Tinalikdan ng Binata ang Pangarap para Lamang sa Kagustuhan ng Ama; Bandang Huli’y Higit pa sa Karangalan ang Kaniyang Hatid

Labis ang inis ng amang si Richard nang makatanggap na naman ng tawag mula sa pamunuan ng unibersidad na pinapasukan ng kaisa-isa niyang anak na si Von. Hindi lang kasi isang beses itong nangyari at batid naman ni Richard na talagang walang interes ang kaniyang anak na maging isang doktor.

Kaya agad niya itong pinuntahan sa silid at nakita niya ito na nasa kaniyang kompyuter na tila may ginagawa.

“Von, ano na naman itong sinasabi ng professor mo na hindi ka na naman daw pumasok sa mga klase mo? Talaga bang pinababayaan mo na ang pag-aaral mo? Magpasalamat ka nga at pinag-aaral pa kita. Napakaswerte mo sapagkat maraming tao ang nag-aasam na maging nasa posisyon mo!” bungad ng ama.

Ngunit patuloy pa rin sa paggawa sa komputyer itong si Von at tila hindi pinakikinggan ang sermon ng kaniyang ama.

“Von, ano ba? Nakikinig ka ba sa akin? Ganiyan ka na ba kabastos? Ano ba ‘yang ginagawa mo at parang mas importante pa kaysa sa sinasabi ko sa’yo?!” sambit pa ni Richard sabay lapit sa anak. 

Nang makita ni Richard na nagsusulat na naman ng mga nobela itong si Von ay labis niya itong ikinagalit.

“Ilang beses ko bang sasabihin na tigilan mo na ang pagsusulat! Walang magandang bukas ang naghihintay sa iyo sa pagiging manunulat, Von! Ibaon mo na sa limot ‘yang pangarap mo dahil magiging doktor ka! Galing ka sa pamilya ng mga doktor, Von, at hindi lang basta mga doktor, magagaling na mga doktor, tandaan mo ‘yan!” saad pa ng ama. 

“P’wede ba, ‘pa, tigilan n’yo na ako. Hindi ko talaga nais na maging isang doktor. Noon pa man ay alam n’yo nang gusto kong maging isang manunulat pero pinagbabawalan n’yo ako. Talagang babagsak ako sa klase ko dahil wala naman sa puso ko ang inaaral ko, e!” tugon naman ni Von. 

Advertisement

“At ano ang gusto mo? Maging isang manunulat? Ano ang mapapala mo sa pagsulat-sulat mo ng mga nobela? Walang magandang bukas na naghihintay sa’yo d’yan. Nagdadala ka lang ng malaking kahihiyan sa ating pamilya. Ngayon pa lang ay itigil mo na ang ginagawa mo dahil hindi ko hahayaan na maging isang manunulat ka at sirain mo ang magang bukas na pinlano namin para sa iyo ng mama mo!” sambit pa ni Richard sa anak.

“Maghanda ka at pupunta tayo sa eskwelahan para pakiusapan ang pamunuan na papasukin kang muli sa unibersidad!” utos pa ng ama.

Alam ni Von na wala siyang laban sa nais ng kaniyang ama. Kausapin man kasi niya ang inang si Bernadette ay kakampi pa rin ito kay Richard. 

“Unawain mo na lang ang papa mo, Von. Tapusin mo ng may karangalan ang medisina tulad ng kaniyang ginawa kapag may napatunayan ka na sa kaniya ay saka mo na lang gawin ang gusto mo. Hindi naman habang panahon ay narito ang papa mo. Saka nais lang naman niya na mapabuti ka,” paliwanag ng ina.

Pakiramdam ni Von ay walang nakakaintindi sa kaniya. Wala na siyang nagawa pa kung hindi sundin na lamang ang pinag-uutos ng kaniyang ama. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng medisina kahit wala roon ang kaniyang puso. Ngunit madalas pa rin siyang magnakaw ng oras upang ipagpatuloy ang pagsusulat ng kaniyang nobela. 

Isang araw ay nabalitaan ni Richard na mababa ang nakuha ni Von sa isang pagsusulit. Labis na naman ang kaniyang galit dahil batid niyang hindi pa rin humihinto na pagtuunan ni Von ng oras ang pagsusulat ng nobela.

“Anong klaseng marka ito, Von? Sa tingin mo ba ay makakapagtapos ka ng may karangalan kung ganito lang ang grado mo? Bakit ba napakahirap para sa iyo na paligayahin kami ng mama mo? Napakasimple lang ng hinihiling namin ng mama mo, Von, mag-aral kang mabuti at maging isang magaling kang doktor tulad ng halos lahat sa pamilya natin,” sambit ni Richard sa anak.

“Bakit hindi n’yo kasi maunawaan, pa, na hindi nga ako kagaya n’yo? Hindi ako kasing talino’t kasing galing mo! Lahat na lang ginagawa ko para lang ipagmalaki n’yo ako ni mama. Nang sa gayon ay matupad ang pangarap n’yo na magkaroon ng isang anak na doktor na magmamana ng magandang apelyido na pinangalagaan n’yo! Pasensya na kayo, pa, kung ito lang ako. Pero hindi ko hinangad na mapunta sa pamilyang ito!” saad naman ng binata. 

