
Tinitiis ng Matandang Guro ang Luma Niyang Sapatos; Tutulo ang Kaniyang mga Luha sa Gagawin ng mga Estudyante
Bago pa lamang pumutok ang araw ay umaalis na ng bahay ang matandang gurong si Andoy upang maglakad patungong paaralan na kaniyang pinagtuturuan. Suot ang kaniyang lumang uniporme at sirang sapatos habang bitbit ang sinulsihang bag ay masigla niyang tinungo ang paaralan.
Halos lahat ng mga estudyante ay walang patid sa pagbati nang makita nila ang pagdating ng matandang guro. Gustong-gusto kasi siya ng mga estudyante dahil sa magiliw niyang pagtuturo. Palagi kasi itong nagpapatawa at talagang tinutulungan niya ang mga bata na maunawaan ang mga aralin.
Habang masaya niyang binabati ang ilang mag-aaral ay nilapitan si Sir Andoy ng sekretarya ng prinsipal.
“Sir, pinapatawag po kayo ni Ma’am Lolita. Magtungo raw po kayo sa kaniyang tanggapan ngayon na,” sambit ng sekretarya.
Agad na nagpaalam si Sir Andoy sa kaniyang mga estudyante upang magtungo sa opisina ng prinsipal.
“Si Andoy, ilang beses ko ba ikaw dapat pagsabihan? Tingnan mo naman ang kasuotan mo? Isa kang guro pero hindi kaaya-aya ang damit mo! Darating na ang mga tagasuri ng paaralan at ayaw kong makita ka nila ng ganyan! Binibigyan naman tayo ng allowance pambili ng uniporme. Sumusweldo ka naman, bakit hindi ka bumili ng magandang sapatos at magandang bag. Gayahin mo ang ibang mga gurong kasamahan mo!” saad ni Ginang Lolita.
“Pasensya na po kayo, ma’am. Hayaan n’yo po at pagsisikapan ko,” sagot naman ng matandang guro.
“Sa susunod na linggo kapag hindi pa kaaya-aya ang ayos mo ay wala akong magagawa kung hindi suspendihin ka. Paano makakapag-aral nang mabuti ang mga estudyante mo kung nakatingin sila sa sapatos mong sira? Huling babala ko na sa iyo ito, Sir Andoy. Matanda na kayo kaya huwag naman matigas ang ulo niyo,” muling saad ng prinsipal.
Ngunit sa kabila ng mga ngiti ng matandang guro ay may tinatago siyang malaking suliranin. Palaging nasisira at mabilis mapudpod ang sapatos ni Andoy dahil nilalakad lamang niya mula sa bahay hanggang sa paaralan maging pauwi. Pinipilit niyang magtipid dahil bawat sentimo na kaniyang sinuweldo ay inilalaan niya para sa asawang may sakit.
Ilang taon na ring nakikipagbuno sa malubhang karamdaman ang asawa ni Andoy. Bilang isang guro ay hindi naman sapat ang kaniyang kinikita. Ngunit mahal din kasi niya ang kaniyang propesyon at malapit na rin naman siyang magretiro.
Kahit na madalas ay mapagtawanan siya ng iba dahil sa nakabuka niyang sapatos ay dinadaan na lamang niya ito sa biro.
Ngunit dahil sa may mga darating na tagasuri ay naging mahigpit ang kanilang prinsipal. Nais kasi nitong maging maayos ang lahat. At ibig niyang sabihin ay mula sa mga guro hanggang sa pasilidad at sa pagtuturo ng mga ito sa mag-aaral.
Nakasalalay kasi dito ang magiging grado ng paaralan. Nakikita ng prinsipal na si Lolita na maling kasiraan itong si Andoy.
Nang sumunod na linggo ay hindi natupad ni Andoy ang kanilang napagkasunduan ng prinsipal. Hindi pa rin siya nakakabili ng bagong sapatos, uniporme, at bag. Ilang araw na lamang ay huhusgahan na ang kanilang paaralan.
“Wala na akong magagawa, Sir Andoy, kung hindi suspindihin ka. Ayokong masira ang grado ng paaralan na ito dahil lamang sa itsura mo! Alam ng lahat na magaling kang guro pero walang nais makinig sa isang guro na ganyan ang itsura. Hindi mo na kailangan munang pumasok ng tatlong araw habang narito ang mga tagasuri. Ayaw kong madamay mo ang ibang guro na kaaya-aya ang itsura,” saad pa ni Ginang Lolita.
Masama man sa loob ni Andoy na hindi makapagturo ng ilang araw ay wala siyang magagawa. Mas mahalaga sa kaniya ang pagpapagamot sa kaniyang asawa.
Pagbalik niya sa silid-aralan ay dahan-dahan siyang nagpaalam sa kaniyang mga estudyante na hindi muna siya makakapasok at makakapagturo.
Lahat ng estudyante ay nalungkot.
“Sir, bakit po? Kung wala po kayo ay sino ang magtuturo sa amin?” tanong ng isang bata.
