Lubos na Ipinagmamayabang ng Ginang ang Anak na Nagtatrabaho sa Amerika; Nang Makauwi Ito ay Mapapahiya Siya
“Hay naku! Nagsisihabaan na naman ang mga leeg ng kapitbahay natin! Palibhasa ay alam nilang ngayon ang araw ng uwi ng ate mo kaya lahat sila ay nakatanghod na naman sa labas!” sambit ni Aling Petra sa kaniyang bunsong anak na si Mike.
“E, paanong hindi makikiusyoso, ‘nay, pinagawan niyo pa ng malaking tarpolin ang ate at isinabit niyo pa sa labas. Natural ay malalaman nila. Saka ang lakas-lakas kaya ng boses niyo lagi. Lagi niyo pang isinisingit sa usapan ang pag-uwi ni ate,” tugon naman ng binata.
“Hay, naku, mabuti na rin ‘yan na alam nilang ang ate mo ay sa ibang bansa nagtatrabaho! Mga naiinggit kasi porket alam nilang maganda ang posisyon ng ate mo sa trabaho niya sa Amerika. Tingnan mo nga at naipagawa niya itong bahay. Kaya ikaw, gumaya ka sa ate mo!” saad muli ng ginang.
Halos kumintab na ang buong kabahayan nina Aling Petra sa todong paglilinis nila. Makalipas kasi ang apat na taong pagtatrabaho ng panganay na anak niyang si Cathy sa Amerika ay makakauwi na rin ito. Kaya hindi na mapigilan ng ina ang kaniyang pagkasabik. Palagi nga nitong pinagyayabang ang anak kung kani-kanino. Sino ba naman kasi ang hindi magmamalaki kung ang anak mo ay kumikita ng malaki sa ibang bansa.
“Todo linis, Petra, a! Anong oras ba ang dating ng anak mo?” tanong ng kapitbahay na si Aling Hilda sa ginang.
“Bakit mo naman natanong? Siguro ay hihingi ka ng pasalubong, ano? Hilda, ‘wag mo nang asamin at sakto lamang sa amin ang lahat ng uwi ng anak ko,” pangunguna ni Aling Petra.
“Hindi naman ako hihingi ng pasalubong! Kukumustahin ko lang naman ang anak mo sapagkat ang tagal din niyang nawala rito. Siguro ay ibang-iba na ang kaniyang mga kilos at paraan ng pagsasalita,” wika muli ng ale.
“Ganun talaga. Ikaw ba naman ang mamalagi ng ilang taon sa Amerika. Kaya sabihan niyo ang mga anak niyong mag-aral ng mabuti nang sa gayon ay marating din nila ang narating ng anak ko para hindi na lang kayo nakikiusyoso sa buhay ng may buhay,” sambit muli ni Aling Petra.
“Ang yabang mo naman, Petra, akala mo ay kung sino ka na. Nakatuntong lang sa ibang bansa ang anak mo grabe ka nang magmaliit. Bahala ka na nga riyan!” inis na wika ni Aling Hilda.
Maya-maya ay nariyan na ang kaniyang anak at asawa mula sa paliparan. Hindi alam ni Aling Petra ang gagawin sa labis na saya nang makita niya muli sa wakas ang anak. Agad niya itong niyakap at kinamusta,
“Teka, anak, ang kaunti naman nitong pasalubong mo? Ito na ba ang lahat ng dala mo?” pagtataka ng ina.
“Opo, ‘nay. Hindi po ba ang sinabi ko sa inyo ay mauuna na ang balikbayan box ko? ‘Wag niyong sabihing naubos niyo na ang lahat ng laman non?’ sambit ni Cathy sa ina.
“Hayaan mo na nga, ang mahalaga ay narito ka na. Saka pwede naman tayong mamili dito. Maraming magaganda sa mall. Mga naka-sale pa,” pahayag ng ina.
Napangiti na lamang ang panganay na anak.
“Ito na pala ang bahay natin ngayon. Mas maganda po kaysa sa mga larawan,” masayang sambit ng dalaga.
“Halika na at pumasok ka na dahil baka mamaya ay makita ka pa ng mga kapitbahay at manghingi pa ng pasalubong sa iyo,” saad ni Aling Petra.
Pero bago pa man sila makapasok ay agad na kinamusta ni Aling Hilda ang dalaga.
“Nakauwi ka na pala, Cathy. Kumusta naman ang pagtatrabaho sa Amerika?” saad ng dalaga.
Napakunot ang mukha ang dalaga.
“Halika na nga at pumasok na tayo!” pagpupumilit ni Aling Petra sa anak.
“Sandali lang po, ‘nay,” sambit naman ng anak.
“Ano po ang sabi niyo ulit, Aling Hilda?” tanong nito sa kapitbahay.
“Kumusta ang pagtatrabaho mo sa Amerika? Balita ko ay napakaganda nga ng posisyon mo roon. Iba na talaga ang may pinag-aralan, ano?” pahayag muli ng kapitbahay.
Napatingin si Cathy sa kaniyang ina.
“Aling Hilda, hindi po ako sa Amerika galing. Sa Hongkong po ako nanggaling at hindi po ako nagtatrabaho sa isang opisina. Isa po akong kasambahay,” deretsong sambit nito sa ginang.
Labis na ipinagtaka ni Aling Hilda ang sagot ng dalaga sapagkat taliwas ito sa mga ipinapamali ng inang si Aling Petra.
“‘Nay? Ano po itong sinasabi niyo sa kanila na maganda ang posisyon ko sa isang kumpanya sa Amerika? Hindi po ba nila alam kung bakit apat na taon akong hindi nakauwi? Iyon ay dahil wala akong pamasahe para umuwi dahil lahat po ay ipinapadala ko sa inyo,” nadidismayang pahayag ng dalaga.
“P-pasensiya ka na, anak, ayaw ko lang naman na bumaba ang tingin nila sa iyo,” paliwanag ni Aling Petra.
“Ayaw niyong bumaba ang tingin nila sa akin o ayaw niyong matapakan iyang kayabangan ninyo? Hindi ko po kinakahiya nag pagiging Domestic Helper ko sa Hong Kong dahil sa trabaho kong ito ay nabubuhay ko kayo. Tapos kayo pala ay ikinahihiya ang ginagawa ko,” lubos na sumama ang loob ni Cathy sa ina.
Napahiya si Aling Petra sa kaniyang mga kapitbahay. Ngunit dahil sa sinabi ng kaniyang anak ay napagtanto niyang mali ang kaniyang ginawa. Tama naman si Cathy, walang dapat ikahiya sa pagiging kasambahay nito dahil marangal itong trabaho.
Agad na humingi ng paumanhin di Aling Petra sa kaniyang anak at sa mga kapitbahay.
“Patawarin mo ako, anak, kung nasaktan ko ang damdamin mo. Hindi ko dapat ginawa iyon,” pagpapasensiya ng ina.
“Masama po talaga loob ko dahil sa kabila po pala ng pagsasakripisyo ko ay hindi niyo kayang ipagmalaki ang anak niyo at ang ginagawa ko. Pero pinapatawad ko na po kayo, ‘nay. Basta sana po ay h’wag na itong maulit pa,” saad ng dalaga.
Naging aral ang naganap na ito kay Aling Petra. Simula noon ay naging mapagkumbaba na ang ginang. Natutunan na rin niyang makisalamuha ng tama sa kaniyang mga kapitbahay. Higit pa roon ay ipinagmamalaki na niya kung ano ang hanap-buhay ng anak sa ibang bansa.