
Nilait-Lait Siya ng Pinsan Nang Malaman Nitong Nagtitinda Siya ng Gulay at Prutas sa Palengke Kahit Nakatapos na Siya sa Kolehiyo; Ano Nga Ba ang Nangyari sa Kaniya?
“Oh Gene, kumusta ka na? Ano na’ang pinagkakaabalahan mo sa buhay?”
Napatingin si Gene sa kaniyang pinsang si Wilbert nang makasalubong siya nito. Kitang-kita niya kung paano siya nito tiningnan mula ulo hanggang paa.
“Ayos naman, Bert. Heto, nag-aangkat ako ng mga gulay at prutas mula sa palengke. Hinihintay ko kasi na…”
Naputol ang sasabihin ni Gene nang sumabad kaagad ang pinsan dahil nagulat ito sa kaniyang mga sinabi.
“Ano? Nagtapos ka ng kolehiyo para maging tindero ng gulay at prutas? Nasaan na ang ipinagmamalaki ni Tita Sonia na anak daw niyang matalino, matino, na kahit wala siyang pera ay naigapang niya ang pag-aaral at ngayon ay malapit nang maging piloto? Iniyabang pa ng Mama mo na makakapunta ka na sa iba’t ibang bansa kapag sumampa ka na sa eroplano. Pero alam mo, ako, sa yaman namin, kaya naming libutin ang buong mundo gamit ang pera namin,” pang-uuyam at pagmamayabang ng kaniyang pinsan sa kaniya.
Hindi nakakibo si Gene sa panlalait sa kaniya ng mismong pinsan, na matagal nang naiinggit sa kaniya.
“Tingnan mo ako. Hindi ako nakatapos ng pag-aaral kahit na may kakayahan sina Papa at Mama na pag-aralin ako sa mamahaling unibersidad. Katwiran ko, wala naman ‘yan sa pinag-aralan. Wala ‘yan sa diploma. Napepeke nga ang diploma na ‘yan eh, magpunta ka lang sa Recto at magpagawa. Ang mahalaga, mayaman ang mga magulang ko at kaya nilang ibigay ang mga pangangailangan ko. Hindi ko na kailangang magtrabaho dahil alam ko namang ako ang magmamana ng mga ari-arian nila. Hindi kagaya mo… na naturingang titulado, ganyan ang bagsak mo,” pagpapatuloy pa ni Wilbert.
“Sandali lang naman, patapusin mo muna ako, ‘insan,” sansala naman ni Gene.
Tumahimik naman si Wilbert at nakinig sa paliwanag ng kaniyang pinsan.
“Alam kong matagal akong lumayo sa inyo dahil sa totoo lamang ay inggit na inggit ako sa iyo. Lahat ng mga bagay na nais mo ay nabibili mo. Hindi mo na kailangang magbanat ng buto, hindi kagaya ko na ginawa ko ang lahat para mapag-aral ang sarili ko at makatulong kay Nanay. Sa ngayon, naglalakad na lamang ako ng mga requirements ko para makalipad na. Alam mo ba na ang pagtitinda ng gulay at prutas ang nakatulong sa akin para matupad ko ang mga pangarap ko? Kaya hinding-hindi ko ito basta-basta tatalikuran,” paliwanag naman ni Gene.
Nagkibit-balikat naman si Wilbert. Hindi na ito kumibo pa. Muli na nitong pinaandar ang kotse at iniwanan na si Gene. Napabuntung-hininga naman si Gene. Nalulungkot siya para sa pinsan na hindi na ito nagbago ng ugali. Simula mga bata pa lamang sila, lagi na siya nitong inaasar at inuuyam. Hindi naman niya maintindihan kung bakit.
Ano pa ba ang dapat nitong kainggitan sa kaniya? Ipinanganak itong may gintong kutsara sa bibig. Samantalang sila ng kaniyang Nanay na mag-isa lamang siyang pinalaki, isang kahig, isang tuka.
Kung tutuusin, matalino naman ang kaniyang pinsan. Kayang-kaya nitong mag-aral at makatapos ng pag-aaral. Subalit napalaki ito sa layaw ng kaniyang tito at tita dahil sa labis na kaabalahan sa trabaho. Hindi nila naituro at naipaunawa sa pinsan ang kahalagahan ng pagsusumikap at pagbabanat ng buto para sa mga nais na makamtan.
Makalipas ang dalawang buwan ay dumating na nga ang napakagandang balita para kay Gene. Natanggap na ang kaniyang mga requirements sa pinasukang airline. Matapos ang mga panayam at pagsasanay ay isa na siyang piloto!
Sa loob lamang ng tatlong taon ay halos narating na niya ang iba’t ibang bansa sa buong mundo, at naisasama pa niya ang kaniyang ina.
Sa halip na magpasarap sa buhay ay pinili pa rin ni Gene na ipunin ang kaniyang suweldo. Naipagawa nila ang kanilang bahay at nakabili pa siya ng sariling sasakyan at isa pang property. Naging maalwan ang kaniyang pamumuhay.
Hanggang sa isang araw, nabalitaan na lamang ni Gene sa kaniyang ina na bumisita rito ang mga magulang ni Wilbert.
“Ibinebenta na sa atin ang mansyon nila. Nalugi ang kanilang kompanya dahil sa patong-patong na isyu at korapsyon ng ilan nilang mga kasosyo. Nagkabaon-baon sila sa utang dahil marami ang umalis sa kanilang kompanya at kailangan nilang bayaran. Gusto ko sana, tayo na ang bumili para hindi naman ganoon kasakit na mawala sa kanila ang mansyon.”
Walang pag-aatubiling sumang-ayon naman si Gene.
Hiyang-hiya sa kanila si Wilbert na noon ay nakiusap kay Gene na kung puwede siyang ipasok kahit janitor sa airline company na kaniyang pinagtatrabahuhan. Hindi kasi siya matanggap-tanggap sa alinmang trabahong pag-aplayan niya dahil wala siyang maipakitang diploma.
Dahil hindi naman tumatanggap ng bagong janitor, may naisip na paraan si Gene.
Tinuruan niyang magtinda ng mga gulay at prutas ang pinsan. Sinagot na niya ang puhunan upang makatulong sa kanila.
“Patawarin mo ako pinsan kung dati ay minaliit kita. Sa totoo lang, inggit na inggit ako sa iyo, sa inyo ni Tita Sonia. Naging wais kayo sa buhay,” hiyang-hiyang sabi ni Wilbert.
“Hindi pa huli ang lahat, pinsan. Makakaraos ka rin. Tutulungan namin kayo,” pangako naman ni Gene sa pinsan.
Kaya naman, huwag mang-uuyam o mangmamaliit ng kapwa dahil bilog ang mundo; minsan, ang dating minamaliit, darating ang panahon na sila naman ang titingalain.