Nagsawa na Kaya’t Huminto na sa Pagtulong sa mga Kaanak ang Breadwinner na Ito; Ipagpapasalamat pa pala Iyon ng Kaniyang Pamilya
Napabuntonghininga na lamang si Cecil habang pinagmamasdan niya ang kaniyang mga kapamilya. Tanghaling tapat na at mataas na ang sikat ng araw, ngunit hanggang ngayon ay nakahilata pa ang kaniyang mga kapatid sa higaan.
Napailing siya. Talagang wala siyang aasahan sa mga ito, dahil pare-pareho silang mga batugan. Matagal nang itinatanggi ni Cecil sa kaniyang sarili na tamad nga ang kaniyang mga kapatid, ngunit hindi niya na kaya pang magpanggap bilang bulag at bingi. Matatanda na ang mga ito ngunit hanggang ngayon ay nakaasa pa rin ito sa kaniya kahit pa napagtapos niya na sila ng pag-aaral!
“Magsibangon na nga kayo, Ariana, Calvin, Arnel!” galit na tawag niya sa mga kapatid na pawang mga nakahiga pa sa kani-kaniya nilang silid. Dahil doon ay napaigik ang mga ito at pawang mga nagreklamo sa pang-iistorbo niya sa kanilang mga pagtulog.
“Ano ba ’yan, ate! Istorbo ka naman, o! Ang ganda na ng panaginip ko, e!” reklamo sa kaniya ni Ariana.
“Oo nga. Lagi ka na lang ganiyan, ate, e! Ang sarap-sarap pa ng tulog namin, gising ka nang gising!” dugtong naman ni Arnel, habang ang kapatid naman niyang si Calvin na biglang dumiretso sa kusina ay biglang sumigaw…
“Bakit wala pang almusal?!” galit pa ang tonong tanong nito na animo may katulong silang dapat na magsilbi sa kanilang mga buhay prinsipe’t prinsesa!
Buhat nang maulila sila sa parehong mga magulang ay si Cecil na kasi ang umako sa lahat ng responsibilidad niya sa kaniyang mga kapatid, kaya nga kahit halos malapit nang mawala sa kalendaryo ang kaniyang edad, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nag-aasawa. Matagal-tagal na rin siyang inaayang magpakasal ng limang taon na niyang nobyong si Marco, ngunit sa tuwina ay palagi niya pa rin ’yong tinatanggihan. Nagugulat nga siya na hanggang ngayon ay pinipili pa rin nitong manatili sa kaniyang piling.
Hindi na nagsalita pa si Cecil nang mga sandaling ’yon. Punong-puno na siya, ngunit pinigilan niya ang sariling magsalita ng masasakit sa kanila. Ang ginawa niya’y inempake niya ang lahat ng kaniyang mga gamit at inilabas iyon ng kanilang bahay na siyang nagpanganga naman sa tatlo.
“Simula ngayon, wala na kayong aasahang tulong mula sa akin. Tapos na ang obligasyon ko sa inyo, dahil matatanda na kayo’t pawang mga nakapagtapos na ng pag-aaral. May iniwan akong budget d’yan para sa inyong tatlo para sa dalawang linggo. Iyon na ang huli. Kung gusto ninyong mabuhay kayo sa mga susunod pang araw, simulan n’yo nang maghanap ng trabaho!” galit na sabi pa ni Cecil bago tinalikuran ang mga kapatid kahit pa napakasakit namang talaga no’n sa kaniyang kalooban.
Alam ng Diyos kung gaano niya kamahal ang mga ito, ngunit hindi niya magagawang turuan silang tumayo sa sarili nilang mga paa, kung patuloy siyang magpapaalipin sa kanila. Kaya naman ngayon ay nakapagdesisyon na siyang tigasan ang kaniyang dibdib at sikmuraing hindi sila tulungan upang matuto silang mabuhay na ang inaasahan lamang ay ang sarili nila.
Tumira si Cecil kasama ang nobyong si Marco sa bahay mismo ng binata. Dahil doon ay nagawa rin nila sa wakas na magplano tungkol sa kanilang pagpapakasal at pagbuo ng sarili nilang pamilya. Sa pamamagitan no’n, kahit papaano ay nawaglit din sa isip ni Cecil ang tungkol sa kaniyang mga kapatid. Ngayon lamang niya naranasang makatulog ng kumpletong walong oras nang hindi kinakailangang mag-alala.
Samantala, grabeng paghihirap naman ngayon ang dinaranas nina Ariana, Calvin at Arnel dahil sa kani-kanilang trabaho, ngunit ngayon ay napagtatanto na rin nila sa wakas kung gaano pala kahirap ang dinaranas ng kanilang ate noon. Iyon ang naging determinasyon nila upang magpatuloy at sipagin sila sa kanilang mga tinahak na landas na kalaunan ay napagtagumpayan din nilang mahalin at pagyamanin!
Isang taon na ang nakalipas buhat nang magpasiya si Cecil na iwan ang kaniyang mga kapatid upang matuto silang tumayo sa sarili nilang mga paa, at ngayon ay naisipan na ng tatlong dalawin ang ate nila sa tahanang tinutuluyan nito, kasama ang ngayon ay asawa na nitong si Marco, upang humingi ng tawad at magpasalamat na rin sa ginawa nitong pagtulong sa kanila noon.
Sunod-sunod kasing nakatanggap ng promosyon sa trabaho nila sina Ariana, Calvin at Arnel, kaya naman ngayon ay may mukha na silang ihaharap sa kanilang ate. Laking pasasalamat nila at inihinto nito ang pagtulong nito sa kanila, dahil kung hindi, hanggang ngayon siguro ay hindi pa rin sila natatauhan sa kanilang katamaran.