Basta na Lamang Nagdesisyong Magpakasal ang Magkasintahang Ito; Problema pala ang Aabutin Nila sa Pagtira nila sa Iisang Bubong
“Anak, mag-isip ka muna. Hindi ba masiyado pang maaga para magpakasal kayo kaagad ng nobyo mo? Kung tama ang pagkakatanda ko ay maglilimang buwan pa lang kayong magkasintahan, hindi ba?”
Napairap sa kawalan si Eloisa nang sabihin ’yon ng kaniyang ina matapos niyang ipaalam sa mga ito na magpapakasal na sila ng nobyong si Anthony. Hindi niya alam kung bakit ba ngayon ay binabawi na nila ang noon ay pamimilit nila sa kaniyang makipagrelasyon na dahil lampas na sa kalendaryo ang kaniyang edad!
“Mama, matanda na ho ako. Alam ko na ang ginagawa ko, kaya kung p’wede lang sana ay payagan n’yo nang magpakasal kami ni Anthony. Mahal na mahal ko ho siya at ganoon din siya sa akin, kaya ano pa ba ang dapat naming hintayin?” tanong pa ni Eloisa sa ina.
“Hindi paghihintay, kundi lubusang pakikipagkilala muna sa isa’t sa ang kailangan n’yo bago n’yo pasukin ang pag-aasawa. Anak, hindi ganoon kadali ang pagpapakasal. Hindi ’yan parang kanin lang na pagsinubo mo’t napaso ang ’yong dila’y maaari mo na lamang basta iluwa! Sagrado ang pagiging magkabiyak. Hindi n’yo kakayanin ang mga pagsubok na dadaanan n’yo kung hindi n’yo pa lubusang kilala ang isa’t isa,” paliwanag naman ng ina ni Eloisa, ngunit muli lamang siyang napaismid.
Ayaw niyang makinig. Para kay Eloisa ay masiyado lamang siyang bini-baby ng kaniyang ina dahil sa takot na mawalay na siya sa piling nito, bilang nag-iisa nga lamang siyang anak ng kaniyang mga magulang. Siguro ay binibiro lamang talaga siya nito noon sa tuwing pipilitin siya nitong makipagnobyo noon.
“Mama, napag-usapan na namin ni Anthony ang lahat. Sigurado na po kami sa desisyon namin at hindi na namin ’yon babaguhin kaya suportahan n’yo na lang sana kami,” sabi pa ni Eloisa sa ina na sa huli ay napabuntonghininga na lang at wala nang nagawa pa sa kaniyang kagustuhan.
Tinupad nina Eloisa at Anthony ang kanilang plano sa kabila ng parehong pagtutol ng kani-kaniya nilang pamilya. Nagpadalus-dalos sila sa kanilang mga desisyon, dahil kung tutuusin ay naghahabol na rin naman sila ng panahon. Trenta’y tres anyos na kasi si Eloisa habang si Anthony naman ay trenta’y sinco na.
Isang buwan lang matapos silang ikasal ay agad na kinompirma ng kanilang doktor na nagdadalantao na si Eloisa. Matinding tuwa ang naramdaman ng mag-asawa dahil magkakaanak na sila at mabubuo na rin ang pinapangarap nilang pamilya!
Ngunit isang hindi inaasahang araw ang biglang dumating sa buhay nila—sa hindi malamang kadahilanan kasi ay nakunan si Eloisa…nawala ang batang dinadala niya!
“Hindi raw gaanong makapit ang bata, sabi ng doktor,” paliwanag ni Anthony sa kaniyang asawa nang magising ito matapos itong operahan upang matanggal ang dumi sa kaniyang sinapupunan.
Nawalan agad ng kontrol si Eloisa sa kaniyang emosyon at panay ang iyak niya nang gabing ’yon. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa pagkawala ng kanilang anak. Gusto mang aluin ni Anthony ang asawa, at sabihing hindi iyon totoo, may parte talaga sa kaniyang isip na nagsasabing, “oo, kasalanan nga ito ng asawa ko.”
Simula tuloy noon, parehong naging malayo na sa isa’t isa ang loob nilang dalawa. Palagi na silang nag-aaway, ’di ’tulad dati. Dito na rin kasi nila nasimulang makita ang kamalian sa pagkatao ng bawat isa na noon ay hindi nila napagtuunang pansin dahil masiyado nilang mahal ang kanilang relasyon. Para bang pareho silang nagsisi na nagmadali silang magpakasal sa isa’t isa, kaya ngayon ay wala na silang kawala pa kahit na ang totoo ay gusto na nilang maghiwalay.
Doon naalala ni Eloisa ang payo sa kaniya ng kaniyang ina. Totoo nga palang ang pagpapakasal ay hindi parang mainit lamang na kanin na maaari mong iluwa kapag napaso ang iyong dila. Kung sana ay nakinig lamang siya, hindi sana sila nagdurusa ngayon ng kaniyang asawa.
Mabuti na lamang, sa awa ng Diyos, ay muling nanumbalik ang pagmamahalan ng dalawa nang sa wakas ay napag-usapan na nila ang kanilang problema. Nagawa nilang isalba ang kanilang relasyon bago pa sila tuluyang maghiwalay, sa tulong na rin ng pakikipag-usap sa kanila ng kani-kanilang mga kapamilya. Pareho silang nagdesisyong masimula ulit sa umpisa at huwag nang madaliin pa ang lahat. Ngayon ay natutuhan na nilang magdahan-dahan, at sumunod na lamang muna sa agos ng kanilang kapalaran upang sa susunod na subukin sila ng tadhana’y maging handa na sila upang hawak-kamay na lumaban.