Inday TrendingInday Trending
Hindi pa man Niya Nasusuweldo ay Ipinangungutang na ng Kaniyang Ina ang Kaniyang Sasahurin; Tuturuan Niya ng Leksyon ang Gastador na Ina

Hindi pa man Niya Nasusuweldo ay Ipinangungutang na ng Kaniyang Ina ang Kaniyang Sasahurin; Tuturuan Niya ng Leksyon ang Gastador na Ina

Tuwang-tuwa pa man din si Jasmin, dahil malaki-laki ang sinahod niya ngayong buwan. Paano kasi ay binigyan siya ng bonus ng kaniyang boss dahil sobrang pumatok sa kanilang mga mambabasa ang isa sa mga artikulong inilabas niya ngayong buwan.

Ngunit ganoon na lang ang panlulumo ng dalaga, nang sa kaniyang pag-uwi ng gabing ’yon ay inabutan niya ang ilan sa kanilang mga kabarangay sa tapat ng kanilang bahay, at inaabangan siyang makauwi galing trabaho.

“Naku, Jasmin, mabuti naman at nakauwi ka na. Kanina ka pa namin hinihintay, e. Ang sabi kasi ng nanay mo, sa ’yo raw namin singilin ang mga inutang niya nitong linggo noong natalo namin siya sa laro namin sa baraha,” salubong sa kaniya ni Aling Maria, na kumare ng kaniyang ina at numero-unong kasa-kasama nito sa pagsusugal.

“Ho?” gulat na bulalas naman ni Jasmin. “Hindi ho ba at kababayad ko lang sa inyo noong nakaraang linggo?” dagdag niya pa na kunot na kunot ang noo.

“Iba na ’yong ngayon, hija. Naglaro kasi kami ulit noong lunes ng nanay mo, e,” sagot ni Aling Maria na sinegundahan naman ni Aling Teresa—iyong may-ari ng mini-grocery store doon sa kanto ng kanilang subdibisyon.

“Oo nga, Jasmin. Sa akin din, ganoon ang sinabi ng nanay mo, e. Medyo mahaba-haba na rin kasi ang listahan n’yo, kaya naniningil na sana ako kung okay lang.”

Muling ipinagtaka ni Jasmin ang sinabing ’yon ni Aling Teresa, dahil nagbibigay naman siya palagi ng pang-grocery sa kaniyang ina. Paanong nauubusan pa sila’t nakakautang pa ito sa tindahan?

Ganoon din ang reklamo ng tatlo pang naghihintay sa kaniya sa labas ng kanilang gate na pawang pinagkakautangan din ng kaniyang ina. Palagi na lamang pangalan niya ang isinasangkalan nito sa mga utang kaya naman hindi pa man niya nasasahod ang perang pinaghihirapan niya ay ubos na iyon kaagad!

Halos manlumo si Jasmin nang makitang tatlong libo na lamang ang perang natira sa kaniyang wallet, samantalang sumahod siya ng kinse mil, kani-kanina lang. Ubos ang lahat sa utang pa lang ng kaniyang ina! Ngayon ay problema niya pa kung paano siya magbabayad ng tubig at kuriyente ngayong buwan, bukod pa sa kanilang kakainin.

“Ano, ’nak, sumahod ka na?” bungad sa kaniya ng ina pagpasok niya ng bahay. Bagsak ang balikat na tuloy-tuloy lamang siyang pumasok nang hindi sinasagot ang tanong nito.

“Sumahod ho ako…pero wala na akong pera,” sagot niya naman na sinundan niya ng paghagulhol.

“Bakit naman?” maang na tanong pa nito sa kaniya kaya naman galit na napataas ang boses ni Jasmin.

“Na-holdap ho ako, ’nay,” pagsisinungaling niya. Nanlaki naman ang mga mata ng kaniyang ina dahil sa narinig.

“Ano?! E, papaano na ang mga utang ko? Hindi mo ba nakita ’yong mga naghihintay sa ’yo sa labas—”

“Nakita ko ho, ’nay. Pinakiusapan ko na rin ho sila na bigyan pa kayo ng palugit hanggang sa makagawa kayo ng paraan,” putol niya pa sa sinasabi ng ina na agad pa nitong ipinagtaka.

“Ako? B-bakit ako ang gagawa ng paraan, ’nak? Ano’ng ibig mong sabihin?” tila kinakabahang tanong nito.

Sa likod ng isip ni Jasmin ay napangisi siya. Dahil sa ginagawa ng kaniyang ina ay isang leksyon ang naisip niya upang magtino ito, kaya naman kanina ay kinuntsaba niya ang kanilang mga kabarangay na sabihin sa kaniyang ina na hindi niya pa sila nababayaran.

“Kayo naman ang nangutang no’n, ’di ba, ’nay? Hindi ko na ho kasi ’yon magagawan pa ng paraan dahil natanggal ho ako sa trabaho, at tinatamad pa akong mag-apply ng panibago. Kayo naman ho ang gumawa ng problemang ’yan kaya kayo ang umayos n’yan,” sabi pa ni Jasmin at dahil doon ay halos manginig naman ang tuhod ng kaniyang ina sa takot!

Ang totoo ay nag-leave lang si Jasmin sa trabaho upang magmukhang makatotohanan ang parusa niya sa inang gastadora. Hinayaan niya ring maputol muna ang tubig at kuriyente nila, upang ito naman ang mamroblema sa paghahanap ng paraan kung paano sila makakabayad.

Tuloy, ilang araw na nagpagod sa pagma-manicure ang kaniyang ina, na simula noong nagtrabaho siya ay hindi na nito ginawa pa dahil nagpasiya na itong magbuhay reyna. Himala ngang nakaipon agad ito ng sapat na pambayad sa utang niya, pati na rin sa pambayad ng kuriyente at tubig!

“Kaya n’yo naman po palang magtipid, ’nay, e. Kinakailangan ko pang bigyan kayo ng leksyon para lang maalala ninyo na hindi madaling kumita ng pera,” naiiling na ani Jasmin matapos kunin sa ina ang mga kinita nito. Doon niya lamang isiniwalat sa ina ang totoo, na imbes na magalit ay natawa na lang sa kaniyang ginawa. Simula noon ay natauhan na rin sa wakas ang inang gastadora at hindi na nito inulit pa ang ginagawang pang-aabuso sa kaniya, bagkus ay tinutulungan na siya nito ngayon sa lahat ng gastusin.

Advertisement