Niyabangan ng Drayber na Ito ang Kapwa Tsuper na Mas Maliit Kaysa sa Kaniya; Tatakbo Siya nang Mapikon Ito’t Hagarin Siya ng Pamalo
Kilalang siga sa kalsada ang taxi drayber na si Mang Tasyo. Bukod sa isa siyang kaskasero’y madalas din siyang napapaaway dahil sa kaniyang kayabangan, lalo na sa tuwing ang makakatapat niya ay mas maliit kaysa sa kaniya.
Napakalaking bulas kasi ng nasabing drayber na ito kaya naman madalas ay kinatatakutan din siya ng kaniyang mga nakakaharap. Malaki at mabato kasi ang kaniyang katawan. Kahit kailan kasi ay hindi pa siya nakatiyempo ng taong papatol sa kaniyang ‘toyo’ sa tuwing makakaisip siyang maghurumintado sa daan.
Tanghaling tapat nang araw na ’yon. Mahaba ang pila ng trapiko, kaya naman mainit na naman ang ulo ni Mang Tasyo. Matumal din ang pasahero ngayon sa hindi niya malamang dahilan, kaya naman lalong nag-alburoto ang ginoo. Halos umusok na ang kaniyang ilong sa sobrang iritasyon.
Balak nang umalis ni Mang Tasyo noon sa lugar na pinupuwestuhan niya kung saan siya nag-aabang ng pasahero. Lilipat na siya sa iba at baka sakaling may mahanap siya, ngunit imbes na hintaying makalampas muna ang jeep na nakita niya namang dadaan na sa kaniyang harapan ay naisipan niya itong unahan. Agad niyang pinaandar ang kaniyang sasakyan at nilaro ang manibela, upang sana’y maunahan niya ito, ngunit imbes ay nagkagitgitan lamang sila!
Napangiwi si Mang Tasyo sa sobrang inis, dahil hindi agad na kapreno ang jeep na tinangka niyang unahan sa daan. Kahit pa siya naman ang tunay na may kasalanan, siya pa ang may lakas ng loob na babain ito ng sasakyan upang bungangaan!
“Hoy, naghahanap ka ba ng away?!” galit na tanong niya kaagad sa drayber ng jeep na kaniyang nakagitgitan.
“Naku, hindi, boss! Pasensiya ka na, hindi ko sinasadya. Bigla ka kasing umabante, e,” malumanay namang sagot sa kaniya ng tsuper ng jeep, ngunit hindi pa rin doon natapos ang kalokohan ni Mang Tasyo.
“Aba, sinasabi mo bang ako pa ang may kasalanan? E, gusto mo yata talaga akong subukan, e. Bumaba ka rito’t nang magkasubukan tayong dalawa!” matapang pa ring paghahamon ni Mang Tasyo sa nakagitgitang kapwa drayber kahit pa patuloy pa rin ito sa paghingi ng pasensiya sa kaniya.
“Wala naman hong ganiyanan, boss. May mga pasahero ho ako, o. Natatakot sila sa ginagawa n’yo. Nakikipag-usap naman ho ako nang maayos sa inyo, e,” kalmado pa ring sabi sa kaniya ng tsuper, ngunit nagulat ang lahat nang bigla itong dibdiban ni Mang Tasyo!
“Huwag kang duwag! Lumaban ka! Halika rito!” pagkatapos ay patuloy pa ring sabi niya, kaya naman doon ay uminit na rin sa wakas ang ulo ng kaniyang hinahamon.
“Hindi ka ba madadaan sa pakiusap?” Napamura pa ito.
Naging mabilis ang mga pangyayari. Sa isang iglap ay nakababa na ng jeep ang kanina’y hinahamon lang ni Mang Tasyo. Napangisi pa nga siya nang makitang mas maliit na naman sa kaniya ang kaniyang kalaban, ngunit bigla rin ’yong napalitan ng pamumutla nang makita niyang bumunot ito ng isang tubo mula sa paanan ng minamaneho nitong jeep at akma siya nitong susugurin ng palo!
Kumaripas ng takbo si Mang Tasyo dahil doon. Nagsisisigaw siyang humingi ng tulong sa iba pang motorista, ngunit walang ni isa man ang gustong tumulong sa kaniya! Kilalang-kilala kasi siya sa lugar na ’yon, hindi lang ng mga kapwa niya tsuper kundi pati na rin ng karamihan sa mga pasahero sa lugar na ’yon. Alam ng mga ito ang kaniyang ugali, kaya naman walang gustong kumampi sa kaniya. Imbes na awatin ay chini-cheer pa nga ng mga tao ang jeepney drayber na ngayon ay humahabol sa kaniya!
Tinamaan siya ng isa sa kaniyang ulo, kaya naman ngayon ay tumatakbo na siyang sapo-sapo iyon. Mabuti na lamang at may isang traffic enforcer na rumesponde at umawat sa nasabing insidente bago pa siya tuluyang mamalmaan ng nasabing lalaki!
Sa presinto ay si Mang Tasyo pa ang nahabla ng maraming tao, dahil sa patong-patong na kasalanan niya sa ginawang pag-i-eskandalo lalo pa at nakuhanan din iyon ng CCTV, pati na rin ng mga video mula mga pasaherong sakay ng jeep kanina.
Bukod sa ilang araw na pagkakakulong ay pinagbayad pa tuloy ng danyos si Mang Tasyo na siya niya namang ikinadala sa pagpapakasiga. Nakahanap siya ng katapat. Isang malaking leksyon ang natutuhan niya sa pangyayaring ’yon kaya naman ipinangako niya sa kaniyang sarili na simula ngayon ay pipilitin niya nang magbago.