Inday TrendingInday Trending
Kahina-Hinala ang Kilos ng Misis Dahil Araw-Araw Itong Umaalis at Nakakolerete Pa; Mabuking Kaya Siya ng Mister?

Kahina-Hinala ang Kilos ng Misis Dahil Araw-Araw Itong Umaalis at Nakakolerete Pa; Mabuking Kaya Siya ng Mister?

Nagulat si Mang Pedring nang pagkauwi niya mula sa trabaho ay madatnan niyang wala ang kaniyang misis na si Aling Malia.

Maagang umuwi si Mang Padring dahil sumama ang kaniyang tiyan.

“Nasaan ang Nanay ninyo?” tanong ni Mang Pedring sa kaniyang mga anak na sina Joshua at Camia.

Nagtinginan ang magkapatid.

“Eh, sabi po niya ay mamamalengke lamang po siya,” sagot ng panganay na si Joshua.

“Ah ganoon ba? Nagugutom na ako ah, hindi ba nagluto bago umalis?”

Hindi na sumagot pa sina Joshua at Camia. Parang iniiwasan siya.

Ilang sandali lamang ay dumating na si Aling Malia. Bihis na bihis ito at may kolorete pa sa mukha. Gulat na gulat ito nang makita siyang nasa bahay na.

“P-Pedring? N-Nakauwi ka na?” parang tinulos sa kaniyang kinatatayuan si Aling Malia nang makita siya.

“Oo. Kumukulo ang tiyan ko, kanina pa. Nakailang beses akong nagpunta sa palikuran sa trabaho, kaya minabuti kong umuwi na lamang. Ikaw, saan ka galing?”

Kitang-kita ni Mang Pedring na napatingin si Aling Malia sa kanilang mga anak. Kunwari ay abalang-abala ang mga ito sa panonood sa telebisyon.

Ngunit napansin ni Mang Pedring na wala namang dala-dalang ni isang plastik na kinalalagyan ng mga pinamiling karne, isda, gulay, o prutas man lamang ang misis, kung galing ito sa palengke.

“Pumunta ka lang sa palengke eh nakakolerete ka pa?” biro ni Mang Pedring.

“Ha? Palengke? H-Hindi naman ako namalengke. May nilakad lang ako,” nauutal na sabi ni Aling Malia.

“Ano naman ang nilakad mo?”

“Nagpatulong lang yung kaibigan ko na magpalakad ng papeles sa insurance niya. Teka nga muna, magluluto na ako, mamaya na ang kuwentuhan,” sabi ni Aling Malia, halatang umiiwas.

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Mang Pedring. Kakaiba ang ikinikilos nitong mga nagdaang araw ng misis. Tila may tinatago ito.

Ang totoo niyan, nagsisimula na siyang maghinala sa kaniyang asawa. Sinadya niya talagang umuwi nang maaga kanina, bukod pa sa talaga namang masakit ang kaniyang tiyan.

Magkaiba ang sinabi ng anak sa sinabi ng kaniyang misis na dahilan ng pag-alis nito.

Napansin niya rin na madalas na nagpapahid ng mga pampaganda ang misis na hindi naman nito ginagawa noon.

At kanina nga, todo-postura ito. Nakakolerete pa.

Kailangang makausap niya nang masinsinan ang kaniyang mga anak. Ayaw man niyang isipin, subalit mukhang may ibang kinakalantari ito. Wala siyang ibang maisip kung bakit ito umaalis-alis ng kanilang bahay.

Isang araw, masinsinang kinausap ni Mang Pedring ang kaniyang mga anak.

“Araw-araw bang umaalis ang Nanay ninyo? Huwag kayong matakot mga anak,” sabi ni Mang Pedring.

Nagkatinginan sina Joshua at Camia.

“Magsabi kayo ng totoo sa akin. Hindi ako magagalit sa inyo. Araw-araw bang umaalis ang Nanay ninyo? Alam ba ninyo kung saan siya nagpupunta?”

“Tatay… sabi ni Nanay, huwag na huwag naming sasabihin sa inyo kasi baka magalit po kayo,” nahihintakutang sabi ni Camia.

“Camia, huwag kang mag-alala. Hindi naman kayo masasaktan ng Nanay ninyo. May itinatago ba siya sa akin na kailangan kong malaman?”

“Huwag mo na silang takutin, Pedring. Aamin na ako sa iyo.”

Napatingin ang tatlo sa dumating na si Aling Malia.

“Ano ba ang dapat kong malaman?” tiim-bagang na sabi ni Mang Pedring.

“Totoo na araw-araw akong lumalabas. Araw-araw akong umaalis. May pinupuntahan ako, Pedring.”

“Saan ka pumupunta? Hindi ka na nahiya sa mga anak mo?” galit na sabi ni Mang Pedring.

“Ha? Bakit? Hindi naman kahiya-kahiya ang ginagawa ko,” nakakunot ang noong sansala ni Aling Malia.

“Kung ganoon, anong ibig mong sabihin aber?”

May hinalungkat si Aling Malia sa kaniyang bag. May kinuha. Iniabot sa kaniya.

Tiningnan ito ni Mang Pedring. ID.

“Nagtatrabaho ako sa ating barangay hall bilang staff. Alam kong ayaw mo na akong pagtrabahuhin, pero hindi ko matitiis na wala akong gawin at tulungan ka, na alam kong nahihirapan ka sa pagtatrabaho at maliit ang kinikita mo,” naiiyak na pagtatapat ni Aling Malia.

“Hindi mo naman kailangang gawin ‘yan, Mahal…” naiiyak na sabi ni Mang Pedring. “Ako ang padre de pamilya. Kailangan ako ang nagbabanat ng buto sa atin.”

“Mahal, payagan mo na ako. Alam ko na kaya sumasama ang tiyan mo dahil nalilipasan ka ng gutom para makatipid ka. Bilang misis mo, hayaan mo akong tulungan ka para sa ating mga anak.”

Sa halip na magalit ay nilapitan ni Mang Pedring ang misis na pinaghinalaang nangangaliwa at niyakap ito. Pinupog din niya ito ng halik.

Hindi naman pala siya niloloko ng kaniyang misis; bagkus, tinutulungan pa siya nito na maitaguyod ang kanilang pamilya.

Simula noon ay naging mas bukas na ang mag-asawa sa isa’t isa at pinayagan na rin ni Mang Pedring na magbanat ng buto ang kaniyang misis—para sa kanilang mga anak!

Advertisement