Inday TrendingInday Trending
Nakaahon sa Hirap ang Kasambahay Dahil sa Mababait na mga Amo; Nang Maghirap ang Mag-asawa’y Bigla na Lamang Siyang Naglaho

Nakaahon sa Hirap ang Kasambahay Dahil sa Mababait na mga Amo; Nang Maghirap ang Mag-asawa’y Bigla na Lamang Siyang Naglaho

Labing walong taong gulang pa lamang ang solong anak na si Glenda nang maulila sa mga magulang. Nasawi ang dalawa sa isang aksidente.

Nayakag ang kaniyang ama na makipag-inuman at sumunod naman ang kaniyang ina upang sunduin siya. Habang naglalakad pauwi ay nasagasaan ng isang 8-wheeler truck ang mag-asawa. Hindi na umabot sa ospital ang dalawa at agad binawian ng buhay.

Mabuti na lamang at nariyan ang kaniyang Tiya Amanda na itinuturing na niyang ina. Pirmeng tumutulong sa kanilang pamilya ang tiyahin maski noong nabubuhay pa ang kaniyang mga magulang.

Pinasok siyang kasambahay ng kaniyang tiya sa anak ng kaniyang amo. Napakabait ng mga amo niya, katunaya’y pinagtapos pa nila ng abogasya ang anak ni Tiya Amanda na si RJ.

Hindi lubos maisip ni Glenda na ngayon ay tanggap na niya ang isang masaklap na alaala ng kahapon.

Ngayon ay may tatlo na siyang mga anak at lahat sila’y may trabaho na. Dahil na rin ito sa pagsusumikap nila ng kaniyang asawang si Danilo na drayber naman sa isang ahensiya ng gobyerno.

Walang hindi magandang ipinakita sa kaniya ang mga among sila Mark at Kristine. Palibhasa’y pareho na ring ulila ang mag-asawa’y nanay na ang turing nila sa kaniya.

Kada kikita ng malaki sa kanilang negosyo’y binibigyan din nila ng bonus si Glenda.

Dahil dito ay nakapagpatayo na ng bahay si Glenda at nakabili ng mga alagang baboy at manok.

Kung tutuusin ay magiging masagana na ang buhay niya kahit hindi na siya mamasukan ngunit ipinangako niya sa kaniyang sarili na buong buhay niyang paglilingkuran ang mga butihing amo.

Nawalang parang bula ang mga malalalim na iniisip ni Glenda habang nagsasampay nang makarinig siya ng isang malakas na galabog.

Sunod dito’y narinig niya ang malakas na sigawan mula sa silid ng kaniyang mga amo.

“Hayop ka! Paano mo ito nagawa sa akin?!” humahagulgol na saad ni Kristine.

Nagkalat ang mga gamit ni Mark sa sahig at basag-basag na rin ang mga kuwadro na nakasabit sa dingding.

“Patawarin mo ako mahal, hindi ko sinasadya! Lasing na lasing ako ng gabing iyon,” tugon ni Mark.

“Lumayas ka! Huwag na huwag ka nang magpapakitang muli sa amin ng anak ko!” nanlilisik ang mga matang sambit ni Kristine.

Lumipas ang anim na buwan, hindi pa rin mapatawad ni Kristine si Mark.

Araw-araw nagpupunta ang lalaki sa bahay ngunit hindi siya hinaharap ng misis. Minsan pa nga’y sa labas ng bahay natutulog si Mark, sa awa ni Glenda ay palihim na binibigyan niya ng pagkain ang amo at pinagsasabihang palipasin muna ang sama ng loob ng misis.

Mula noon ay hindi na nakapaghanapbuhay nang maayos si Mark. Nagsimula nang bumagsak ang negosyo ng mag-asawa.

Isa-isa nang nagrereklamo ang kanilang mga kliyente at kaliwa’t kanang demand letters ang dumarating sa tahanang dati’y puno ng saya at tawanan ng mag-asawa.

“Glenda, aalis na ako. Tatlong buwan na rin mula nang huli akong napasahod ni Ma’am Kristine. Madalas na ring kulang ang pagkain natin. Sumama ka na sa akin. Lilipat ako sa amo ng aking kapatid, malaki ang sahod doon at nangangailangan din sila ng isa pang kasambahay,” saad ng kanilang drayber na si Roger.

Hindi nila namalayang naririnig pala ni Kristine ang kanilang pag-uusap.

“Lumayas na kayong lahat! Hindi ko kayo kailangan! Mga wala kayong utang na loob!”

Naputol ang dapat na pagpapaliwanag ni Glenda nang may dumating na mga taga-barangay kasama ang manager ng isang kilalang bangko.

