
Galit na Galit ang mga Pasahero sa Isang Lolang Pinagmumulan ng Mabahong Amoy sa Loob ng E-Jeepney; Napahiya Sila sa Sinabi ng Isang Batang Babae
Kanina pa hindi mapakali ang mga pasahero ng e-jeepney. Nakatakip ang mga ilong nila. Kanina pa nila pilit hinahanap kung saan nanggagaling ang mabahong amoy na kanina pa bumabalandra sa kani-kanilang mga ilong.
Hanggang sa hindi na nakatiis ang isang babae. Tinawag nito ang konduktor.
“Mama, wala ka bang naaamoy na parang amoy ng nadedong daga? Nakakasulasok ang amoy!” saad ng babaeng may perlas sa leeg.
“Naku Ma’am, naglinis po kami ng sasakyan bago kami bumiyahe. Gusto kasi namin na nasa ayos ang lahat bago kami umarangkada,” magalang naman na paliwanag ng kundoktor.
Sumegunda naman ang isang lalaking nasa edad 40.
“Oo nga eh. Kanina ko pa rin naaamoy. Parang nabubulok na hindi ko maintindihan. Amoy na amoy kasi kulob at naka-aircon pa tayo rito.”
Sumabat naman ang isang matandang babae na tila nasa edad 55 pataas.
“Hay naku, akala ko eh ako lang ang nakakaamoy! Kayo rin pala. Pagkabaho-baho! Palagay ko eh mula sa natutulog na lola doon sa bandang dulo! Tingnan ninyo, hindi siya makatingin sa ating lahat,” malakas na sabi ng matandang babae.
Napatingin naman ang lahat sa lolang tinutukoy nito.
Nang malaman ng lola na nakatingin na sa kaniya ang lahat, hiyang-hiyang nagpaumanhin siya.
“Pasensya na kayo… ako ay naghahanapbuhay. Nagtitinda ako ng bagoong isda sa palengke. Wala na kasing masakyang jeepney o ordinaryong bus kaya dito na ako napasakay. Hindi ko naman inakalang mangangamoy,” paliwanag ng lola.
Maya-maya, hindi na nakapagtimpi pa ang isang ginang na mukhang nakakaangat-angat sa buhay. Katabi niya ay isang batang babae na maipagpapalagay na anak niya.
“Naku lola sa susunod ho, huwag kayo rito sumakay sa de-aircon! Kapag ho kasi ganito kakulob, hindi puwede ang mga mababahong bagay gaya ng bagoong. Konting konsiderasyon naman ho sa mga kapwa ninyo pasahero,” litanya nito.
Sumegunda naman ang isang binatilyo.
“Mukha nga hong kumapit na sa damit ko ang bantot eh. Naligo pa naman ako at nagbihis nang husto para sa date namin ng nililigawan ko. Baka mamaya mabasted ako. Hayan, amoy-bagoong na ako,” wika nito.
Nagkatawanan naman ang mga pasahero. Pulang-pula naman ang mukha ng lola.
Sa labis na pagkapahiya, ipinasya ng lola na bumaba na lamang. Tumayo na ito sa kinauupuan. Nagtakip naman ng ilong ang mga pasaherong naraanan niya.
Ngunit dahil umaandar pa ang sasakyan, nang magsabi siya ng biglaang para ay nabigla rin ang paghinto ng e-jeepney. Hindi nito sinasadyang mabitiwan ang plastik na kinalalagyan ng panindang bagoong.
At dahil tumagas na una pa lamang ang bagoong, pagkahulog sa sahig ng sasakyan ay sumabulat ito sa lapag at kumapit ang mga talsik sa sapatos ng mga pasahero, lalo na ang mga kanina pa nagrereklamo.
Galit na galit ang mga pasaherong kanina pa nababahuan.
“Ano ba ‘yan lola! Nagkalat ka pa ng lagim? Ang tanga-tanga naman!” sabi ng babae na may kasamang anak.
“Sa susunod nga ha dadalhin ninyo ang sentido kumon ninyo!”
“Mas lalo n’yo pa kaming pinabaho!”
“Umalis na kayo rito!”
Pati ang kundoktor na kanina ay mahinahon, medyo nainis na rin sa lola.
Maya-maya, inawat ng batang babae ang kaniyang ina sa pagsasalita ng masasakit laban sa kaawa-awang matanda.
“Mama, tama na po. Kawawa naman po si Lola. Hindi po ba gustong-gusto n’yo naman ng bagoong? Lagi po tayong may bagoong sa bahay. Iyan po ang sawsawan natin kapag nag-iihaw po kayo ng isda, tortang talong, o kaya naman kapag kumakain po tayo ng hilaw na mangga o singkamas. Sa katunayan nga po ay bagoong ang ulam natin kahapon. Paborito ninyong ulamin ni Papa kapag wala tayong masarap na ulam.”
Natahimik naman ang mga pasahero, lalo na ang ina, sa tinuran ng kaniyang anak.
“Isa pa, hindi po ba Mama sabi ninyo huwag maninigaw ng mas matanda sa akin? Kasi sabi ninyo paggalang po iyon. Puti na po ang ilang buhok niya, lola na po siya. Hindi po dapat siya sinisigawan. Dapat po iginagalang siya,” pagpapatuloy pa ng batang babae.
Pahiyang-pahiya naman ang mga pasahero sa kanilang narinig mula sa batang babae. Napagtanto nilang tama ang mga sinabi nito. Hindi sila makapaniwala na ang magtuturo pa sa kanila ng kagandahang-asal ay isang bata. Nabaligtad yata ang sitwasyon.
Isa-isang humingi ng tawad sa lola ang mga pasaherong namahiya sa kaniya, lalo na ang ina ng batang babae.
“Tama ka, anak. Pagpasensyahan mo na ako. Huwag na huwag mong gagayahin ang ginawa ko o maging ng ibang pasahero sa lola ah? Masama iyon. Hindi na ito mauulit,” pangako ng ina sa kaniyang anak.
Napahiya man siya sa mga sinabi ng anak, ipinagmamalaki naman niya ito dahil sa magandang asal na naipamalas nito sa lahat, hindi lamang sa kaniya, kundi sa iba pang mga nakatatandang dapat ay nagtuturo at nagpapakita ng magandang halimbawa sa kaniya.