“Hindi ko pa alam kay Ginang Lolita. Tatlong araw lang naman mga bata. Huwag na kayong mag-alala at sa isang linggo pa naman ‘yun. May kailangan lang kasi akong gawin. Magpapakabait kayo at patunayan n’yo sa kanila na magagaling, mababait, at matatalino kayong mga bata,” saad pa ng matandang guro.
Muling nagturo ng masigasig itong si Sir Andoy sa kaniyang mga mag-aaral.
Sa oras ng recess ay hindi sinasadya ng dalawang estudyante na marinig ang usapan ng ibang guro.
“Mabuti nga at sinususpindi muna si Sir Andoy. Talaga namang nakakahiya sapagkat parang hindi siya guro kung titingnan. Makakasira lang siya sa ating paaralan!” saad ng isang guro.
“Baka nag-uulyanin na ang matanda kaya matigas na ang ulo!” natatawang sambit ng isa pang guro.
Hindi naiwasan ng dalawang estudyante na maawa sa kalagayan ng kanilang pinakamamahal na guro.
“Sa totoo lang ay porma lang naman ang mayroon sila. Pero si Sir Andoy ang pinakamagaling na magturo dito sa paaralan. Tingin mo kung hihingi tayo ng tag-lilimang piso sa mga kaklase natin ay mabibilhan natin ng bagong sapatos si Sir Andoy?” saad ni Bryan, isa sa mga estudyante ni Andoy
Gumawa ng paraan ang mga bata para makaipon ng pambili ng bagong sapatos at bag ng kanilang guro. Dahil nga kakaunti lang ang baon ng mga ito ay lagi silang nanghihingi sa mga magulang ng karagdagang baon. Ang sabi nila ay may babayaran daw sa eskwelahan.
Hanggang sa isang magulang ang nagalit sa isang bata dahil sa palaging paghingi ng karagdagang baon. Nais na sana nitong magtungo sa paaralan upang magreklamo ngunit inamin na rin ng bata ang tunay nilang pakay.
Imbis na magalit ang magulang ay dinagdagan pa nito ang pera nang maibili ang magiting na guro ng bagong uniporme.
Isang araw bago ang suspensyon ni Sir Andoy ay ibinigay ng mga bata ang kanilang regalo.
“Ano na namang kalokohan ito, mga bata? Kayo talaga, nais niyo na naman akong lokohin!” natatawang sambit ni Andoy sa mga bata.
Ngunit nagpumilit ang mga ito na buksan ng ginoo ang kaniyang regalo.
Pinintahan pa ni Andoy ang pagbubukas ng regalo. Lahat ay nag-iintay sa magiging reaksyong matandang guro. Nang mabuksan ni Andoy ang kahon ay napaluha na lamang siya sa labis na kaligayahan.
“Sir, para po sa inyo ang lahat ng iyan. Hindi n’yo na po kailangan pang lumiban ng ilang araw para lang sa mga tagasuring pupunta dito. Hindi naman talaga kayo nakakasira sa paaralang ito. Sa katunayan po ay isa kayo sa matinding dahilan kung bakit kami sinisipag mag-aral. Dahil sa paraan ng inyong pagtuturo at pagmamahal sa amin,” wika pa ni Bryan.
Patuloy ang pagluha ng guro sa labis na kaligayahan at pasasalamat.
Nang sumunod na linggo ay hindi na lumiban si Andoy sa klase. Napahanga niya ang mga tagasuri at naramdaman ng mga ito ang tunay na pagmamahal ng matandang guro sa kaniyang mga estudyante. Sa galing ng kaniyang ipinakita ay nabigyan pa siya ng parangal.
Napahiya ang ilang guro at ang prinsipal sa ginawa at mga nasabi nilang masama kay Andoy. Lalo pa nang ilahad nito ang kaniyang sitwasyon at ang pagsuporta niya sa kaniyang asawang may sakit.
“Sa totoo lang ay hindi naman talaga mahirap magturo sa mga bata. Napaka-inosente ng kanilang isipan at puso. Tapat ang kanilang emosyon. Ibabalik nila sa iyo kung ano ang itinanim mo sa kanila. Marahil ay wala ako dito sa inyong harapan kung hindi dahil sa mga batang ito. Sila ang nagbigay sa akin ng bagong sapatos, uniporme, at bag para makaharap ako sa inyo ng kaaya-aya. Sa kanila ko inaalay ang parangal na ito,” saad ni Andoy sa mga tagasuri.
Pinagsabihan ng ilang tagasuri ang prinsipal dahil sa nais nitong gawing pagsususpinde sa matandang guro dahil lamang sa lumang uniporme, sirang sapatos at bag.
Lalong tumaas naman ang respeto at lumawak ang pagmamahal ng mga magulang at mag-aaral sa kanilang Sir Andoy dahil ano man ang pagsubok nito sa buhay ay humaharap siya sa lahat nang may malaking ngiti sa kaniyang mukha.