Hindi Makapaniwala ang Babaeng Ito nang Makilala Niya ang Katrabaho, Tunay na Pag-ibig ang Mangingibabaw sa Dulo
“Oh my gosh!” mahinang sabi ni Ilonah sa kaniyang sarili.
“Uy, anong oh my gosh ka riyan! Na-starstruck ka kay Sir Jason, ‘no? Ang pogi, ‘di ba! Marami nang nakapila riyan at kung gusto mo sumama ka na lang sa fans club niyang si sir dahil halos lahat naman yata e nagkakagusto sa kaniya,” sabi ni Trina, katrabaho ng babae.
“Hindi, Trina, iba ito. Siya ‘yun at hindi ako pwedeng magkamali. Siya ang soulmate ko!” bulalas pa ni Ilonah sa kaniya habang nakatitig pa rin kabilang departamento.
“Grabe, iba ang level mo! Soulmate kaagad? Diyos ko! Pamilyadong tao na ‘yan si sir at wala ka nang pag-asa pa! Magtrabaho na nga tayo,” natatawang baling ni Trina sa kaniya at itinuloy na ang pag-photocopy ng mga dokumentong hawak niya.
Bago lamang sa si Ilonah bilang sekretarya ng presidente ng kompanya at kakaunti pa lamang ang kakilala niya rito. Ngunit biglang nahinto ang kaniyang katinuaan nang makita ang katrabahong si Jason.
“Sir Jason, I’m Ilonah,” lumapit talaga siya rito at kaagad na pinakilala ang sarili.
“Ikaw po ‘yung bagong sekretarya ‘di ba? May kailangan po ba kayo?” magalang na tanong sa kaniya ng lalaki.
“26 pa lang ako at alam kong bata ka pa rin kaya huwag mo na akong i-po. Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko pero totoo ‘to. Matagal na kitang napapanaginipan at ikaw na ikaw ang nasa panaginip ko. Ikaw ang mapapangasawa ko,” siwalat niya sa lalaki.
Hindi nagsalita si Jason at napatingin lamang ito sa kaniya.
“Seryoso, mam@t*y man buong angkan ko. Akala ko hindi na magkakatotoo ‘yung panaginip ko na ‘yun pero paulit-ulit lang ang lalaki sa panaginip ko at ikaw ‘yun. Akala ko nagawa ko lang ang itsura mo kakabasa ng pocketbooks pero hindi, totoo ka! My gosh! Ikaw na ikaw talaga,” maligalig na sabi niya rito.
“Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot. Prank ba ‘to?” saad ni Jason sa kaniya.
“This is not a prank and I am serious! We have to be together!” pag-iingles pa niya sa lalaki sabay hawak sa mga kamay nito.
“Ma’am, tama na po. Baka may makarinig sa ating mga katrabaho natin at baka ano pa ang isipin. Matagal na ako sa kumpanyang ito pero ikaw lang ang may pinakamalakas na trip. Magtrabaho po muna tayo,” natatawang sabi ng lalaki sa kaniya.
Huminga nang malalim si Ilonah saka umalis at bumalik sa pwesto niya.
Kahit siya ay hindi makapaniwala sa kaniyang nakita. Halos ilang taon na rin niyang napapanaginipan ang lalaking magdadala sa kaniya sa altar. Naging kabaliwan na nga niya ito dahil masyadong malinaw ang mukha ng lalaki. Buong akala niya ay imahinasyon lamang ito. Naging pihikan siya sa pagpili ng magiging nobyo at palagi niyang ibinabase kung may hawig man lang ba sa itsura ng lalaking nasa panaginip niya.
“Nababaliw ka na, Ilonah, sabi mo pamilyado na ‘yung tao kaya ano ‘yang sinasabi mo na gagawin mo ang lahat!” iritang tanong ni Ruby, matalik na kaibigan ng babae.
“Tadhana na ‘to, Ruby, hindi naman siguro kami pagtatagpuin ng Diyos kung walang rason. Ang tanging rason lang na nakikita ko ngayon ay dapat na ipaglaban ko siya, ipakita ko sa kaniya na kami para sa isat isa!” masigasig na sagot ng dalaga.
“Anong gagawin mo sa anak niya? Sa asawa niya?” tanong ni Ruby.
“Yung anak, package deal na ‘yan. Tatangapin ko siyempre pero ‘yung asawa ako na ‘yun! Kaya nga may mga naghihiwalay na pamilya kasi hindi talaga sila at ito na ‘yun, isa na kami sa ganoong kwento. Iiwan niya ‘yung asawa niya kasi kami talaga ang nakatadhana sa isa’t isa!” saad ni Ilonah sa kaibigan.
“Baliw ka! Home wrecker ang tawag sa mga katulad mo hindi tadhana! Gag@ ka, gumising ka nga at saka mo na ako tawagan ‘pag nasa maayos ka nang pag-iisip,” baling ni Ruby saka tinapos ang pag-uusap nila.
Hindi nagpaawat si Ilonah sa kaniyang puso at sinunod niya ito. Niligawan niya si Jason sa paraang alam niya, naging malambing, maalagain siya rito at kung ano-ano pa. Naregular na rin siya sa trabaho at hindi pa rin siya tumitigil at sumusuko sa lalaki.
Hanggang sa nakakita siya ng pagkakataong magtapat ulit dito.
“Jason,” sabi niya sa lalaki sabay yakap dito habang nakatalikod ito.
“Ma’am, nasa storage room tayo baka biglang may pumasok ‘wag naman ganito,” sagot ni Jason sa kaniya at pilit na pinapabitaw ang pagyakap niya sa lalaki.
“Sinarado ko ang pinto. Gusto ko lang malaman mo na ipaglalaban kita, hindi kita susukuan. Kahit ano gagawin ko, kahit maging kabit mo muna ako ay walang problema sa akin. Tatanggapin ko ang lahat tungkol sa’yo, ang anak mo at mga nakaraan mo. Jason, ikaw ang tadhana ko, ikaw ang true love ko,” pag-amin niya sa lalaki.
Saglit na humarap si Jason at hinawakan ang kaniyang mukha. Nagliwanag kaagad ang mga mata ni Ilonah nung mga sandaling iyon.
“Ilonah, ang totoong pagmamahal walang inaapakan, walang sinisira dahil kung totoo ito’y dapat busilak,” pahayag ng lalaki.
“May pamilya na ako at kung naiintindihan mo, hindi mo ‘yun sisirain para sa kaligayahan mo. Dahil ang totoong pagmamahal ay hindi naninira ng isang tahanan, bagkus, bumubuo, at pumoprotekta ito ng isang pamilya. Sana mas maintindihan mo, pasensiya ka na kung ako ang nakikita mo sa panaginip pero ngayon pa lang sinasabi ko na sa’yo, hindi ako ang nakatadhana para sa’yo, Ilonah, hindi ako,” pahayag pang muli ni Jason sa kaniya at hinalikan siya sa ulo.
Hindi nakapagsalita ang babae at naiwan itong mag-isa. Nanlambot ang kaniyang tuhod at nahimasmasan sa mga sinabi ng lalaki.
Simula noon ay tinigilan na niya si Jason at ang kahibangan niya sa panaginip.