Inday TrendingInday Trending
Agad na Nagpaligaw sa Kababata ang Dalagang Ito, Kumpiyansado Siyang Hindi Siya Sasaktan Nito

Agad na Nagpaligaw sa Kababata ang Dalagang Ito, Kumpiyansado Siyang Hindi Siya Sasaktan Nito

“Sigurado ka na ba talagang hahayaan mong manligaw sa’yo si Jake? Hindi ka ba natatakot na masaktan ka niya?” tanong ni Jessica sa kaibigan, isang gabi pagkauwi nito sa kanilang dormitoryo bitbit-bitbit ang mga bulaklak na bigay ng naturang binata.

“Jessica, kilalang-kilala ko na ‘yon. Simula pa lang noong nasa elementarya kami, palagi na kaming magkasama kaya sigurado akong hindi ako sasaktan no’n,” kumpiyansadong tugon ni Niña habang kilig na kilig na pinagmamasdan ang mga mababangong bulaklak na bigay ng binata.

“Kahit na alam mong likas sa kaniya ang pagiging bugnutin, sigurado ka pa ring hindi ka niya masasaktan?” paninigurado pa nito na ikinatawa niya.

“Oo naman, ‘no! Ako kaya ang kahinaan no’n! Kapag sinabi kong kumalma siya, lalo na kapag may kaaway siya, bubuntong-hininga lang ‘yon saka makikiinom sa tubig ko tapos kakalma na ‘yon!” kwento niya pa habang patawa-tawa.

“Naku, sana nga, palagi siyang gan’yan sa’yo. Kinakabahan ako para sa’yo kapag sinagot mo na ‘yon,” sambit nito na ikinataba ng puso niya.

“Kaibigan talaga kita, ano? Magtiwala ka, mabait sa akin ‘yon!” pagpapakalma niya rito saka niya ito niyakap.

Agad na pinayagan ng dalagang si Niña ang kababata niyang binata na manligaw sa kaniya nang minsan itong magtapat ng pagtingin sa kaniya. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya noon na ang lalaking nagkakagusto sa kaniya ay ang lalaking bata pa lang ay kasama na niya.

Saulo na niya ang ugali nito, gusto at ayaw, at maging kung paano ito pakakalmahin at pasisiyahin ay alam na alam na niya dahilan para ganoon na lang siya labis na masabik sa pagmamahalang kanilang mabubuo.

May pagkabugnutin man ito katulad ng pinangangambahan ng kaniyang matalik na kaibigang babae, alam naman niya kung paano ito pakalmahin dahilan para hindi ito maging hadlang upang hayaan niyang ipagpatuloy nito ang panliligaw sa kaniya.

Labis naman siyang natuwa sa binatang ito dahil simula nang manligaw ito sa kaniya, ramdam na ramdam niya kung gaano siya nito kagustong makuha. Palagi siya nitong hinatid-sundo sa unibersidad, binigyan ng mga bulaklak at tsokolate at palagi pa siya nitong kinakantahan na talaga nga namang nagbigay sa kaniya ng dahilan para agad itong sagutin.

Hindi niya naman pinagsisihan ang desisyon niyang ito noong mga unang buwan ng kanilang pagmamahalan dahil bukod sa palagi siya nitong iniintindi, palagi pa siya nitong pinapasaya.

Kaya lang, hindi nagtagal, napadalas ang kanilang pagtatalo nang mawili ito sa paglalaro ng bilyar at palagi nang lumiban sa klase na labis niyang ikinagagalit.

Ngunit imbis na siya’y suyuin at sundin nito, hinahayaan lang siya nito. Palagi pa nitong sinasabi, “Huwag mo akong ipahiya sa mga tropa ko dahil tatamaan ka sa akin,” saka siya nito inaambahan ng takong hawak na kaniyang labis na dinadamdam.

Pero dahil nga mahal niya ang binatang ito, kahit na nakakaramdam na siya ng dahilan para hiwalayan ito, siya’y nagtitiis pa rin.

Isang araw, maagang natapos ang kaniyang klase. Nakita niyang ang iba niyang mga kaklase’y sinundo ng kani-kanilang mga nobyo habang siya, mag-isang uuwi na ikinainggit niya.

“Dati, palagi akong hinahatid-sundo ng nobyo ko. Samantalang ngayon, ako na ang sumusundo sa kaniya sa bilyaran. Magagalit pa sa akin kapag natalo siya sa pustahan,” bulong niya sa sarili habang pinipigilan ang kaniyang mga luha.

Ngunit pagdating niya sa bilyaran, wala roon ang kaniyang kasintahan.

“Teka, hindi na naman ba ‘yon pumasok?” inis niyang sambit saka agad na nagpunta sa dormitoryo nito.

Pagdating niya roon, tumambad sa kaniya ang nobyo niyang nag-iinom kasama ang mga tropa nito.

“O, bakit ka narito?” tanong nito sa kaniya na ikinagulat niya.

“Bakit hindi ka na naman pumasok?” tanong niya rito.

“Nanay ba kita para tanungin mo ako niyan?” tugon nito na ikinatawa ng mga tropa nito kaya kaniyang tinaob ang lamesang plastik na nasa harapan ng mga ito, “Anak ng!” sigaw pa nito nang matapon ang mga alak na iniinom saka siya nito tinulak palayo, “Gusto mo ba talagang masaktan, ha? Nakakainis ka na talaga!” bulyaw nito saka hinagis sa kaniya ang mga basag na bote na ikinataranta ng lahat ng tropa nito.

Wala siyang magawa nang mga oras na ‘yon kung hindi ang maiyak habang pinakikinggan ang mga masasakit na salitang sinasabi nito sa kaniya at indahin ang mga sugat na nadulot ng ginawa nito.

Mabuti na lang talaga, dumating ang kaniyang kaibigang si Jessica at siya’y inuwi sa kanilang dormitoryo.

Habang ginagamot nito ang kaniyang mga sugat, doon niya napagtantong nagkamali nga siya sa pagpili ng lalaking makakarelasyon. Wika niya pa, “Hindi pala porque naging kababata mo, hindi ka na sasaktan. Dapat pala mas maging mautak ako sa pagpili ng lalaking mamahalin ko,” na sinang-ayunan ng kaibigan niyang awang-awa sa kaniya.

Wala na siyang sinayang na panahon noon at agad nang nakipaghiwalay sa naturang binata. Pinutol niya rin ang anumang koneksyon niya rito at binigay ang buong atensyon sa kaniyang pangarap at pag-aaral.

Advertisement