Buo ang Loob ng Dalaga na Pakasalan ang Una at Huling Lalaki sa Kaniyang Buhay; Ituloy Kaya Niya Ito Kung Makita Niya ang Kumakalat na Bidyo?
Sigurado na si Linda na si Argel ang lalaking pakakasalan niya, at makakasama sa pagbuo ng pamilya.
Wala siyang ibang naging kasintahan maliban kay Argel, na noong una ay inakala pa niyang mayabang at bastos.
Ngunit sa tatlong taong kanilang pagsasama bilang magkasintahan ay masasabi ni Linda na responsable naman ito.
Kaya nang inaya siya nitong pakasalan, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Hinayaan niyang isuot nito sa kaniyang palasingsingang daliri ang singsing na handog nito.
Naisagawa na rin ang pamamanhikan sa kanilang pamilya na nasa lalawigan. Maging ang kaniyang Itay at Inay ay botong-boto rin kay Argel.
“Nasasabik na kami sa inyong pag-iisang-dibdib ni Argel, anak. Sana naman ay paspasan ninyo upang makita pa namin ang aming mga magiging apo,” saad ng itay ni Linda.
“Itay naman…” kunwari ay naeeskandalong pahayag ni Linda.
“Oh, anong masama sa sinabi ko? Aba’y sa ganyan din naman ang bagsak ninyo, kaya nga kayo magpapakasal upang may basbas ng Panginoong Diyos ang inyong pagsasama at pagbuo ng sariling pamilya. Hangad ko lamang, Argel, na huwag mong paiiyakin ang dalaga namin, dahil nakita mo naman ang buong baryong ito, halos magkakamag-anak kami…” kunwari ay pabirong pagbabanta ng kaniyang Itay na ikinatawa naman ng lahat.
“Opo, Tito. Huwag po kayong mag-alala. Tapat po ang intensyon ko kay Linda, at hinding-hindi ko po siya lolokohin,” sagot naman ni Argel.
“Baka naman may iba ka nang pamilya ha?” untag naman ng kaniyang Inay.
“Ay wala ho, Tita. Magsisimula pa lang pong bumuo, at si Linda po ang magiging ina ng aking mga magiging anak.”
Pumailanlang ang hiyawan dulot ng pagkakilig sa sinabi ni Argel. Namula naman ang mukha ni Linda. Hindi niya maitago ang pamumula ng mukha sa mga sinabi ng nobyo.
Ang sumunod na dalawang buwan ay naging abala para sa magsing-irog. Minabuti nilang sila mismo ang mag-ayos ng mga kakailanganin sa kasal, magmula sa simbahan, sa mga kasuotan, sa reception, at iba pang mga detalye. Mas tipid nga naman.
Ngunit ang inaakalang tuloy-tuloy na magagandang mga pangyayari ay napalitan ng isang malaking problema.
Nalaman pa ni Linda ang bagay na ito dahil sa kaniyang mga kaibigan.
“Nakita mo na ba ang viral video na pinag-uusapan ngayon sa social media?” bungad sa kaniya ng kaibigang si Wanda.
“Bakit? Anong problema?”
Pagbukas niya sa link na ipinadala sa kaniya ng kaibigan ay isang babaeng galit na galit ang nagsasalita. At ipinakikita nito ang litrato ng isang lalaking pamilyar na pamilyar sa kaniya.
Si Argel!
Ayon sa salaysay ng babae, pinaibig siya ng kaniyang nobyo na walang iba kundi si Argel, binuntis, ngunit hindi pinanagutan. Ang pagkakaalam nito ay may ibang babae raw ang nobyo.
Gulat na gulat si Linda sa kaniyang mga natuklasan.
Kaya nang sadyain siya ni Argel ay talaga namang hindi ito napilit na makipag-usap sa kaniya ng mga magulang niya na labis na nasaktan sa kanilang nalaman.
Tatlong araw ding hindi lumabas ng kaniyang kuwarto si Linda dahil sa labis na kalungkutan, gayundin, masyado siyang napahiya sa mga nangyari. Marami ang nagpapadala ng kanilang mensahe sa kaniyang social media account at cellphone number upang makisimpatya.
Hanggang isang araw ay pinayagan na rin niyang makausap siya ni Argel upang malaman niya rito ang katotohanan.
“Tapos na kami ni Tanya, babe. Maniwala ka sa akin. Ikaw ang nais kong pakasalan at hindi siya,” umiiyak na sabi ni Argel sa kaniya nang sila ay mag-usap ni Linda sa sala ng bahay nito.
“Kahit na ako ang mahal mo babe… nagsinungaling ka pa rin sa akin. Palagay ko, marami ka pang isyu sa sarili mo na kailangang ayusin. Paano ka magiging isang mabuting ama sa mga anak mo kung ngayon pa lang, tinatalikuran mo na ang magiging anak mo kay Tanya? Siguro kailangan mo muna itong ayusin. Kapag handa ka na at maayos na ang mga bagay na ito, malay mo, tayo pala talaga sa isa’t isa,” saad ni Linda sa kaniyang kasintahan.
Walang nagawa si Argel kundi sundin ang nais ng kaniyang pinakamamahal. Sising-sisi siya sa mga nangyari.
Hindi na natuloy ang kasalan nina Argel at Linda. Para kay Linda, hindi niya kayang magpapakasaya siya sa piling ng isang lalaki na may iniwanang babae at pananagutan sa kaniyang anak. Hindi na rin namilit pa si Argel kahit mahal niya si Linda. Naniniwala si Linda na balang araw ay makatatagpo rin niya ang lalaking nakatadhana para sa kaniya.