Inday TrendingInday Trending
Noong Una pa Lang ay Duda na ang Ginoong Ito na Matatanggap Siya ng Ama ng Kaniyang Mayamang Nobya; Manlalambot Siya sa Magiging Trato Nito sa Kaniya

Noong Una pa Lang ay Duda na ang Ginoong Ito na Matatanggap Siya ng Ama ng Kaniyang Mayamang Nobya; Manlalambot Siya sa Magiging Trato Nito sa Kaniya

“Paano kung hindi nila ako magustuhan?” bagsak ang mga balikat at nayuyukong tanong ni Kiko sa nobyang si Jane, matapos nitong sabihin sa kaniya na gusto na raw siyang ipakilala nito sa kaniyang pamilya. Sino ba namang hindi kakabahan sa gustong mangyari ng dalaga, gayong siya ay isang hamak na janitor lamang habang ito ay anak ng isang mayamang negosyante!

Isang heredera si Jane. Nag-iisa itong anak ng mag-asawang bilyonaryo. Mula ito sa pamilya ng isang mayamang negosyante na hanggang ngayon ay nangunguna pa rin sa mga kinikilalang personalidad pagdating sa pagnenegosyo. Kaya’t paano siya haharap sa mga ito?

“Hindi ka nila huhusgahan, Kiko, maniwala ka sa akin! Mabait ang mommy at daddy ko at sigurado akong magugustuhan ka nila dahil bukod sa masipag at masigasig ka ay may pangarap ka rin naman sa buhay!” patuloy pa ring pangungumbinsi sa kaniya ni Jane, ngunit tinalikuran lamang ni Kiko ang dalaga.

“Pangarap na imposibleng matupad—iyon ba ang tinutukoy mo, Jane? Paano ako magiging isang matagumpay na negosyanteng katulad ng papa mo, kung heto at nagtatrabaho nga ako bilang tagalinis lang ng inodoro! Tagaligpit ng kalat ng iba, at tagapunas ng mga putik galing sa paa n’yong matataas na tao!” halos maiyak si Kiko dahil sa sobrang panliliit sa sarili. Dahil doon ay nagsimula na rin tuloy niyang kuwestiyonin kung bakit ba nagawa niyang ligawan si Jane noon, gayong alam niya namang langit at lupa ang pagitan nilang dalawa!

“Kiko, ganiyan ba talaga ang tingin mo sa amin? Ganiyan ba ako sa ’yo? Hindi naman, ’di ba? Kaya bakit ayaw mong maniwalang hindi magiging gano’n ang pamilya ko sa ’yo?” naiiyak na tanong na ngayon sa kaniya ng nobya. “Kung ayaw mong magpakilala sa mga magulang ko, ibig sabihin lang no’n, hindi ka seryoso sa akin…tama ba?”

Napasinghap si Kiko sa naging tanong na ’yon ni Jane at mabilis pa sa alas kuwatrong napailing siya. “Hindi! Hindi ’yan totoo, Jane. Alam mong mahal kita at gagawin ko ang lahat para patunayan ’yon. Natatakot lang talaga akong mapahiya ka. Baka mapagalitan ka pa dahil sakin,” katuwiran pa rin ni Kiko sa nobya ngunit piningot lamang nito ang tungki ng kaniyang ilong.

“Hihintayin kita sa bahay bukas ng alas siyete. Kapag hindi ka pumunta, mag-break na lang tayo,” nakangisi pang sabi nito sa kaniya bago ito nagtatakbo at biglang sumakay ng taxi pauwi. Napailing na lang si Kiko sa kapilyahan ng kaniyang kasintahan. Mukhang wala na siyang magagawa pa kundi ang sundin ang gusto nito. Bahala na.

Kinabukasan ay nagbihis si Kiko ng pinakamagandang damit na nakita niya sa kaniyang damitan. Iyon na ang pinakamaganda, ngunit nang oras na tumuntong siya sa tapat pa lang ng gate ng tahanan nina Jane ay halos nagmukha na agad siyang basahan—iyon ang tingin niya sa kaniyang sarili.

Bumuntong-hininga muna si Kiko bago niya pinindot ang doorbell, at maya-maya pa’y isang de unipormeng kasambahay na ang lumabas mula sinasabing tahanan…

“So, ikaw pala ang nobyong ikinukuwento sa akin ng anak ko…”

Halos mangatog ang tuhod ni Kiko nang salubungin siyang kaagad ng mga magulang ni Jane na sa mga sandaling ito ay hindi pa rin mahagilap ng kaniyang mga mata. Marahil ay nasa itaas pa ito at nagbibihis sa kaniyang kwarto. Gusto na nga sana niyang kuninang cellphone niya sa bulsa upang i-text ito ngunit hindi siya makakilos man lang sa harap ng mga magulang ni Jane na ngayon ay mataman siyang tinititigan…iniinspeksyon.

“A-ako nga po. P-please to meet you po, ma’am, sir—a-ako po si Kiko. Uunahan ko na po kayo, isa po akong hamak na janitor na nangangarap maging negosyanteng katulad ninyo kaya po nagsusumikap ako. M-mahal ko po ang anak n’yo, kaya po kung sa tingin n’yo ay makakabuting iwan ko na lang siya’y—”

Biglang pinutol ng mga magulang ni Jane ang tuloy-tuloy napagsasalita ni Kiko. “Ano ba’ng sinasabi mo, hijo? Wala namang kaso sa amin kung ano ang trabaho mo, basta ba ipapangako mong hindi mo sasaktan ang anak namin. P’wede bang huwag mo kaming itulad sa ibang mayayamang pamilya diyan na porque may pera’y mababa na kung tumingin sa kapwa? Kung hindi mo naitatanong e, dati rin akong janitor habang ang asawa ko naman noon ay isang tindera. Hindi kami nagsimulang mayaman na agad kaya hindi mo kailangang magpaliwanag o katakutan man lang ang katayuan mo ngayon sa buhay,” mahabang litanya pa ng ama ni Jane na ikinalambot ng tuhod ni Kiko!

Napakabait ng mga ito at dahil doon ay nakaramdam siya ng matinding hiya sa agad na panghuhusga niya sa mga ito gayong hindi pa naman niya sila nakikilala! Minsan talaga, sarili lang natin ang kalaban natin. Iyong takot na hinahayaan nating lumukob sa ating pagkatao. Mabuti na lamang at bago pa ipahiya ni Kiko nang tuluyan ang kaniyang sarili ay bumaba na si Jane at sinalubong siya upang pormal siyang ipakilala nito sa mga magulang. Nakahinga nang maluwag si Kiko nang matapos nang matiwasay ang gabing ’yon, lalo na nang sabihin sa kaniya ng ama ni Jane na tutulungan siya nitong makatapos ng pag-aaral upang makamit niya ang pangarap niya at nang sa ganoon ay mabigyan niya rin ng magandang kinabukasan ang kanilang anak.

Advertisement