Advertisement

Sa labis na galit ni Richard sa pagsagot ng anak ay nais niya itong saktan. Ngunit bago pa niya ito magawa ay sumikip na ang dibdib ng ginoo. Hanggang sa unti-unti na ito nawalan ng malay.

Agad na dinala ni Von ang ama sa ospital. Labis naman ang pag-aalala ni Bernadette dahil sa nangyari sa asawa.

“Kung sinunod mo na lang kasi ang papa mo ay hindi na ito nangyari pa. Nais lang naman ng papa mo na maging maayos ang kinabukasan mo, Von. Bakit hindi mo iyon maunawaan?” pagtangis ng ina.

Mabuti na lamang at hindi malala ang sinapit ni Richard. Nailigtas agad siya ng mga doktor sa tiyak na kapahamakan.

Upang maiwasan na ang masamang nangyari sa ama ay nagdesisyon na si Von na tuluyan nang talikuran ang pagsusulat at ituon na lamang ang sarili sa pag-aaral ng medisina.

Isang gabi, abala si Von sa paggawa ng kaniyang asignatura habang nagbabantay ng amang may sakit sa ospital. Kailangan na niya kasing maipasa ang research sa kaniyang guro sa pamamagitan ng kompyuter.

Dahil sa pagmamadali ay hindi na nakita pa ni Von kung ano ang ipinadala niyang file sa kaniyang professor.

Kinabukasan, nang tignan niya ang mensahe na ipinadala sa guro ay labis siyang kinabahan dahil ito pala ay ang isinusulat niyang nobela.

Advertisement

Labis ang paghingi niya ng tawad sa kaniyang professor. 

“Parang awa n’yo na po, ma’am, huwag na po sana itong makarating sa papa ko. Nandito pa rin po siya sa ospital at nagpapagaling. Ayaw ko pong may mangyaring masama sa kaniya,” saad ng binata.

Ang hindi alam ni Von ay nabasa na ng kaniyang guro ang nasabing nobela at nagbigay na rin siya ng kopya sa ama nito.

Pagpasok ni Von sa silid ng ama ay agad siya nitong kinausap.

“Alam ko ang tungkol sa nobela mo na hindi mo sinasadyang maipasa sa iyong guro,” saad ni Richard sa anak.

Labis ang takot ni Von dahil baka mamaya ay pag-ugatan na naman ito ng hindi magandang usapan sa pagitan nila ng ama at baka kung ano na namang masama ang mangyari dito. 

“Pa, pasensya na kayo. Hindi ko talaga sinasadya na iyon ang mapadala ko sa professor ko. Sa katunayan ay tinawagan ko na siya at nanghingi na po ako ng paumanhin. Ipinadala ko na rin po ang research sa kaniya. Kaya huwag na po kayong magalit o mag-alala,” paliwanag pa ni Von.

Ngunit imbis na magalit ay isang matamis na ngiti ang isinukli ng ama.

Advertisement

“Anak, nagkamali ako sa’yo. Nabasa ko ang nobelang naipadala mo sa iyong professor. Ipinasa n’ya ito sa akin at nakiusap siyang basahin ko dahil maganda daw ito. At nabigla ako sapagkat tunay ngang maganda ang iyong isinulat. Hindi ako makapaniwala sa isang obra na iyong nagawa,” saad ni Richard sa anak.

“Marahil ay naging mahigpit ako sa’yo, Von. Hindi ko man lamang tinanong kung ano ba talaga ang gusto mo o kung ano ang makapagpapasaya sa’yo. Naging mahalaga lamang sa akin ang magandang kinabukasan, Hindi man lang kita nagawang suportahan sa mga hilig mo, anak. Nais ko ring maging isang manunulat noon ngunit pinigilan ako ng lolo mo. Hindi ko na pinaglaban ang gusto ko dahil sa tingin ko ay tama siya. Wala namang kasiguraduhan ang pagyaman ko sa pagiging isang manunulat. Pero magaling ka, anak. Higit na mas magaling ka sa akin. Kung may isa akong natutunan mula sa aking pagkakasakit ay iyong maikli lamang ang buhay. Gawin mo kung ano ang makakapagpasaya sa iyo at bilang magulang mo ay narito kami ng mama mo para suportahan ka,” dagdag pa ng ama.

Hindi na naiwasan pa ni Von na yakapin nang mahigpit ang kaniyang ama. Hindi akalain ng binata na sa pagkakataong ito ay ibibigay na ng ama ang kaniyang suporta. 

“Gawin mo na ang nais mong gawin, Von. Kung hindi ka man magtagumpay sa pagsusulat ay naghihintay ang larangan ng medisina para sa’yo,” nakangiting sambit pa ng ama.

Tinapos pa rin ni Von ang medisina para sa kaniyang ama. Ngunit mas binigyan na niya ng panahon ang pagsusulat ng mga akda. Ngayon ay isa na siya sa mga pinakasikat na manunulat hindi lang dito sa Pilipinas kung hindi maging sa ibang panig ng mundo. At higit pa sa karangalan ang dala niya sa kaniyang mga magulang dahil bukod sa pagiging magaling na manunulat ay isa rin siyang respetado at huwarang doktor.