Naiinis ang Guro dahil Walang Interes ang Estudyante; Hindi Niya Lubos Akalain ang Tunay na Kakayahan Nito
Napapansin ng gurong si Tina na may kakaiba sa kaniyang bagong estudyante na si Raymart. Labing apat na gulang ito at nasa ikaapat na antas. Bukod kasi sa tahimik ito at laging nag-iisa ay tila walang kainte-interes ito sa kanilang klase. Ilang oras na kasi siyang nagpapaliwanag sa harapan ay tila abala ito sa pagguhit sa kaniyang kwaderno.
Noong una ay pinagbibigyan pa ito ng guro dahil ang nasa isip niya’y kailangan nito ng tamang panahon upang makibagay. Ngunit habang tumatagal ay tinutubuan na rin ito ng inis sa estudyante. Pakiramdam niya ay nababastos na siya nito.
“Class, ngayon ang tatalakayin natin ay tungkol sa mga sistema ng katawan ng tao. Isang pagbabalik-tanaw sa pinag-aralan niyo noong nakaraang taon, maaari niyo bang isa-isahin ito sa akin?” tanong guro sa kaniyang mga estudyante.
Lahat ng mga estudyante ay nagsisipagtaasan ng kamay at nagbibigay ng partisipasyon maliban lamang kay Raymart.
“Kanina ko pa napapansin na abala ka sa ibang bagay habang kami ay nagkaklase dito. Baka gusto mo naming ibahagi sa amin ang ginagawa mo,” saad ni Tina sa binata.
Huminto si Raymart sa kaniyang ginagawa at itinago ang kaniyang kwaderno.
“Alam mo na ba ang pinag-aaralan naming, Raymart?” tanong pa ng guro.
Tumangging sumagot ang binata ksa gurong si Tina.
“Kung hindi ka interesante sa itinuturo ko ay mabuti pang h’wag ka nang pumasok. Madalas kong mapansin na palaging wala sa klase ang isip mo. Bigyan mo ng respeto ang nagtuturo dito sa harapan. Bukas ay nais kong makausap ang iyong mga magulang,” sambit pa ng guro.
Pag-uwi sa bahay ay hindi na nag-abala pa si Raymart na tawagan ang magulang na kasalukuyang nasa ibang bansa. Alam din naman niyang hindi makakapunta ang mga ito.
Kinabukasan, pagpasok niya ay agad hinanap sa kaniya ng guro ang kaniyang mga magulang.
“Patawad po pero hindi po sila makakarating. Kung ano man po ang naging kasalanan ko ay inihihingi ko po ng tawad,” paumanhin ni Raymart sa kaniyang guro.
Ngunit nkahit na pinagbigyan ni Tina ang estudyante ng isa pang pagkakataon ay halata dito na tamad na tamad ito sa klase at walang gana.
Hindi na tuloy niya naiwasan na magalit at sumama ang kaniyang loob.
“O, bakit nakasimangot ka riyan? May matigas na ulo kang estudyante?” tanong ng kapwa guro ni Tina.
“Oo, sumasakit ang ulo ko sa isang estudyante ko. Talagang kahit ano ang gawin ko ay wala siyang kagana-gana sa klase namin. Alam mo ‘yung parang pinipilit lang niya pero halata mo na walang interes,” tugon ng guro.
“Baka naman may problema sa bahay o hindi naman kaya ay sa kaniyang pag-uugali. Subukan mo ring obserbahan ang estudyante mo,” mungkahi ng kapwa guro.
“Sumusuko na ako sa batang iyon. Siguro ay pinalaki ng magulang na nasusunod ang luho. Palibhasa ay nasa ibang bansa ang mga magulang at kaisa-isang anak. Dala-dala kahit saan ang masamang ugali,” naiinis na sambit ni Tina.
“Kung gayon ay pwede mong ibagsak,” dagdag pa ng ginang.
Nais ni Tina na pahirapan si Raymart dahil sa pag-uugaling pinapakita nito sa kaniya. Base kasi sa resulta ng kaniyang mga pagsusulit ay hindi naman ito katalinuhan. Madalas ay wala ngang sagot ang mga ito.
Naghanda si Tina ng isang mahirap na aralin para sa klase. Nang magtanong siya ay ni isa ay wala man lamang nagtataas ng kamay. Muli niyang nakita si Raymart na nasa sulok at may iba na naming pinagkakaabalahan.
“Raymart, tumayo ka at sagutin mo itong aralin na isinulat ko sa pisara,” utos nito.
Tiyak na tiyak siyang hindi masasagot ng estudyante ang nasa pisara. Habang nakatayo si Raymart at nakatitig sa pisara ay ito na ang pagkakataon ni Tina upang ipahiya ang binata.
“Iyan ang sinasabi ko. Wala naming laman ang ulo ay sila pa iyong walang ganang making at mag-aral. Sana naman Raymart ay natuto ka sa pagkakataong ito na narito ka sa eskwela at kailangan mong mag-aral!” sambit ni Tina sa estudyante.
Ngunit paglingon ng guro ay laking gulat niya na nasagot ng binata ang kaniyang pinasasagutan. Hindi niya lubos maisip kung paano ito ginawa ng binate gayong hindi pa ito naituturo at tanging mga dalubhasa lamang ang nakakaalam nito.
“P-paano mong nalaman ang bagay na ito?” tanong ng guro.
“Pasensiya na po kayo ma’am sa akin kung nahihirapan kayo. Pero pinipilit ko pong makinig ngunit ang totoo po kasi ay lumilipad na ang isip ko sa ibang bagay. Ang mga bagay pong ito ay alam ko na po noong bata pa lamang ako. Sa katunayan po ay nasa ibang bansa ang aking mga magulang. Nagtatrabaho po sila pero hinahanapan din po nila ako ng paaralan na angkop sa aking kakayahan,” paliwanag ni Raymart.
“Bakit hindi mo kaagad ito sinabi sa akin nang sa gayon ay nabigyan kita ng ibang aralin?” wika ni Tina.
“Hindi ko po kasi alam kung paano sasabihin. Kahit po kasi matalino ako sa mga aralin ay hindi po ako magaling pagdating sa pakikisama sa mga tao kaya po nahihiya ako. Natatakot po ako na itrato nila ako na iba,” pahayag pa ng binata.
Nagulat ang lahat ng mga mag-aaral sa talino na ipinamalas ni Raymart. Ngayon ay mas naunawaan na ng gurong Tina kung bakit tila walang interes ang binata sa kanilang aralin.
Habang naghihintay ng mapapasukang paaralan si Raymart sa Amerika ay tinulungan siya ng kaniyang guro upang mapatalas pa ang kaniyang isipan. Hindi naman naging iba ang trato sa kaniya ng mga kamag-aral bagkus ay ginawa siyang magandang ehemplo ng mga ito. Madalas nga ay sa kaniya sila nagpapaturo sa mga aralin.
Naging masaya si Raymart sa pananatili niya sa eskwelahang iyon dahil sa mga naging kaibigan at mga gurong gumagabay rin sa kaniya hanggang sa makaalis na siya patungong ibang bansa upang doon mag-aral.