Inday TrendingInday Trending
Masuwerte na sa Buhay ang Babae sa Piling ng Mister Subalit Hindi Ganap ang Kaniyang Kasiyahan; Isang Pangyayari sa Kaniyang Nakaraan ang Nais Niyang Mabigyan ng Kasagutan

Masuwerte na sa Buhay ang Babae sa Piling ng Mister Subalit Hindi Ganap ang Kaniyang Kasiyahan; Isang Pangyayari sa Kaniyang Nakaraan ang Nais Niyang Mabigyan ng Kasagutan

Sinusubuan ng pagkain ng ginang ang isang maliit na batang babae. Arroz caldo at itlog. Buong takam naman itong isinubo at nginuya ng apo, na maipagpapalagay na lima hanggang anim na taong gulang.

Malamig. Kahapon pa umuulan nang malakas. Ilang mga timbang may pinturang puti ang nakatanghod sa mga tulo ng bubungan. Pilit pinasasaya ng ginang ang kaniyang tinig subalit mababanaag sa kaniyang mukha ang pagkabahala.

Biglang lumakas ang hangin. Sumunod ay nakaliliyong pagsigaw ng ginang at ng batang babae. Sumambulat ang arroz caldo. Lumipad ang bubungan. Nagkalat ang dingding na gawa sa manipis, nabubulok na plywood.

“Rona, Rona… gising!”

Napabalikwas ng bangon ang ginising na si Rona. Agad na dumukwang ang mister na si Elmer sa kalapit na mesita. Kinuha ang isang babasaging baso na may lamang tubig. Agad na iniabot sa misis na abot-langit ang hingal.

“Nananaginip ka na naman…” saad ni Elmer.

“Oo… napanaginipan ko na naman si Mama at ang nangyari sa aming trahedya noong nanalasa ang bagyo sa probinsya,” tugon ni Rona habang sumisimsim ng tubig sa baso.

“Na naman? Bakit kaya?” nag-aalalang tanong ni Elmer.

“Mahal… gusto kong malaman kung ano na ba ang nangyari kay Mama. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko natitiyak na wala na talaga siya. Wala naman kasing b*ngkay na magpapatunay… sige na, samahan mo ako,” naiiyak na sabi ni Rona. Hindi tumugon si Elmer; bagkus ay mahigpit na niyakap ang misis at isinandal sa kaniyang balikat.

Ilang taon na ang nakalilipas subalit sariwa pa rin sa alaala ni Rona ang kanilang pinagdaanan sa isang napakalakas na bagyong nanalasa sa kanilang lalawigan noong siya ay maliit pa lamang, na nagpahiwalay sa kaniya at sa kaniyang ina.

Ang eksena sa panaginip lamang ang natatandaan niya. Hindi na niya matandaan kung paano siya nakaligtas, kung paano siya nadala sa lungsod, at kung ano na ba ang nangyari sa kaniyang ina matapos padapain ng malakas na hangin ang kanilang maliit at giray na dampa noon.

Mapalad siya na may kumupkop sa kaniyang mag-asawa na naging anak na rin ang turing sa kaniya. Binihisan, pinakain, pinag-aral, inaruga siya na walang hinintay na kapalit. Nakatapos siya ng pag-aaral.

Hanggang sa makilala niya si Elmer, maging kasintahan ito, at pakasalan siya. Biniyayaan sila ng dalawang malulusog, mababait, at magagandang anak.

Maganda rin ang takbo ng kanilang maliit na negosyo. Naitaas din sa katungkulan ang mister sa trabaho. Siya naman, tumatanggap din ng mga raket na maaaring gawin kahit nasa bahay lamang, na ang kailangan lamang ay gadget at matatag na internet.

Naipagawa na nila ang kanilang bahay. May kotse na rin sila. Lumago ang kanilang ipon sa bangko.

Ngunit aminado si Rona na kahit maituturing na matagumpay na siya sa buhay at tila wala na siyang hahanapin pa, may kakaibang lungkot pa rin sa kaniyang puso na lumulukob at hindi niya mawari kung saan nanggagaling.