“Kayo po ba si Mrs. Kristine Dominguez? Ako po ang manager ng bangkong pinagkakautangan ninyo. Ilang buwan na din po kayong hindi nakakabayad. Narito po ang papeles, kailangan niyo na pong umalis sa bahay na ito. Hindi niyo na po ito pagmamay-ari. Naremata na po ito ng bangko. Hindi po kayo sumasagot sa aming mga tawag at sulat.”

Napaluhod na lamang si Kristine sa mga narinig.

“Ikaw Glenda, sige umalis ka na! Tanggap ko na ang katotohanan! Iiwan ka ng lahat sa oras na mawala sa yo ang lahat-lahat. Pare-pareho kayo, magsama-sama kayo!”

Labis namang nasaktan si Glenda sa mga narinig.

Habang nag-eempake siya ay wala ring humpay ang pagtulo ng kaniyang mga luha.

Lumipas ang isang lingo at nagtataka si Danilo kung bakit tila aligaga ang asawa.

“Labs, ano’ng pinagkakaabalahan mo? Bakit araw-araw kang umaalis at bakit nagpunta dito si RJ?” nagtatakang usad ni Danilo.

“Malalaman mo na lang sa tamang panahon,” maikling tugon ni Glenda.

Maya-maya pa ay may nag-doorbell na naman sa kanilang gate.

“Labs, si Sir Mark iyon ha? Nakakalungkot naman, bakit naging ganiyan na ang kaniyang itsura?!” naaawang sambit ni Danilo.

Tahimik lamang na nag-usap ang mag-amo at parehas pa silang lumuluha.

Takang-taka naman si Kristine kung sino ang taong nagpatira sa kanila sa isang magarang condominium at araw-araw pa silang nakakatanggap ng anak na si Junior ng gatas at mga pagkain.

Naisip niyang maaaring si Mark ang nasa likod ng lahat ng iyon ngunit paano? Gayong kung tutuusin ay tila mas mahirap pa sila sa daga.

Laking gulat niya nang biglang may kumatok sa tinitirhang unit.

“Ma’am, naayos na po namin ang mga kasong isinampa laban sa inyo at sa inyong asawa. Lahat po ng inyong kliyente ay naareglo na. Pati po ang mga bangkong bumawi sa mga ari-arian ninyo ay napakiusapan nang bigyan kayo ng oras para maiayos muli ang lahat. Puwede na po kayong bumalik muli sa inyong tahanan,” saad ng isang lalaking naka-kurbata at sa itsura pa lamang niya ay masasabi mong isa itong batikang abogado.

Hindi pa rin makapaniwala si Kristine sa narinig hanggang sa magpakilala ang lalaki.

“Ako po si Atty. RJ Dela Cruz. Anak ni Amanda Dela Cruz, ang kasambahay po ng inyong mga magulang. Noong nabubuhay pa po ang mama at papa ninyo ay wala silang ibang ipinakita sa aming pamilya kundi kabutihan. Kaya naman po sinusuklian lamang po namin ang lahat ng iyon.”

Bigla namang dumating ni Glenda kasama ang among si Mark.

“Mahal, anak ni Nanay Glenda ang may-ari ng condo na ito. Si Nanay Glenda din ang araw-araw na naghahatid ng pagkain ninyo ni Junior at ipinapaabot sa guwardiya. Siya rin at mga anak niya ang nag-ayos at kumausap sa lahat ng mga puwedeng tumulong sa atin. Ang ilan sa ating mga utang ay binayaran na rin nila. Isa lamang ang hiling nila sa atin, mahal. Magsimula tayong muli. Babangon tayong muli, mahal ko. Sana’y mapatawad mo na ako,” pagmamakaawa ni Mark.

Agad namang niyakap ni Kristine si Glenda ng mahigpit habang humahagulgol.

Walang katapusan ang pagpapasalamat niya sa kasambahay.

Sunod noon ay niyakap niya rin ang asawa. Makalipas ang maraming buwan ay nagkaroon nang muli ng puwang ang kaniyang puso upang magpatawad.

Magkaagapay na inahon ng mag-asawa ang kanilang negosyo katulong pa rin ang abogadong si RJ at ang mga anak ni Glenda.

Makalipas ang isang taon ay nagbalik nang muli ang lahat sa dati.

Patuloy pa ring naninilbihan si Glenda sa bahay ng mga Dominguez.

Sa ngayon ay kaniya namang inaalagaan ang bagong supling nila Kristine at Mark na si Glendina.

Ang pagtulong ay kusang loob na ibinibigay. Minsan, ito pa nga’y tinatanggihan at sinasabing hindi kailangan ngunit sa kabila ng mga pagtangging iyon ay ang mahinang paghihinagpis sa isang suliraning napakabigat at tila hindi na kaya pang pasanin.

Advertisement