Puring-Puri ng May-Ari ng Kompanya ang Lalaking Ito Dahil sa Kahusayan Niya sa Trabaho; Bakit Kaya Tumataas ang Kilay ng mga Kapwa Empleyado?
“Congratulations, Fidel! Napakahusay mo. Dahil sa ginawa mong napakagandang feasibility study at slides presentation ay nakumbinsi natin ang mga investor na mag-invest sa ating kompanya. Keep up the good work!”
“My pleasure, sir! Excellence is my bread and butter,” abot-tenga ang ngiti sa mga labi ni Fidel nang marinig ang papuri ng may-ari ng kompanya.
Gaya ng dati ay nagtaas na naman ng kilay ang mga nakarinig na karaniwang empleyado nang purihin ang kanilang assistant manager na si Fidel. Paano, hindi man lamang nito sinabi na naging posible at naging maganda ang presentasyon nito sa mga investor ay dahil sa pagod at hirap ng mga karaniwang empleyado na inutusan niyang gawin ang mga ito.
Sa kanila lang naman, sapat na ang makilala rin ang kanilang pagod at effort, pero lahat ng iyon ay inangkin ni Fidel, kahit kung tutuusin ay wala naman siyang hirap doon kundi mag-utos lang.
Sunud-sunuran naman ang mga karaniwang empleyado dahil baka bawian sila ni Fidel sa efficiency rating, na isa sa mga batayan ng pagkakaroon ng malaking suweldo.
Sa pananghalian, nag-usap-usap ang mga empleyado tungkol dito. Upang hindi mahalata at magbanggit ng pangalan, binigyan nila ang alyas si Fidel. Ito ay ‘Credit Grabber’.
“Sumosobra na talaga si Credit Grabber! Ni hindi nga niya sinilip yung slides presentation na ginawa natin para sa final approval niya, saka lang niya nalaman ang laman noong nag-presenta na siya,” wika ng isang babaeng empleyado na siyang gumawa ng slides presentation na ginamit ni Fidel sa paglalahad ng feasibility study sa mga kliyente nila.
“Kaya nga eh. Kating-kati na akong maisumbong siya sa manager, kaya lang, wala namang silbi dahil sanggang-dikit sila. Balita ko, malaki ang utang na loob ng manager sa kaniya dahil pinapautang niya ng pera,” saad naman ng isa pang empleyado na nakatalaga naman sa pananaliksik ng mga datos at impormasyon.
“Hindi naman puwede na lahat na lang mga kredito ay napupunta sa kaniya. Kapal ng mukha niya. Kailangan kaya mabubuking ang kabulastugan niyan?” giit naman ng isa.
“May karma rin ‘yan. Naniniwala ako na malalaman din ng Big Boss natin na hindi lang siya ang nag-eeffort sa mga presentasyon.”
Alam ni Fidel na inis na inis sa kaniya ang mga empleyado niya subalit wala naman siyang pakialam. Hawak niya sa leeg ang mga ito. Kung hindi sila susunod sa kaniya, madali lang namang babaan ang efficiency rating nila. Takot lang nila.
Ginagawa niya ang lahat upang mapaganda at mapabango ang kaniyang pangalan sa may-ari ng kompanya upang mapabilis ang kaniyang promosyon.
Kontrolado rin niya ang manager at hawak din niya ito sa leeg dahil sa dami ng utang nito sa kaniya. Isa pa, alam niya ang pinakatatagong sikreto nito: ang pagkakaroon nito ng kerida.
Kaya natitiyak niyang sa kaniya ipapasa ang posisyon nito, wala nang iba. Siya ang assistant manager, kanino pa ba iyon ibibigay?
Hanggang isang araw, isang malaking proyekto ang muling ipinagkatiwala kay Fidel. Buong puso naman niya itong tinanggap.
Kagaya ng dati, utos dito at utos doon ang ginawa niya sa mga empleyado. Mando rito, mando roon. Hanggang sa matapos ang mga papeles na kinakailangan at maipasa na ito sa may-ari ng kompanya.
Ni hindi man lamang ito nagpasalamat sa mga empleyado na tumulong sa kaniya.
Makalipas ang ilang araw ay isinagawa na presentasyon sa mga kliyente. Dahil hindi naman inaral ang laman ng presentasyon dahil masyado siyang bilib na kaya niya naman, nagkandautal-utal siya sa pagsasalita at hindi niya nasagot ang mga taong sa kaniya ng mga kliyente. Dismayadong-dismayado naman sa kaniya ang may-ari ng kompanya.
“What happened? Para kang basang sisiw kanina? Anong nangyari sa kahusayan mo, ha, Fidel?” galit na tanong ng may-ari ng kompanya.
Upang iligtas ang kaniyang sarili, ipinasa niya ang sisi sa mga empleyadong gumawa ng lahat para sa kaniya.
Subalit hindi na nakapagpigil pa ang mga empleyadong ito.
“Naku sir, sa totoo lang po, kami naman po talaga ang gumawa ng lahat, maging doon sa mga nauna. Hindi lang po kami binabanggit ni Sir Fidel kapag pinupuri siya. Kaya ngayon ho, nagtataka kami kung bakit sa kauna-unahang pagkakataon eh binabanggit niya kami, dahil sa kapalpakan niya,” wika ng isa.
“Oo nga po. Kami po ang nagpapakapagod sa lahat. Sa papuri, hindi kami kasama, pero ngayong pumalpak na, kasama na kami? Hindi naman ho yata tama ‘yan,” segunda naman ng isa.
At dito na nga nabuko ang mga kalokohan ni Fidel. Hindi na rin nakatiis ang manager na agad na nagsiwalat ng panggigipit na ginagawa sa kaniya nito, palibhasa ay may utang siya at alam nito ang sikreto niya.
“Gusto mo bang isiwalat ko sa misis mo ang sikreto mo?” banta ni Fidel sa manager, sa harapan mismo ng kanilang boss. Hangad niyang mapahiya ito.
Ngumisi naman ang manager.
“Samahan pa kita. Nalaman na niya. Ako mismo ang nagsabi. Saka, hiwalay na kami ng kabit ko, at pinatawad naman ako ng misis ko. Ano, may bala ka pa ba sa akin? Huwag kang mag-alala, babayaran ko ang utang ko sa iyo.”
Lalong nagalit ang may-ari ng kompanya kay Fidel.
“Fidel, hindi ko mapapalagpas ang ginawa mong ito. Akala ko pa naman ay mahusay ka. Iyon pala, may mga tao palang tumutulong sa iyo na hindi mo man lamang kinikilala. Hindi mo dapat inaangkin ang karangalan. Isa pa, walang lugar sa kompanya ko ang mga sinungaling at mapagsamantala.”
Sising-sisi naman si Fidel nang tanggalin siya ng may-ari ng kompanya matapos ibigay ang kaniyang huling suweldo at kaunting back pay. Wala na siyang trabaho.
Napagtanto ni Fidel na ang isang karangalan ay mas masarap makamtan kung ito ay tunay na pinaghirapan. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na niya ito gagawin sa susunod niyang kompanyang papasukan.