Inday TrendingInday Trending
Inaabangan ng Ginang ang Pagkawala ng Kaniyang Lola, Makuha Niya kaya ang Yaman Nito?

Inaabangan ng Ginang ang Pagkawala ng Kaniyang Lola, Makuha Niya kaya ang Yaman Nito?

“Hoy, mahal, teka, saan ka magpupunta? Wala pa kaming pagkain ng mga anak mo! Saka, papasok ako ng trabaho, sinong maiiwan sa mga anak natin?” natatarantang tanong ni Jp sa kaniyang asawa, isang umaga nang makita niya itong nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay.

“Huwag ka munang pumasok sa trabaho. Ikaw munang bahala rito,” tanging sambit ni Jody saka agad nang naglakad palayo.

“Hindi ako pupwedeng lumiban sa trabaho, mahal, saan ka ba kasi magpupunta, ha?” habol pa ng kaniyang asawa dahilan para siya’y mapailing na lang sa inis.

“Hindi ba’t nasa ospital ang lola kong nag-ulyanin? Kapag nakuha ko ang loob no’n at napapirma ko sa kaniya ang dokumentong nagsasabing sa akin lahat ng yaman niya, kahit hindi ka na magtrabaho, ayos lang! Kaya maiwan ka rito at alagaan mo ang mga anak natin!” tuloy-tuloy niyang paliwanag dito na ikinagulat nito.

“Naku, mukhang delikado ‘yan, ha? Paano kapag nalaman ‘yan ng iba mong mga pinsan? Lalo na ‘yong paborito niyang apong nasa ibang bansa?” wika pa nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Kaya nga, uunahan ko na! Sige na, aalis na ako!” paalam niya rito saka agad nang sumakay sa dumaang tricycle.

Matagal nang inaabangan ng ginang na si Jody ang panghihina ng kaniyang lola. Ito na lang ang naiisip niyang tanging paraan upang umalwan ang buhay ng kaniyang pamilya. Alam niya kasing may malaking kayamanan ang matandang ito na itinabi para sa paborito nitong apong nasa ibang bansa na labis niyang ikinaiinggit.

Wika niya pa, “Bakit ba hindi ako ang paborito ni lola? Mayaman na ‘yon, eh, ‘yon pa ang magpapakasasa sa kayamanan niya. Dapat ako na lang!” dahilan para halos araw-araw kaniyang pinapanalanging makuha niya ang loob ng matanda kahit sa huling mga araw nito sa mundo.

Sa katunayan, siya naman talaga ang unang naging paborito ng kaniyang lola dahil siya ang unang apo nito. Kaya lang, nang tumuntong siya sa pagdadalaga, lahat ng mga bilin nito, kaniyang sinusuway hanggang sa magbunga ang kaniyang mga pagpapasaway ng bata na labis nitong ikinagalit dahil napakabata niya pa noon.

Doon nagsimulang manabang sa kaniya ang matanda at imbis na humingi ng tawad, siya’y nagmatigas at nagalit pa rito.

Bago yumao ang kaniyang ina dahil sa isang sakit, sinabi nito sa kaniyang mga malaking pera ang matanda at doon lang siya nagpasiyang muling maglambing dito. Ngunit tila huli na ang lahat dahil ang pinsan niyang si Nica ang lagi na nitong bukang bibig.

Pero ngayong namemeligro na ang buhay nito at paborito nitong apo ay nasa ibang bansa, sinunggaban na niya ang oportunidad upang makuha ang loob nito.

Pagkarating niya sa ospital, agad niyang pinakain ang naturang matanda nang dala niyang pagkain.

“Nasaan si Nica? Bakit ikaw na naman ang nandito?” tanong nito habang titig na titig sa mukha niya.

“Lola, naman, ako ito, si Nica. May mga dala nga akong dokumento na kailangan mong pirmahan para makalabas ka na ng ospital,” pagpapanggap niya saka iniabot dito ang panulat na dala niya at ang mga dokumentong may pangalan niya.

“Huwag mo akong lokohin, hindi kita ang paborito kong apo. Si Nica, malambing ‘yon at madaldal, eh, ikaw, parang may gusto ka lang kuhanin sa akin kaya mabait ka sa akin,” wika nito saka binalik sa kaniya ang panulat.

“Ako na ito, lola, si Nica!” giit niya pa.

“Kung ikaw nga si Nica, bakit hindi ko maramdamang ikaw ang apo kong nakasama ko nang matagal? Saka hindi ‘yon nagsisinungaling katulad mo,” malamig na sambit nito, bago pa siya makasagot, bigla nang bumukas ang pintuan ang halos mataranta siya nang makitang nandoon ang naturang pinsan.

“Lola!” sigaw nito.

“Ni-nica? Ito na si Nica!” mangiyakngiyak na sambit ng matanda nang makilala ang boses nito.

Doon siya tila sinampal ng katotohanang kahit anong gawin niya, hindi talaga para sa kaniya ang pera. Hinding-hindi niya mapapalitan ang masayang pakiramdam na naibigay ng kaniyang pinsan sa kanilang lola. Hindi katulad niyang walang ginawa kung hindi magpasaway dito.

At dahil nga alam niyang may mali siyang ginagawa, pasimple siyang lumabas ng silid, bitbit-bitbit ang mga dokumentong nais niyang papirmahan sa matanda ngunit bago pa siya tuluyang makalabas, siya’y hinarang ng kaniyang pinsan at hinablot ang hawak niyang envelope.

“Kaya hindi ka umaasenso, eh. Masama kasi ang mga paraang ginagawa mo para umalwan ang buhay mo! Lolokohin mo pa si lola para lang magkapera ka!” galit na sambit nito saka pinunit sa harapan niya ang mga dokumento na kaniyang labis na ikinahiya.

Ilang linggo lang ang lumipas, tuluyan na ngang nawala ang kanilang lola at ni piso, wala itong iniwan sa kaniya dahil sa ugaling mayroon siya na buong puso niyang tinanggap dahil alam niya na ngayong wala siyang karapatan dito.

Upang makabawi sa matanda kahit wala na ito, siya ang nagbantay sa burol nito at nag-asikaso sa mga bisita nito. Sa ganoong paraan, tila umalwan ang loob niya.

Siya rin ang nagsumikap sa buhay upang maging matagumpay katulad ng kaniyang mga pinsan at hindi na umasa sa pamana ng kaniyang lola.

Advertisement