Inday TrendingInday Trending
Nais nang Talikuran ng Isang Bayarang Babae ang Kaniyang Trabaho; Isang Hindi Inaasahang Tao ang Magdadala sa Kaniya ng Pag-asa

Nais nang Talikuran ng Isang Bayarang Babae ang Kaniyang Trabaho; Isang Hindi Inaasahang Tao ang Magdadala sa Kaniya ng Pag-asa

“‘Nay, san po ba talaga kayo pupunta? Bakit kailangan gabi pa po kayo magtrabaho? Natatakot po kasi akong mag-isa dito sa bahay, ‘nay,” saad ng sampung taong si Jill sa kaniyang inang si Adelle.

“Uuwi rin ako kaagad, anak. Alam mo namang kailangang magtrabaho ni nanay para may pambili tayo ng makakain. Matulog ka na at pagkagising mo ay narito na ako,” tugon naman ng ginang.

Pinatulog muna ni Adelle ang kaniyang anak bago siya tuluyang umalis ng bahay. Mabigat man ang kaniyang loob ay kailangan niyang magbanat ng buto upang mabuhay niya ang kaisa-isang anak na si Jill.

Paglabas pa lang ng pinto ng kanilang barung-barong ay matalim na ang tingin sa kaniya ng ilang mga nakatambay doon. Panay ang kanilang mga bulungan habang pilit namang naglalakad si Adelle nang nakataas pa rin ang noo.

Sa totoo lang ay wala naman siyang pakialam talaga sa sinasabi ng iba. Ngunit ang mabigat sa kaniyang kalooban ay baka pagdating ng araw ay malaman ni Jill ang tunay niyang trabaho.

Isa kasi si Adelle sa mga babaeng nag-aalok ng aliw.

Hindi naman talaga nais ni Adelle ang magbenta ng kaniyang katawan. Lumuwas siya ng Maynila upang makipagsaparalan. Ngunit naging mailap sa kaniya ang pagkakataon. Nagtatrabaho siya noon bilang isang kasambahay nang pasukin ang bahay na kaniyang tinutuluyan. Pinagsamantalahan siya ng ilang kalalakihan.

Sa tingin pa ng kaniyang mga amo ay kasabwat ni Adelle ang mga nanloob sa kanila kaya pinaalis siya sa trabaho. Doon na nagsimulang gumuho ang mundo ni Adelle. Lalo na nang malaman niyang nagbunga ang ginawa sa kaniyang kawalanghiyaan.

Dahil walang maisip na trabaho at pakiramdam ni Adelle ay marumi na siyang babae ay pumasok siya sa club hanggang sa doon na niya naisipan na ibenta ang kaniyang sarili.

Ngunit kahit na bunga ng isang masamang pangayayari ang anak ni Adelle na si Jill ay mahal na mahal niya ito. Gagawin ni Adelle ang lahat upang mabigyan ito ng magandang buhay.

Ilang sandali pa lamang pagdating ni Adelle sa lugar kung saan sila tumatambay ng mga kapwa niya nagbebenta rin ng aliw ay dumating ang isang matagal na niyang parokyanong si Cesar.

“Itago n’yo ako. Ayaw kong sumama diyan kay Cesar,” saad ni Adelle sa mga ito.

Ngunit huli na ang lahat. Nakita na siya ni Cesar at pilit siyang isinasama. Ngunit nagpupumiglas si Adelle.

“Bakit ba ang arte-arte mo, Adelle? Magbabayad naman ako!” sigaw ni Cesar.

“Tigilan mo na ako, Cesar, ayaw ko na ng mga ginagawa mo sa akin. Humanap ka na lang ng ibang babaeng makakagawa ng lahat ng gusto mo!” pagtanggi ni Adelle.

“Ang arte mo naman! Kung magsalita ka’y akala mo kung sino kang malinis! Kaya ka nga narito upang ibenta mo ang katawan mo, hindi ba? Narito naman ako para bumili. Kaya wala ka nang magagawa, sumama ka sa akin o kung hindi ay baka hindi ka na sikatan pa ng araw!” saad pa ng ginoo.

Ilang sandali pa ay lumapit ang isang lalaking pilay upang awatin ang pananakit na ginagawa ni Cesar kay Adelle.

“Huwag kang makialam dito at baka gusto mong tuluyan na kitang lumpuhin! Sumama ka na sa akin, Adelle! Kung hindi ay alam mo na ang mangyayari sa’yo!” bulyaw pa ni Cesar.

