
Kumukulo ang Dugo ng Propesora sa Mag-aaral Niyang Laging Inaantok at Natutulog sa Kaniyang Klase; Nagulat Siya sa Dahilan Nito
Matapos isulat sa white board ang mga impormasyon para sa gawain ng kaniyang mga mag-aaral, napakunot ang noo ng propesor na si Bb. Mariano ang isa sa kaniyang mga mag-aaral na lalaki na nasa bandang likuran; nakapikit ang mga mata nito at halatang natutulog.
Kinuha niya ang seat plan na ginawa at pinasa sa kaniya ng sekretarya ng klase upang malaman ang pangalan nito. Hindi niya matandaan ang pangalan at apelyido nito dahil bihira lamang makiisa sa klase sa tuwing may talakayan.
Roberto Catalan.
“Catalan…”
Napatingin ang lahat sa mag-aaral na mahimbing na natutulog. Mahimbing dahil hindi man lamang ito natinag sa pagkakahimbing.
“Catalan!”
Ayaw pa rin.
Saka pa lamang ito nagising nang kalabitin sa binti ng katabi niyang kaklase sa upuan.
Agad itong umayos ng upo nang mapag-alamang nasa kaniya ang atensyon ng lahat, lalo na ng kanilang propesor.
Naramdaman ni Bb. Mariano na mabilis na umakyat sa kaniyang ulo ang kaniyang dugo subalit pinili na lamang niyang magpakahinahon. Subalit sa tuwing naaalala niyang laging natutulog sa kaniyang klase ang mag-aaral na ito, naiinis pa rin siya.
“Lagi kong napapansin na lagi mong ginagawang tulugan ang klase ko. Baka gusto mong umuwi na at matulog na lamang tuwing ganitong oras?” sarkastikong sabi ni Bb. Mariano.
Kitang-kita niya ang pamumutla sa mukha ng mag-aaral. Umunat ito sa pagkakaupo.
“P-Pasensya na po, Miss. Hindi na po mauulit,” hiyang-hiyang paghingi ng dispensa ng mag-aaral sa kanilang propesora.
“Lagi kang ganyan! Klase, tatandaan ninyo, sa lahat pa naman ng ayoko ay yung tatamad-tamad sa klase ko. Ikaw Mister Catalan, kung gagawin mo lang silid-tulugan ang klase ko, mas makabubuti na lamang na huwag kang pumasok dito. Hindi ba’t sinabi ko na sa inyo na ang pinakaayaw ko sa lahat ay mga mag-aaral na tatamad-tamad?” tuloy na tuloy na sabi ni Bb. Mariano.
Tumungo na lamang si Roberto at tiniis ang pamamahiya ng propesor sa harapan ng kanilang klase. Hanggang sa naubos ang oras ng propesora sa panenermon. Natapos ang oras ng klase nang ganoon na lamang.
Gusto sanang kausapin ng propesora si Roberto subalit nakita niyang nagmamadali na itong lumabas ng silid.
Natitiyak niya na ang mga kagaya ng ganitong mag-aaral ay mga taong hindi pursigido sa pag-aaral. Sa hitsura pa lamang nito, alam niyang ang mga kagaya nito ay pumapasok lamang sa paaralan para sa baon o kaya naman ay magbulakbol.
Hindi niya mapigilang maawa sa mga magulang o sa mga taong nagpapaaral dito. Ano kaya ang nararamdaman nila na nasasayang lamang ang pera nila sa mga kagaya ni Roberto na tila wala namang interes sa pag-aaral?
Isang araw, namili supermarket ng isang mall ng kaniyang mga pangangailangan sa bahay ang propesora.
Habang nakapila, isang pamilyar na mukha ang naispatan niya. Hindi siya maaaring magkamali. Ang isa sa mga bagger ay ang mag-aaral na si Roberto Catalan. Nakatuon ang atensyon nito sa ginagawa.
“Working student pala siya,” sa isip-isip ni Bb. Mariano. Kung gayon ay hindi naman pala tamad ang mag-aaral na ito, hindi gaya ng paghuhusga niya rito.
Minabuti niyang huwag na lamang istorbohin ang mag-aaral na noon ay nagtatrabaho.
Pagkatapos makapamili ay nagtungo pa ang propesora sa bahay ng kaniyang kaibigan. Medyo ginabi na siya. Mabuti na lamang at may sarili na siyang kotse.
Nang pauwi na siya, minabuti niyang dumaan muna sa gasolinahan.
“Ma’am, magandang gabi po… ilan po?”
Pareho pa silang nagkagulatan ng gasoline boy.
“M-Ma’am Mariano? Kayo ho pala ‘yan…” nahihiyang sabi ni Roberto.
“Teka, hindi ba’t bagger ka rin sa supermarket? Bakit nandito ka ngayon? Kanina kasi ay namili ako sa supermarket at nakita kita,” wika ng propesora.
“Tama po kayo Ma’am. Suma-sideline din po ako rito tuwing gabi. Sayang po kasi ang kita. Kailangan ko pong magbanat ng buto para makatapos ng pag-aaral. Tumutulong din po ako sa bahay dahil pito po kaming magkakapatid. Ako na po ang sumunod na panganay dahil nag-asawa na po ang dalawa,” paliwanag ni Roberto.
“Kaya ka ba laging inaantok sa klase? Dahil napupuyat ka sa pagtatrabaho?”
Napakamot naman sa kaniyang ulo si Roberto.
“O-Opo… pasensya na nga po pala kayo Ma’am. Hindi naman po sa inaantok ako sa klase ninyo o sa iba pang klase… talagang kulang lang po ako sa tulog. Paumanhin po,” pag-amin ni Roberto.
“Ngayon naiintindihan ko na. Bakit hindi ka nagsabi? Pero at least ngayon alam ko na kung bakit ka natutulog sa klase, hindi na kita pagagalitan. Iho, paalala lang din na magpahinga ka rin. Mauuwi sa wala ang lahat ng mga pinaghirapan mo kapag nagkasakit ka,” paalala ni Bb. Mariano.
“Opo Ma’am, huwag po kayong mag-alala,” sabi ni Roberto.
Simula noon ay naunawaan na ni Bb. Mariano kung bakit inaantok sa kaniyang klase si Roberto. Napagtanto niya na hindi niya dapat husgahan kaagad ang gawing ipinakikita ng kaniyang mga mag-aaral, lalo na kung hindi pa naman niya alam ang kuwento nito.

Kahina-Hinala ang Kilos ng Misis Dahil Araw-Araw Itong Umaalis at Nakakolerete Pa; Mabuking Kaya Siya ng Mister?