Ngayon alam na niya kung ano ito.

Hindi matatahimik ang kalooban niya hangga’t hindi niya nalalaman kung ano na ba talaga ang nangyari sa kaniyang ina.

Pumayag naman ang mister na samahan siya at nagbalik sila sa lalawigan, sa dati nilang tinutuluyan.

Kakaiba ang mga emosyong nararamdaman ni Rona. Kinakabahan. Nasasabik. Nalulungkot. Habang nakikita niya ang mga bukirin na nararaanan nila habang nakapamintana siya sa kotse, lalong nagiging malinaw ang masasakit na alaalang naiwan sa lugar na iyon. Natutuwa siya na unti-unti ring nakabangon ang kanilang lugar simula nang hambalusin ito ng napakalakas na bagyo.

Ngunit siya, hindi pa rin siya nakababangon sa pag-asang buhay pa ang kaniyang ina.

Ilang sandali lamang, nasa harapan na sila ng mister sa dating kinatitirikan ng kanilang bahay.

Wala na ni isang bakas. Bumuhos ang emosyon ni Rona.

“Dito nakatayo ang aming munting dampa noon,” umiiyak na sabi ni Rona. Parang nakikita niya sa kaniyang balintataw ang nanay na nagsasampay, naglalaba, nagwawalis sa paligid-ligid, at ang paghahabulan nila.

Naroon pa rin ang mga puno ng niyog na tandang-tanda pa niya kung paano yugyugin ng malakas na hangin noon.

Hinimas-himas naman ng mister ang kaniyang likod.

Maya-maya, isang matandang babae ang lumapit sa kanila.

“Sinong hanap nila?” tanong nito.

Napatingin si Rona sa matanda. Tinitigan niya ang mukha nito. Hinding-hindi niya malilimutan ito. Si Aling Choleng na kanilang kapitbahay!

“Aling Choleng! Aling Choleng! Si Rona po ito, ako po ang anak ni Magda…”

Nanlaki ang mga mata ni Aling Choleng nang mapagtanto kung sino ang kaniyang kaharap.

“R-Rona? Rona!!! Ikaw nga! Diyos ko, buhay ka, buhay ka pala?” umiiyak na sabi ni Aling Choleng.

“Opo. Buhay po ako… mahabang kuwento po eh. May balita po ba kayo kay Nanay? Nasaan na po siya? Hinahanap ko po siya,” nagkakandautal-utal na sabi ni Rona.

“Noong nakaraan lamang ay narito siya. Akala niya ay wala ka na! Matagal ka na rin niyang hinahanap, ngunit dahil wala namang nakitang bangkay, malaki pa rin ang pag-asam niya na buhay ka. Halika’t sasamahan kita sa kaniya,” wika ni Aling Choleng.

Habang binabaybay ang daan patungo sa bahay ng mga inabandonang matanda ay nagkuwento si Aling Choleng sa kung paano siya hinanap ng kaniyang ina. Matapos niyon ay nagkuwento rin si Rona sa kaniyang mga pinagdaanan simula nang salantain ang kanilang lalawigan ng bagyo.

Makalipas ang ilang oras ay muli na ngang nagkita ang mag-ina. Hindi mapagkalas ang dalawa sa pagkakayakap.

“Dininig ng Diyos ang mga panalangin ko, anak… akala ko’y tuluyan ka nang nalayo sa akin,” humihikbing sabi ni Aling Magda.

“Ako rin po… alam ko po sa puso ko na narito pa kayo. Huwag po kayong mag-alala ‘Nay, babawi tayo sa isa’t isa!”

Matapos ang pagpoproseso ng mga papeles sa tirahan ng mga inabandonang magulang ay naisama na nga ng mag-asawa si Aling Magda at nakipisan na sa kanila. Hindi pa huli ang lahat upang maipadama nila ang pagmamahal sa isa’t isa na matagal na ipinagdamot sa kanilang ng kapalaran, ngunit siya ring nagtagpo sa kanila!

Advertisement