako. Patawarin mo ako, anak!” pahayag ng amang si Julio.

Lubos ang ligaya ni Lester sa mga sandaling iyon sapagkat sa wakas ay natanggap na rin ng kaniyang ama ang landas na gusto niyang tahakin. Natupad ang kaniyang hiling at naging ubod ng tamis nga ang tagumpay na ito sapagkat kapiling niya ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Nagpatuloy sa paggawa ng mga pelikula si Lester at lalo siyang nakilala sa kaniyang larangan, hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.

Advertisement