
Palaging Nagmamaldita ang Dalaga sa Kaniyang mga Pinsan, Naiyak Siya sa Katotohanang Nalaman sa Kanilang Lola
“Jeline, ikuha mo nga ako ng tubig doon sa kusina. Kanina pa ako nauuhaw, eh, ang tagal dumaan dito ni yaya,” utos ni Miles sa pinsan niyang nanunuod ng telebisyon sa sala.
“Wala ka bang mga paa at kamay, Miles? Naglalaro ka lang naman d’yan ng kompyuter, hindi ka pa makakuha ng sarili mong inumin!” inis na tugon nito sa kaniya.
“Ang dami mong sinabi. Kukuhanan mo lang naman ako ng tubig, eh! Kung maititigil ko naman ‘tong laro ko, ako na ang kukuha!” sigaw niya rito saka tinitigan ito nang masama.
“O, edi pagkatapos mo riyan, saka ka kumuha ng tubig! Wala ka na ngang ginagawa rito, napakatamad mo pa!” bulyaw din nito na lalo niyang ikinainis.
“Anong sinabi mo? Tamad ako? Isusumbong kita kay lola! Sinisigawan mo pa ako, ha?” panakot niya rito saka agad na tumayo sa kaniyang kinauupuan.
“Isumbong mo! Sasamahan pa kita!” galit na sambit nito dahilan para ibato niya rito ang bangang pinakamalapit sa kaniya.
“Sumosobra ka na!” sigaw niya pa.
Sama-sama sa iisang bahay ang dalagang si Miles pati na ang iba niya pang mga pinsan. Ito ay dahil lahat ng kanilang mga magulang ay pawang mga nasa ibang bansa at nagpapalakad doon ng kani-kanilang mga negosyo. Ang kanilang lola lang ang siyang nagbabantay sa kanila sa isang malaking mansyon katuwang ang ilang mga kasambahay.
Sa lahat ng magpipinsan, bukod sa siya na ang pinakatamad, siya pa ang pinakamaldita. Sa tuwing hindi niya makukuha ang anumang gusto niya, agad siyang magdadabog at iiyak sa kaniyang lola.
Kapag siya nama’y hindi iniintindi ng lola niya dahil may mga pinsan pa siyang mas bata sa kaniya na tinututukan nito, siya’y direktahang magsusumbong sa kaniyang mga magulang sa Amerika para lang makuha niya ang gusto niya.
Mapa-alahas man o pera, basta kaniyang hingin sa kaniyang mga magulang, agad na binibigay ng mga ito. Ito ang dahilan para maramdaman niyang mas mataas siya sa iba niyang mga pinsan na naroon at palaging pinapatulong ng kanilang lola sa mga gawaing bahay.
Wika niya pa sa tuwing makikitang naglilinis ng bahay ang kaniyang mga pinsan, “Kawawa naman ang mga pinsan ko. Hindi na nga mahal ng kanilang mga magulang, hindi pa mahal ni lola!” saka siya sadyang magkakalat lalo.
Kaya ganoon na lang siya nainis sa pinsan niyang hindi siya sinunod noong araw na ‘yon. Kahit tinakot na niya ito, hindi pa rin siya nito inintindi at siya’y hinamon pa.
Nang hindi niya ito matamaan ng bangang binato niya, agad siyang nagpunta sa kusina upang kumuha ng tubig. Pinawi niya muna ang kaniyang uhaw at kumuha siya ng mainit na tubig saka nagmadaling balikan ang pinsan niyang nagpupulot ng mga piraso ng binato niyang banga.
Ngunit bago niya pa ito maibuhos sa pinsan, umalingawngaw na ang boses ng kaniyang lola.
“Subukan mo, Miles, papalayasin kita rito!” sigaw nito na kaniyang ikinagulat.
“Lola, naman, huwag na tayong maglokohan. Ako, papalayasin niyo?” patawa-tawa niyang sagot saka muling nagtangkang ibuhos ang mainit na tubig sa pinsan.
“Ngayong sumosobra na ang ugali mo, bakit hindi?” tanong nito saka kinuha sa kaniya ang basong hawak niya. “Isusumbong ko kayo kila daddy!” sigaw niya pa rito.
“Sila na nga ang nagsabing palayasin ka na dahil ang laki-laki na ng ulo mo. Sinabi pa nga nilang ibalik ka na sa ampunan. Tutal, may edad ka na rin naman,” tugon nito habang tinutulungang magligpit ng bubog ang kaniyang pinsan. “A-anong ibig mong sabihin, lola?” nagtataka niyang tanong.
“Inampon ka ng anak ko dahil wala siyang kakayahang magkaanak. Tinuring ka naming pamilya, pero ngayong nagtatangka ka nang saktan ang tunay kong apo, hindi na ako makapagtimpi sa ugali mo. Paulit-ulit ka nang pinagsasabihan, sarado pa rin ang malaki mong ulo!” sambit nito na kaagad niyang ikinaiyak.
Agad siyang nagkulong sa kaniyang silid. Tinawagan niya ang mga tinuturin niyang mga magulang upang ito’y makumpirma at lalong nadurog ang puso niya nang ito’y mapatunayan.
“Wala talaga kaming balak na sabihin sa’yo, Miles, dahil pamilya naman talaga ang turing namin sa’yo, pero sobra na kasi ang ugali mo kaya naisip naming sabihin na sa’yo ang katotohanan,” sambit ng kaniyang ama na lalo niyang ikinaiyak, “Hindi ka naman talaga namin kayang palayasin, gusto lang naming maging sensitibo ka sa mga ginagawa mo dahil malaki ka na at may mga pinsan kang nakakasama riyan,” dagdag pa nito habang siya’y matuloy na umiiyak.
At dahil nga ayaw niya ring umalis sa bahay na iyon dahil maalwan ang kaniyang buhay doon, pinilit niyang magbago upang muling makuha ang loob ng kaniyang mga pinsan at lola.
Tumulong na siya sa gawaing bahay, nag-alaga ng mga nakababatang pinsan at humingi ng tawad sa kaniyang lola at sa pinsang si Jeline sa kaniyang ginawa.
Sa pamamagitan nito, nabago na ang ugali niya, tumibay pa ang samahan ng kanilang malaking pamilya.
“Dapat lang talaga akong magpasalamat sa kanila at maging mabait dahil napakabuti nilang lahat sa akin noon pa man,” wika niya habang sila’y salu-salong nakain ng tanghalian sa isang mahabang lamesa.