Dahil sa kaguluhan ay napilitan nang sumama si Adelle kay Cesar. Alam na ni Adelle ang mangyayari sa kaniya nang gabing iyon. Kung anu-ano na naman ang pilit ipapagawa sa kaniya ni Cesar.

Bandang huli ay hindi rin siya nito binayaran.

“Ang kapal ng mukha mo! Huwag na huwag ka nang magpapakita sa akin!” galit na sigaw ni Adelle kay Cesar.

“Bakit? Akala mo ba ay nasarapan ako? Ayan ang bagay sa babaeng katulad mo! Masawi kang mag-isa sa dusa!” sambit naman ni Cesar.

Labis ang pagtangis ni Adelle. Hindi lamang dahil sa hindi sia binayaran nito ngunit nagsasawa na siya sa buhay na maging isang bayaran. Gusto na niyang tumigil sa ganitong uri ng trabaho ngunit hindi niya alam kung paano mabubuhay ang anak na si Jill.

Bigla ang malakas na buhos ng ulan. Napaluhod na lamang si Adelle habang walang tigil sa kaniyang pag-iyak. Hanggang sa nilapitan siya ng isang lalaki. Ito ang lalaking pilay na umawat kanina kay Cesar sa pananakit kay Adelle.

“Ito ang isang daang piso. Pasensya ka na kung ito lang ang kaya kong ibigay. Ito lang kasi ang kinita ko mula sa pangangalakal ko kanina. Umuwi ka na dahil hindi ligtas na narito ka pa,” saad ng lalaki kay Adelle.

Hindi maunawaan ni Adelle sapagkat sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng kapanatagan at kaligtasan. At sa unang pagkakataon ay may isang lalaking nagbigay sa kaniya ng walang hinihinging kapalit.

“Maaari ko bang malaman ang pangalan mo?” tanong ni Adelle sa lalaki.

“Ako si Luis. Madalas ko kayong makita ng mga kasamahan mo dahil kumukuha ako ng basura sa malapit na restawran dito,” saad ng ginoo.

Sandaling nag-usap sina Adelle at Luis. Sa unang pagkakataon din ay nakatagpo si Adelle ng isang lalaking hindi siya huhusgahan nang dahil lamang sa kaniyang trabaho.

Umuwi na si Adelle nang gabing iyon. Pagbukas ng pinto ay hindi niya muli mapigilan ang luha niya nang makita ang anak na mahimbing na natutulog. Lalong pinapaigting lamang nito ang damdamin niya na tuluyan nang talikuran ang masamang hanapbuhay.

Tuwing gabi, sa tuwing tumatambay itong si Adelle upang kumuha ng parokyano ay madalas siyang abutan ng pagkain ni Luis. Minsan ay inaabutan din siya ng pera nito nang sa gayon ay hindi siya magpagamit kahit kanino. Naramdaman ni Adelle ang pagmamahal sa kaniya ni Luis. At unti-unti na rin naman siyang nahuhulog dito.

Hindi nga nagtagal ay umamin ng pag-ibig itong si Luis kay Adelle. Ngunit naging tampulan ng tukso itong si Adelle ng ibang kasamahan dahil isang basurero lamang daw ang nadagit niya. Ngunit hindi ito ininda ni Adelle. Nagpatuloy siya sa pakikipagrelasyon kay Luis at tuluyan nang tinalikuran ang pagbebenta ng sariling katawan.

“Hindi ka ba nanghihinayang na ako ang karelasyon mo? Maraming lalaki ang kayang magbigay sa iyo ng mas maraming pera at mas magandang buhay,” tanong ni Luis kay Adelle.

“Ngunit ikaw lang ang lalaking nagmahal sa akin nang totoo. Hindi mo ako hinusgahan sa aking nakaraan. Tinulungan mo akong bumangon at kahit na simpleng buhay lang ang mayroon tayo, wala nang hihigit pa dito dahil mahal mo ako at ang anak ko. Kung may isang magandang dinulot ang pagbebenta ko ng katawan ay walang iba kung hindi ‘yung nakilala kita,” tugon naman ni Adelle.

Tuluyan nang nagbagong buhay si Adelle kasama si Luis. Tinuring naman ni Luis na parang tunay na ang batang si Jill. Simple man ang buhay ay namuhay ang mag-anak ng may saya sa kanilang mga puso at pag-asa na may mas magandang buhay pang naghihintay sa kanila.

Advertisement